Trigger Warning: Self-harm, depression
Ipinagtapat ng aktor na si Wilbert Ross ang severe depression na pinagdaanan niya noong miyembro pa siya ng Hashtags, all-male group na regular na napapanood noon sa It’s Showtime.
Ang dahilan: ayaw umano sa kanya ng isa sa mga boss ng noontime variety show ng ABS-CBN.
Ayon kay Wilbert, biktima siya ng "power tripping." Ito umano ang nagtulak sa kanya para saktan ang sarili sa pamamagitan ng paghihiwa sa kaliwang pulso niya, gamit ang blade.
Ipinakita ni Wilbert sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang kanyang bandang pulso na punumpuno ng mga hiwa. Hindi na ito masyadong napapansin dahil pinalagyan niya ng tattoo para matakpan.
Ayon kay Wilbert, gusto lamang niyang maramdaman noon ang sakit pero hindi pumasok sa kanyang isip ang magpakamatay.
Pagtatapat niya: “Grabe po yung pinagdaanan ko, sa Hashtags mismo. Na-depress po ako, severe depression noong 2018, 2019. Nagha-harm na po ako ng sarili ko.
“Sa showbiz kasi talaga, alam natin na mahirap at may pagka-dirty."
VICTIM OF POWER TRIPPING
Itinanggi ni Wilbert na naging biktima siya ng "casting couch" — ang maling sistema kung saan nakakakuha ng proyekto ang isang talent sa pamamagitan ng pagpayag sa sexual encounter — pero nagdusa umano siya sa kamay ng isang power tripper.
Lahad niya, “Sa Hashtags po, sixteen members kami. Ang feeling ko, ako yung pinaka-least.
“Sa It’s Showtime po, may tao na ayaw sa akin talaga. Isa sa mga boss.
“May kaibigan ako na staff [member ng show]. Sabi niya sa akin, ‘Sorry ha, kasi ipinapasok ka talaga namin sa segment. Pagdating talaga sa kanya, tinatanggal na niya.'
“Tapos, umabot na rin na pati sa segment ko, like may mga segment sa Minute To Win It, two hours na lang bago ang taping, pinapalitan po ako ng ibang Hashtag.
"Si Nikko [Natividad, former Hashtags member] din ang nagsasabi kasi kaibigan niya yon.
"Parang kapag sila lang ang nag-uusap, sinasabihan akong hindi ko raw deserve sa Hashtags. Parang ako lang daw yung hindi ganoon ka-attractive."
Ang Minute To Win It ay ang defunct game show ng ABS-CBN kung saan host si Luis Manzano.
Ayon kay Wilbert, taglay pa rin niya hanggang ngayon ang trauma na nangyari sa kanya noon.
Saad niya, “Ganoon po talaga yung nararamdaman ko na power tripping.
"Ang pangit kasi parang wala akong chance. Sila nagkaka-project ng isa-isa, tapos ako, wala talagang project.
“Hindi ako pinayagan na mag-promote ng single ko. Sabi ko, 'Bakit parang ayaw niya talaga sa akin?' May isang tao talaga."
Paglalarawan pa ni Wilbert sa taong tinutukoy niya: “Powerful po siya. Nagreklamo ako sa itaas, sa ABS-CBN management, siya ang kinampihan.
“Sinabi ko sa isa sa mga boss, hinaharang ako. Sinabihan lang niya ako ng ‘Hindi naman reason yan. Kahit isang segundo ka lang makita sa TV, kung mapapansin ka, papansinin ka talaga.’
“Tineyk ko na lang na baka nga hindi ako pansinin.”
WILBERT ROSS'S TRAUMA
Bakit mas pinili ni Wilbert na saktan ang kanyang sarili?
Paliwanag niya: "Yun po ang time na sobrang lahat, sabay-sabay na nangyari. Gusto ko lang magkaroon ng pain.
“Sa sobrang kagustuhan ko na mag-showbiz, parang titiisin ko na lang ito.
“Naging matapang ako dahil sa lahat ng mga pinagdaanan ko. Sobrang harsh po talaga sa akin ng showbiz world.
“Sa Showtime, dahil hindi ako favorite, takot po ako every day na magkamali, ma-late, mag-absent.
"Kasi feel ko po na kapag nagkamali ako, magkakaroon sila ng reason para tanggalin ako.
“Ngayon po, kung magtatanong ang kahit sino sa kanila, hindi po talaga ako nale-late [sa trabaho].
"Akala nila, work ethics lang yon, pero hindi nila alam na hindi po ako nale-late dahil may trauma po ako.
“Until now, meron pa rin akong takot na baka mawala ako o tanggalin kahit wala na ako sa Showtime, pero nandoon pa rin ang takot.
“Nanginginig ako kapag ‘O, male-late na ako.’ Pero alam ko naman na wala nang mangyayari. Until now, dala ko pa rin ang trauma.”
BELIEVING IN HIMSELF
Kahit may mga humaharang noon sa kanyang mga project at guesting, tiniis daw ni Wilbert ang lahat ng mga diskriminasyon dahil alam niyang may mararating siya.
“Alam ko sa sarili ko na meron ako. Sabi ko, sige, titiisin ko lang ito.
“Kapag nagkaroon ako ng chance, kapag binigyan ako ng oportunidad, kapag sumikat man lang kahit konti, bigyan ninyo ako ng kahit isang butil ng seed, ako ang bahalang mag-grow at aalagaan ko yan.
“Yun po ang sinabi ko talaga kaya nang bigyan ako ng Viva ng chance, itinodo ko na. Until now, sinisipagan ko.
“Every project, as much as possible, nagsusulat ako ng kanta. Ipinapakita ko na I have this [talent]. Na I’m worth it na hindi ko naramdaman before,” pahayag ng aktor.
CONVERSATION WITH HIS FORMER BOSS
Hindi humingi ng paumanhin kay Wilbert ang taong nagpahirap sa kanya, pero nalaman niya ang dahilan ng trato nito sa kanya nang magkaroon sila ng pagkakataong mag-usap.
“Nagkausap kami pero nag-explain lang siya. Hindi siya nag-sorry.
“Parang may Showtime personality na dun ako nasasama lagi. Parang internal kasi yon. Parang team ganito, team ganyan. E, dun ako napunta sa team na ito.
“Parang he felt betrayed.
"Pero hindi big deal yon para mag-suffer yung tao ng ilang taon."
Ayon pa kay Wilbert, “Marami ang may alam ng story na ito, internally, sa Showtime.
"Okay naman na kami after that, pero yung ginawa niya kasi, hindi na mawawala [sa akin]."
Tumanggi si Wilbert na sabihin ang pangalan ng taong nagbigay sa kanya ng mga pasakit at trauma.
Sa kabila ng mga naranasang pang-aapi, mapalad si Wilbert dahil nagbunga ang mga pagtitiis at pagsisikap niya.
Maganda ang takbo ngayon ng acting at singing career ni Wilbert. Nagbibida na siya sa pelikula at isa sa mga pinakamatagumpay na miyembro ng Hashtags.
Bukas ang PEP.ph sa panig ng pamunuan ng It's Showtime kaugnay ng mga naging pahayag ni Wilbert Ross sa artikulong ito.
Ang depresyon ay seryosong usapin.
May mga organisasyong handang tumulong sa mga taong dumaraan sa ganitong kondisyon. Katulad na lamang ng National Center for Mental Health na inilunsad ng Department of Health.
Maaari silang tawagan sa mga sumusunod na 24/7 hotline: 0917 899 8727 (USAP); at 989 8727 (USAP)