Inamin ni Wendell Ramos na hindi pa sila nagkakausap ng direktor na si Erik Matti mula nang magkaisyu sila dahil sa pelikulang On The Job: Missing 8.
Noong January 2023, base sa vlog ni Ogie Diaz, inihayag ni Erik na may artista siyang ayaw makatrabaho.
Iniwan daw ng artista ang shooting ng isang malaking eksena sa On The Job: Missing 8 upang bumalik sa lock-in taping ng isang teserye.
Kalaunan, natukoy na si Wendell ang sinasabing artista ng On The Job director na si Erik.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Wendell sa launch ng Wendelli, sa grand ballroom ng City of Dreams.
Dito sinabi ni Wendell na umaasa siyang magkaayos sila ni Direk Erik.
"Kung anuman yung issue na yun, of course, baka hindi lang niya naintindihan, naipit lang ako.
"Siguro ang pinakamali lang nun, hindi ko siya na-tap. Hindi naman porke't di ko siya tinap, e, ini-ignore ko siya," saad ni Wendell.
Patuloy niya, "Hopefully, maging okay na naman siya kasi baka na-misunderstood lang niya.
"Sobrang busy sila nun. And ayoko rin namang sisihin yung office ko, sila Perry Lansigan, na hindi sila nasabihan.
"Ayokong magkaroon ako ng problema both [sides] especially to my network, to GMA."
Ang PPL, sa pamumuno ni Perry Lansigan, ang nangangalaga sa career ni Wendell.
Sa kabila ng pag-ayaw ni Direk Erik na makatrabaho siya, positibo pa rin daw ang pagtingin ni Wendell sa direktor.
"But I respect him. Alam naman ng Diyos na hindi naman tayo masamang tao para sa kanya at para bumastos ng direktor.
"Hindi naman tayo pinalaki ni Douglas nang ganun."
Ang tinukoy ni Wendell na "Douglas" ay ang yumaong talent manager na si Douglas Quijano.
Bukas din si Wendell sakaling magkaroon uli ng pagkakataong magkatrabaho sila ni Erik.
"Of course. Wala namang di gustong makatrabaho si Direk Erik," saad ni Wendell.
Dagdag niya, "Okay kami ni Direk Erik, sobrang okay kami nun. I love Erik Matti. Saludo ako sa kanya, inspirasyon siya.
"Hopefully, mawala na lang yung ganung pakiramdam. Baka akala niya kasi in-ignore ko siya or nabastos.
"But definitely not. I respect him."
Handa rin daw siyang makipag-usap kay Direk Erik sa oras na magkrus ang landas nila.
Sabi pa ni Wendell, "Pag nagkita kami sasabihin ko, 'Direk, I respect you.'
"Kahit hindi na tayo magkatrabaho, nandito tayo sa iisang mundo."
Noong January 12, 2023, inulat ng PEP Troika ang paglilinaw ni Wendell sa panig niya sa isyu.
Kinailangan daw niyang bumalik sa taping ng Prima Donnas noong panahong nagsu-shooting siya sa OTJ.
Ipinaalam daw ng handler niya sa produksiyon ng OTJ ang desisyon niyang iyon.
Tila nagkaroon ng miscommunication, pero liban sa mga nasabi ni Wendell ay hindi na siya nagdetalye pa sa isyu.
Read more stories on PEP.ph:
- Edu Manzano on son Luis's legal battle: "I don't need to defend him. He's his own man."
- Pokwang fumes at ex-partner Lee O’Brian; calls him "inggrato"
- Boy Abunda disappointed with Liza Soberano's "this is me" vlog
- Liza Soberano on people who made her a star: "I wouldn't have the name that I have, if it weren't for them."
