Tinuldukan na ni Lorna Tolentino ang fake news na ampon ang kanyang namayapang asawa na si Rudy Fernandez.
Kaugnay ito ng claim ng isang nagnangalang Teodola Galacio, 85, na katorse anyos siya nang isilang si Rudy ng kanilang ina pero ipinaampon sa kanilang kapitbahay dala ng kahirapan.
Sinabi pa ni Galacio sa panayam ng Brigada News FM na lumipat sa Maynila ang kapitbahay at ito na ang nagparehistro ng bagong pangalan ng aktor na sumikat nang husto bilang action star.
Read: Mga anak ni Rudy Fernandez, nag-react sa nagpakilalang kapatid ng kanilang yumaong ama
Sinabi ni Lorna sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) na ang panganay na kapatid ni Rudy na si Merle Fernandez ang unang nagsabi sa kanya tungkol sa interbyu kay Galacio.
Sa kasamaang-palad, may mga naniwala kay Galacio dahil pareho umano ang hugis ng ilong nila ng pumanaw na aktor.
“Si Ate Merle ang nakakita niyan. Naumpisahan ko lang. Uso ba ang fake news?” pahayag ni Lorna nang hingin ng PEP.ph ang kanyang reaksiyon tungkol sa claim ni Galacio.
Ayon pa sa aktres, “Nakakahiya naman na sagutin pa si Lola na lahat ng legal na documents at baby pictures ay meron si Daboy. Proof na talagang Padilla-Fernandez siya, except siyempre ang panganganak ni Mother dear…
“Hindi pa uso noon ang picture-taking sa loob ng delivery room.”
Hindi naiwasan ni Lorna na magtaka dahil labinlimang taon nang nasa kabilang buhay ang kanyang asawa pero isinasangkot pa rin sa mga inimbentong balita.
Isinilang si Rudy sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Manila, noong March 3, 1952.
Baby picture of Rudy Fernandez
Ang film director na si Gregorio Fernandez at si Pilar Padilla, na parehong nagmula sa Lubao, Pampanga, ang mga magulang niya.
Biniyayaan ang mag-asawa ng walong anak: limang babae at tatlong lalake.
Pero si Rudy lamang ang nag-iisang lalake na nabuhay nang matagal dahil nagkaroon ng congenital defect ang dalawang kapatid niyang lalake.
Tumagal ng halos limang dekada ang acting career ni Rudy, hanggang sa binawian siya ng buhay noong June 7, 2008.
Read: Action superstar Rudy Fernandez succumbs to cancer
MERLE FERNANDEZ REMEMBERS RUDY
Sikat na sexy actress noong dekada ’70 ang panganay na kapatid ni Rudy na si Merle.
Sa interbyu ng Startalk ng GMA-7 noong June 2008, nagkuwento siya tungkol sa kanyang paboritong kapatid.
“Siya nga ang aming pride, joy and jewel. Ang tawag namin sa kanya, Ofo Ino, Rodolfo Valentino, kasi dun siya ipinaglihi ng nanay namin.
“Actually, matagal nang patay si Rodolfo Valentino, pero naglagay ng pictures…siguro gusto ng nanay kong mapaglihian niya maganda, pinilit niyang maglihi kay Rodolfo Valentino.
"Kaya ang tawag namin sa kanya, Ofo Ino,” ani Merle.
Ang Italian-American actor na si Rudolph Valentino (May 6, 1895 - August 23, 1926) ang tinutukoy ni Merle na pinaglihian ng kanilang ina nang ipagbuntis nito si Rudy.
Rudolph Valentino
Labingtatlong taon ang agwat ng mga edad nina Merle at Rudy kaya hinding-hindi malimutan ng dating aktres ang mga mabubuting katangian ng kanyang nakababatang kapatid.
“Maliit pa si Rudy, super bait na. Super bait at si Rudy, isang napakamahiyaing tao na hindi niya akalain na siya’y magiging artista.
“In fact, ako ang nagsabi sa kanya na mag-artista siya. Nung 15 years old siya, nakita ko nagbu-blooming. Pero noong araw, payatot yan at ang tukso namin sa kanya, ‘Wow, Rudy, ang ilong mo, ang laki-laki. Para kang unidentified flying object.'
“Saka kapag tiningan mo siya, masyado siyang meek. Kapag tiningnan mo lang siya nang matagal, iiyak na siya. Walang dahilan, basta tiningnan mo siya, tinutukso mo siya, iiyak siya,” pagbabalik-tanaw ni Merle.
Read: Alma Moreno, Lolit Solis, and Merle Fernandez speak endearingly of Daboy
Hindi nagkaroon ng asawa at anak si Merle kaya nasaktan siya nang husto nang mawala si Rudy dahil ito umano ang kanyang mundo.
Ang detalyadong mga kuwento ni Merle tungkol kay Rudy ang matibay na ebidensiyang tunay na kapatid niya at hindi ampon ang aktor.