Answered prayer para kay Vhong Navarro ang pag-absuwelto sa kanya ng Supreme Court sa kasong rape at acts of lasciviousness.
Kahapon, March 13, 2023, naiulat ang desisyon ng Supreme Court na walang probable cause na ginahasa ni Vhong si Deniece Cornejo noong January 17, 2014, at pinagtangkaang gahasain ang modelo noong January 22, 2014.
Ngayong Martes, March 14, 2023, naglabas si Vhong ng pahayag sa live telecast ng Kapamilya noontime show na It's Showtime.
Inihayag ni Vhong na lubos ang pasasalamat niya sa mga taong hindi sumuko sa pagdadasal para sa kanya.
"Dasal ako nang dasal every day, every night na makuha ko na yung minimithi ko — na matapos na itong pinagdadaanan ko.
"May panahon na nawalan ako ng pag-asa, e. Nawalan ako ng hope nung nasa loob ako. Pero di ako tumigil sa pagdadasal.
"Eto na po, dininig na po ng Supreme Court yung dasal natin. Nagkakaroon na po ng maganda ang ginawa nilang pagresolba sa kaso ko.
"Kaya maraming-maraming salamat sa Supreme Court.
"Maraming-maraming salamat sa aking legal team na talagang andiyan, hindi ako pinabayaan — kina Atty. Alma [Mallonga], Atty. Von, Atty. Cris."
Nagpasalamat din si Vhong sa ABS-CBN na hindi raw siya hinayaang mawalan ng trabaho sa kabila ng kasong kinaharap.
"Of course, ABS-CBN, hindi ako iniwan. Binigyan ako ng trabaho. Welcome ako dito sa Showtime.
"Sir Carlo Katigbak, maraming-maraming salamat. Sir Mark Lopez, and, of course, Tita Cory Vidanes, maraming-maraming salamat."
Pinasalamatan din ni Vhong ang talent manager na si Chito Roño, ang Streetboys, Solid 8K, at fans na kasama sa mga nagdasal para sa kanya.
Hindi rin niya nakaligtaang banggitin ang misis na si Tanya Bautista at ang mga anak na sina Ice at Bruno.
Dagdag ni Vhong, "At ngayon po, dahil sa Supreme Court, naniniwala po ulit ako na may justice system sa Pilipinas."
DETAINED FROM SEPTEMBER TO DECEMBER 2022
Matatandaang ikinalungkot nang husto ni Vhong ang pagkaditena sa kanya sa loob ng halos tatlong buwan mula September 19, 2022 hanggang December 6, 2022.
Ikinagulat ni Vhong ang pagbaliktad ng Court of Appeals sa nabasurang rape complaints ni Deniece sa kanya noong July 2022.
Boluntaryong sumuko si Vhong sa National Bureau of Investigation (NBI) noong September 19, 2022.
Sabi ni Vhong noon: "Yun nga lang ang nakakalungkot kasi for how many years, akala namin nila Atty. [Alma Mallonga], ng aming legal team, tapos na, patapos na.
“Kaya nagulat kami, parang after ilang years, eto uli nabuhay.
"At parang ako pa yung nababaligtad. Na ako yung biktima, so parang ang hirap paniwalaan."
Ibinasura ng Department of Justice ang tatlong hiwa-hiwalay na rape complaints ni Deniece noong 2014 at 2015.
Kasabay noon ay kinasuhan naman ng DOJ ang grupo nina Deniece at Cedric Lee ng kasong grave coercion at serious illegal detention noong April 2014.
Nahatulang guilty sa grave coercion ang grupo nina Deniece at Cedric noong July 2018.
Patuloy ni Vhong sa panayam ng ABS-CBN News noong September 2022, "So ako, mula noong 2014, inilahad ko lahat ng nangyari. Wala akong itinago, sinabi ko lahat.
"Alam ng Panginoon iyon. Nagsasabi ako ng totoo, kaya ngayon ang bigat ng loob ko.
"Ba’t parang ganito? Para mabuhay, at the same time, ngayon binabaligtad kami."
COURT APPROVES VHONG NAVARRO'S PETITION FOR BAIL
Non-bailable ang kasong rape na kinaharap ni Vhong.
Pero noong December 5, 2022, pinaboran ng korte ang petisyon ni Vhong sa dahilang kuwestiyonable ang kredibilidad ng complainant na si Deniece.
Pabagu-bago raw ang salaysay ni Deniece sa insidenteng siya ay sekswal na inabuso raw ng It's Showtime host.
Nagkakahalaga ng PHP1M ang piyansang binayaran ni Vhong sa korte para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Lubos ang saya noon ni Vhong na makapiling muli ang pamilya at makapagdiwang ng Pasko kasama ang mga mahal sa buhay.
Nakabalik si Vhong bilang co-host ng It's Showtime, matapos ang dinanas na detainment, noong January 16, 2023.
Hanggang sa lumabas na ang desisyon ng Supreme Court na si Vhong ay pinapawalang-sala.
