Sa unang pagkakataon, sinagot ni Kira Balinger ang akusasyong siya ang third party sa hiwalayan ni Kelvin Miranda at ng non-showbiz girlfriend nito.
Si Kira ay homegrown actress ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN. Habang si Kelvin ay homegrown actor ng Sparkle, ang talent management arm ng GMA-7.
January 6, 2023 nang umalma ang ex-girlfriend ni Kelvin na nagngangalang Roselle Vytiaco tungkol sa panloloko umano sa kanya ng Kapuso actor.
Tahasang itinuro ni Roselle si Kira bilang other woman.
Nagpakawala si Roselle ng "resibo" ng exchange of flirty messages nina Kelvin at Kira na nagkatambal sa upcoming movie na Poon.
Sa kuwento ni Roselle, December 11-19, 2022 nang magkasama ang dalawang artista sa lock-in shoot, at saka nagkaroon ng komunikasyon via Instagram Direct Message.
Nag-viral ang screenshots ng mga usapan nina Kira at Kelvin dahil isinapubliko iyon ni Roselle.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kira pagkatapos ng intimate presscon para sa Maple Leaf Dreams kahapon, March 21, 2023.
Hindi umatras si Kira nang tanungin sa isyung pinaratangan siyang third party.
"Hindi po ako third wheel," kalmado pero mariing paninindigan ni Kira.
"Kung anuman naging usapan nilang dalawa ng ex niya, out na po ako dun.
"If there's somebody Ate Girl should talk to, it should be him," diin ni Kira patungkol kina Kelvin at Roselle.
Ayon kay Kira, hindi niya alam na may karelasyon si Kelvin nang makipagkilanlan siya sa Kapuso actor.
"Pero ako, from woman to another woman, I understand that pain, 'Uy, ba't may ganyan?'
"Pero honestly, from my point of view, wala akong alam.
"And I can confidently say hindi ako kabit, gaya ng sinasabi ng lahat, like what she made me out to be.
"So, wala po akong alam."
Nilinaw rin ni Kira na walang namagitan sa kanila ni Kelvin liban sa palitan nila ng mga mensahe.
"To be fair, hindi kami. Chats lang yun. Ni minsan, ni minsan di kami lumabas together.
"In the lock-in, we had our PAs. It was always, after the set, sleep, done."
KIRA SAYS KELVIN APOLOGIZED TO HER
Inamin ni Kira na nagalit siya kay Kelvin dahil nadawit siya sa kontrobersiya nang wala raw siyang kalaban-laban.
Totoong nag-chat sila ni Kelvin, pero hindi naman daw niya alam na may girlfriend ito noong panahong iyon.
"Of course. Yeah, honestly, ayoko po talaga ng ganun. Ayoko po talaga ng ganung issue.
"Honestly, homebody po ako. I don't even go out with my friends.
"So, to be dragged into a situation like that na wala naman po akong ginagawa, I'm just working.
"So, parang, I felt it was very unfair that I was dragged like that on social media."
Tinanong ng PEP.ph kung humingi ng paumanhin si Kelvin kay Kira matapos siyang madawit sa isyu ng magkasintahan.
Sagot ni Kira, "Siyempre po may sorry, nadamay ako sa ano nila. Pero, stuff happens, unfortunately.
"Pero I did not break them up. And I'm very confident to say that."
Hindi raw siya ang tipong kailangang mang-agaw ng lalaki.
Mariing sabi ni Kira sa PEP.ph: "Coz I do not steal men, I don't run after them, they come to me."
ON TREATING KELVIN AS A COLLEAGUE
Noong kasagsagan ng isyu noong Enero ay napabalitang nag-unfollow si Kira kay Kelvin.
Sabi naman ni Kira sa PEP.ph, nang malaman niyang may sabit si Kelvin ay itinigil niya ang pakikipagmabutihan dito.
Patuloy niya, "And it was my mistake. I enrtertained one too many. And I'm sorry for that.
"And I'm making up for it. I took accountability for my actions."
Magkaibigan pa rin ba sila ni Kelvin?
"We still have lots of promotions to do. I think it's more of work now.
"Of course, may pinagsamahan, with all of the scenes that we had, nagkaroon ng friendship.
"There was friendship before anything else, before all of those silly chats.
"Pero ngayon siyempre, yung trust, trust is a big thing. I'm not totally saying ayoko na sa yo and everything.
"Pero work, work na lang," diin ni Kira.
ON KELVIN'S EX-GIRLFRIEND
Nagbahagi rin si Kira ng mensahe para sa ex-girlfriend ni Kelvin.
Tingin ni Kira, kung tutuusin ay puwede niyang ireklamo si Roselle sa paninira at pagsasapubliko ng private messages nila ni Kelvin.
Aniya, "And honestly, she could get herself in legal trouble for saying that. But who has the time for that?
"Ang akin lang, okay I understand your pain. But it's how you behaved.
"I would have appreciated it if she would message me, let's have coffee about it, let's talk about it."
Mas gusto pa raw niya na kinompronta siya nang personal ni Roselle.
"I would gladly accept that like sophisticated women should do. Hindi yung you're going to put your problems on socal media like that and encourage other people to do that — na mali.
"Honestly, that's big legal trouble, pero I choose not to.
"Again, who has the time?"
Mas nakatuon na lang daw ang pansin ni Kira sa kanyang trabaho.
"So, deadma. It's done," sabay kumpas ng kamay ni Kira.
Ulit niya sa huli: "Actually, lahat naman kami may mali, may sabit nang konti.
"But I've learned my lesson, and I've paid up for it. So I hope sila rin."
