Bukas pa rin ang award-winning actor na si John Arcilla na makatrabaho muli ang direktor na si Erik Matti sa kabila ng sigalot sa pagitan nila.
"Oo naman, why not? Sabi ko nga, siyempre proud ka sa mga kasama mo.
"Ako talaga ay nagpapasalamat ako kay Erik Matti from the very beginning kasi hindi mo magagawa mag-isa lang yan, e. Team work yan," saad ni John.
Bago pa man ang world premiere ng On The Job: The Missing 8 sa Venice International Film Festival noong 2021, proud na raw si John sa magandang mensaheng ipinaaabot ng pinagbidahan niyang pelikula at idinirek ni Erik, lalo pa't hango sa mga tunay na pangyayari ang materyal nito.
Ayon pa kay John, mahaba na ang pinagsamahan nila ni Direk Erik.
"Honestly speaking, twenty-four years na kaming magkasama ni Erik Matti—mula sa kami ni Rica Peralejo sa Ekis, ni Sunshine Cruz sa Dos Ekis, Kuwaresma kami ni Sharon [Cuneta], tapos itong OTJ.
"Apat na yung pelikula namin, ang ganda ng rapport namin ni Erik.
"Kaya, kumbaga, masasabi ko na talaga naman siyempre pag nananalo ka, kasama yung kumbinasyon ninyo, kung paano kayo magtrabaho."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si John sa thanksgiving and appreciation party ng Saranggola Media Productions para sa Philippine Movie Press Club.
Ginanap ang event sa One Castilla Place sa Valencia Hills, Quezon City, noong March 18, 2023.
BACK STORY
Nagkairingan sina John at Erik sa palitan nila ng mensahe sa social media noong February 24 to March 2 ng taong kasalukuyan.
Naglabas ng hinaing si Erik dahil nakalimutan umano siyang pasalamatan ni John sa social media posts ng aktor nang kilalanin ng Senado ang pagkapanalo niya ng Volpi Cup para sa pelikulang On The Job: The Missing 8.
- Direk Erik Matti, umalma sa "pambabastos" ni John Arcilla at ng Star Magic
- John Arcilla offers hand of reconciliation to Erik Matti: “We are friends.”
Ang Volpi Cup ay katumbas ng best actor award na ipinagkaloob kay John sa 78th Venice Film Festival noong September 2021.
In-update ni John ang social media posts niya para i-credit si Erik at iba pang mga may kinalaman sa pelikula, pero hindi ito tinanggap ng direktor na nagsabing bumabawi na lang sa kanya ang aktor.
Sinabi rin ni John na nag-text siya sa OTJ director para humingi ng tawad, pero tila hindi ito naging sapat para kay Direk Erik.
- Erik Matti to John Arcilla: "Please stop gaslighting me..."
- John Arcilla apologizes to Erik Matti; addresses "gaslighting" accusation of director
john: "NAGING MABUTI BA AKONG TAO?"
Para kay John, malaking bagay para sa kanya ang awards na kumikilala sa husay niya bilang isang aktor.
Aniya, "I'm very happy sa kung anuman ang nare-receive natin. Ang maganda kasi dun, hindi para sa sarili mo kundi para sa industriya ng Pilipinas.
"Nakikita na tumataas na ang standard natin, at the same time, para din sa mga Filipino yun. Yun ang nakakataba ng puso."
Pero hindi raw iyon ang tunay na sukatan para kay John.
"Pero sa totoo lang, huwag niyong sabihing I'm philosophisizing everything, para sa akin kasi, subjective talaga ang mga awards.
"Kahit pa sabihin mo na nabigyan ka ng award, ako, mas pangarap ko na maging mas mabuting tao.
"I mean, award lang yan. Pero para sa akin bilang isang tao, platform ko lang naman ang pelikula para i-express ang gusto kong mangyari sa mundo, sa buhay natin.
"Magkaroon ng magandang pagsasamahan, ng payapang buhay, lahat tayo gusto natin yan.
"May harmony ang mundo, may harmony ang bansa, progressive ang iyong community. Platform mo iyang pelikula."
Diin ni John: "Kung nabibigyan ka ng award, bonus na yun, and I'm very thankful.
"At the end of the day, tinatanong ko ang sarili ko, 'Naging mabuti ba akong tao? Mayroon ba akong magandang nai-contribute para sa aking kapwa tao?'
"Para sa akin, mas pinakaimportante sa lahat yun."
More hot stories on PEP.ph:
