Ibinahagi ng veteran broadcaster na si Ted Failon kung paano niya hina-handle ang death threats na hindi maiwasang maranasan ng mga tagapagbalita at komentaristang kagaya niya.
Seryosong sagot ni Ted: "I'm just curious about safety. Sa akin, sa trabaho kong ito, kung papatayin ka nila, papatayin ka nila.
"Kahit gaano pa karami security mo. Kung oras mo na rin, oras mo na rin.
"At kung talagang pa-project-in ka nila, pa-project-in ka nila. Wala kang kalaban-laban."
Sa usaping bashers, hindi rin apektado si Ted sa netizens na hinda pabor sa mga komentaryo niya sa iba-ibang isyu.
Wala raw kasi siyang social media accounts.
Paliwanag ni Ted, "Aaminin ko, old school ako, ibang teritoryo yan [social media], ayoko siyang puntahan.
"Marami din akong kilala na nandiyan na gumulo ang buhay.
"Kagandahan sa akin, dahil wala ako niyan, no effect sa akin. Kaya pag nagpoprograma ako, walang effect sa akin. Kasi, una, hindi ako nagbabasa ng YouTube reactions."
Iyon din daw ang payo ni Ted sa katambal sa radyo na si DJ Cha-Cha.
"Ang payo ko kay Cha-Cha, 'Huwag na huwag kang magpapansin diyan, hayaan mo sila sa sinasabi nila sa iyo.'
"Lahat kasi may cellphone. Pag gumawa ka ng vlog o ano pa man, di ko alam kung ano ang mga tawag diyan, makikita mo walang picture [yung basher].
"Saka yung iba walang takot sa cyber libel."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ted sa launch ng 92.3 Radyo5 True FM, na ginanap sa Quezon Memorial Circle, noong March 11, 2023.
Read: Ted Failon recalls fond memories of ABS-CBN's original HQ; gives update about his TV5 stint
NOT INTERESTED IN DOING REGULAR TV WORK?
Nakilala si Ted sa ABS-CBN News & Current Affairs shows tulad ng Hoy Gising, Failon Ngayon, at TV Patrol.
Nang magsara ang broadcast operations ng ABS-CBN, pagkatapos mawalan ng prangkisa ang network, isa si Ted sa mga lumipat sa ibang TV network.
Lumipat si Ted sa Radyo5 ng TV5 noong October 2020, at nagkaroon ng creative input sa rebranding ng istasyon na inilunsad nitong March 2023.
Regular na napakikinggan si Ted, kasama si DJ Cha Cha, sa Ted Failon at DJ Cha Cha sa Radyo5, isang morning infotainment radio program sa Radyo5.
May plano ba na siya ay mag-news anchor sa TV program ng TV5?
"Hindi ko naman maitatanggi, kinukuha ako matagal na, nung una pa lang, nung ako'y kinausap for News," sagot ni Ted.
Pero pinili raw ni Ted na bawasan ang kanyang trabaho dahil siya ay 61 taong gulang na.
"Dahil sixty-one na ako, kagaya dati, di ba sa DZMM, mayroon akong maaga tapos babalik pa ako sa gabi?
"Pag gagawin ko ito dito, e, I wake up every morning 2:30 in the morning, kasi I arrive in the station 4:15 a.m.
"Hinahandaan ko talaga yung programa namin, hindi bara-bara yun. Pinaghahandaan namin lahat.
"Pagdating ng alas sais, kumportable na kami, apat na oras yun. Para sa akin, yung energy ko lahat, nandun na."
WORK-LIFE BALANCE
Hindi raw niya inaasam ang dagdag na trabaho para sa dagdag na talent fee.
Aniya, "At ayoko nang dagdagan pa ako ng... Aanhin ko pa, kung pag-uusapan, hindi naman sa pag-aano, yung additional na income.
"Kuntento na ako dito, masaya na ako."
Mas gusto raw ilaan ni Ted ang oras sa pamilya.
"Sa ngayon, kasama ko ang dalawang apo ko. Ngayon nakikita ko ang mga apo ko na lumalaki.
"Kasi hindi ko nakitang lumaki ang mga anak ko, e. Tumanda ako sa broadcast na di ko nakitang lumaki ang mga anak ko.
"Pero itong dalawang apo ko, nakikita ko silang lumalaki, araw-araw ko silang nakikita, nag-uusap, nakakatulong ako sa mga assignments.
"Gusto ko rin naman na bigyan ng oras ang sarili ko saka pamilya ko."
Sumasalang naman daw si Ted sa TV kapag may mga special coverage.
"Pero pag mga malaki, like, di ba, nung eleksyon nag-anchor ako. May mga malaking ganun, okay ako.
"Pero yung araw-araw or once a week na program, parang sa tingin ko, hindi na."
LOOKING FOR A GIRLFRIEND?
Humirit si Ted na mas gusto raw niya maghanap ng girlfriend.
"Girlfriend na lang ang kulang ko. Baka may kilala kayo. Naghahanap ako.
"Pero ayoko ng matanda, e. Huwag naman sobrang ano," sabi niya.
Sabay banggit ng mga katangiang hinahanap niya sa isang babae: "Naghahanap ako ng caregiver, sixty-one na ako.
"Una, marunong mag-alaga ng matanda, marunong kumuha ng blood pressure, marunong mag-test ng sugar."
Preno rin ni Ted, "Huwag na, baka kung saan tayo mapunta, e."
MORE STORIES:
- BLACKPINK helps Andrea Brillantes with her "promposal" to Ricci Rivero
- Anne Curtis teases mom Carmen about her May-December affair: “Blooming si Mama ngayon.”
- Kira Balinger on Kelvin Miranda's ex-girlfriend accusing her as third party: "Hindi ako kabit."
