#EatBulagaWar
Ang balitang sinusuyo ni Romeo Jalosjos si Willie Revillame para maging host ng Eat Bulaga ang mainit na balitang kumalat ngayong Biyernes ng hapon, March 3, 2023.
Ito ang plano umano ni Jalosjos kung sakaling matuloy ang pag-alis ng original Eat Bulaga hosts na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Kaugnay ito ng nangyayaring mga pagbabago sa management ng long-running noontime show.
Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kunin ang panig ni Willie tungkol sa kontrobersyal na isyu, pero hindi siya sumagot sa mga mensahe na ipinadala sa kanya.
Si Jalosjos ay co-founder ng TAPE Inc., ang independent production company na nagproprodyus ng Eat Bulaga.
Co-founder din ng show si Tony Tuviera, isa sa mga executive ng TAPE na matagal nang nagretiro pero siyang namamahala sa Eat Bulaga sa matagal na panahon.
Parehong may-ari sina Jalosjos at Tuviera ng TAPE, pero mas malaki umano ang share ng dating kongresista na si Jalosjos.
Una nang naiulat sa Cabinet Files ng PEP.ph, ngayong ding araw, na ang tatlong anak na ni Jalosjos ang magpapalakad sa Eat Bulaga kaya may mga pagbabagong magaganap sa programa.
READ: Mga anak ni Romy Jalosjos, nakipagpulong sa GMA-7 executives tungkol sa TAPE Inc.
Kasunod ito ng mga haka-hakang posibleng iwanan nina Tito, Vic at Joey ang Eat Bulaga dahil sa loyalty nila kay Tony Tuviera, na siyang namahala sa show sa matagal na panahon.
Nadadawit ang pangalan ni Willie sa isyu dahil, ayon sa mga hindi kumpirmado na ulat, siya ang napipisil ni Jalosjos na ipalit kina Tito, Vic at Joey kapag iniwan ng tatlo ang Eat Bulaga.
Ang Wowowee, ang defunct noontime variety show ni Willie sa ABS-CBN, ang mahigpit na katapat ng Eat Bulaga mula February 2005 hanggang July 30, 2010,
May mga nagsasabi na malabong tumanggap si Willie ng bagong programa dahil sa kontrata niya sa ALLTV bilang host ng Wowowin.
Pero mapapansin na matagal nang hindi napapanood si Willie sa live telecast o live streaming ng Wowowin.
Mula ito nang magdesisyon ang ALLTV management noong February 3, 2023 na pansamantalang ihinto ang kanilang mga programa hangga’t hindi naaayos ang problema ng network sa signal.
Hindi nawawalan ng pag-asa ang mga tagasuporta ni Willie na muli nilang mapapanood ang TV host sa GMA-7.
At kung totoong siya ang gusto ni Jalosjos na ilagay sa Eat Bulaga at ipalit kina Tito, Vic at Joey, may naiisip na ang fans ni Willie na puwede raw pamagat ng show, ang Wow Bulaga!
Sa gitna ng kontrobersiya, nagpahiwatig si dating Senate President Tito Sotto na solid sila ni Tony Tuviera.
READ: Tito Sotto reacts to rumored goings-on in Eat Bulaga!: "Who says we’re splitting?"
Ang isa pang Darbarkads na si Joey ay waring hindi nagpatinag sa mga napapabalitang pagbabago sa Eat Bulaga, at ikinatuwa pa na nasa headlines ang TVJ.
READ: Joey de Leon unfazed amid reported rebranding of Eat Bulaga!