“I’m gay.”
Ito ang deklarasyon ng StarStruck Season 6 Ultimate Female Survivor na si Klea Pineda.
Kasabay ng kanyang ika-24 kaarawan ngayong Linggo, March 19, 2023, ay nag-come out na ang Kapuso actress.
Hindi naging madali para kay Klea na aminin sa publiko na miyembro siya ng LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, trans, queer, intersex, asexual +) community. Pero alam daw ng aktres na kailangan niyang gawin ito para sa sarili.
“May something inside of me na napi-feel ko talaga na kailangan for me. Ako naman,” pahayag ni Klea sa panayam sa kanya na umere sa 24 Oras ngayong Linggo.
Ani Klea, urong-sulong siya bago ang pagsasapubliko ng sexual preference niya dahil sa takot na maapektuhan ang kanyang showbiz career.
“Yung takot andidiyan siya parati, pero mas nangingibabaw yung excitement.
"For the longest time, parang nagbi-base ako sa mga tao kung sino talaga ako.
"Parang ito yung masasabi ko na sa akin, na ako. Ako to. And I’m proud na eto ako,” saad niya.
Sa kabila nito, ipinahayag ni Klea na hindi limitasyon ang sekswalidad niya para ipagpatuloy ang kanyang showbiz career.
“I have a rainbow heart, pero mapapakita ko siya in a way na gusto ko.
“Kaya ko pa rin naman makipag-kissing scene sa lalaki. Hindi ko nili-limit ang sarili ko when it comes to my work.”
KLEA POSTS ABOUT HER COMING OUT
Ibinahagi rin ni Klea sa Facebook ang kanyang pag-amin ngayong Linggo.
Ayon sa Kapuso actress, mas naging espesyal ang kanyang kaarawan ngayon dahil ipinakita niya ang kanyang “authentic self.”
“Masasabi ko na ito na ang pinakamatapang na desisyon na nagawa ko sa buong buhay ko. I want the world to know that I am a proud member of the LGBTQIA+ community.”
Hindi man daw suportado ng lahat ang kanyang desisyon, alam niyang ito ang desisyong magpapasaya sa kanya.
Nais niyang magsilbing inspirasyon sa mga katulad niyang may pinagdadaanan din pagdating sa kanilang sexuality.
“Alam ko mahirap at nakakatakot, but please know na walang mali sa atin at walang kulang sa atin kahit pa magpakatotoo tayo.
"Marami man ang manghusga, mas marami pa rin ang tatanggap at magmamahal sa’yo nang buong-buo.
“Just be the person that your younger self would be proud of!”
Aniya pa, “I am still the same Klea that you loved and supported throughout the years. The only difference now is I can proudly say that I’m gay!
“From now on, I want to live my life fearlessly.”
