Bukod sa pagiging mahusay na aktor, maganda rin ang singing voice ni John Arcilla.
Sa katunayan, may mga musical plays na siyang nagawa sa Tanghalang Pilipino sa Cultural Center of the Philippines kung saan naging singer siya ni Ryan Cayabyab sa El Filibusterismo at marami pang iba.
Bukod pa ito sa mga shows abroad na sinalihan niya kung saan kumakanta siya sa harap ng live audience.
Kaya naman hindi kagulat-gulat na nagdesisyon ang producer na si Edith Fider na ipag-produce ng isang major concert dito sa Pilipinas si John.
Malamang ay sa September ito mangyayari.
Ano ang naging reaksyon ni John na sa wakas ay magiging isang certified major concert artist na siya?
“Well, actually, sabi ko nga parang, sa mga tour ko kasi sa ibang bansa, actually sanay naman kasi ako sa maraming tao na mag-perform.
“Bago kasi ako nag-mainstream sa TV, sa film, sanay ako talagang mag-show ng kahit… kasi pag in-invite po ako sa States or sa Europe ng mga Filipino communities, parang concert-type talaga yung performance.
“Although ang mga songs ko, mga Broadway, mga ganun. So hindi yung mga pop songs, kung meron man akong mga pop songs niyan, yung mga Basil Valdez.”
Excited na si John sa pagkakaroon ng malakihang concert dito sa bansa.
“Well, I wish, I wish na matuloy, excited naman po. Sige sige, gawin natin,” sabay-baling ni John kay Edith.
SARANGGOLA PRODUCTIONS CELEBRATES DOUBLE VICTORY
Si Edith ang producer sa likod ng Saranggola Productions na siyang producer ng pelikula ni John na Suarez, The Healing Priest kung saan nagwagi si John bilang Best Actor para sa 37th Star Awards ng Philippine Movie Press Club o PMPC.
Ginanap ang parangal sa virtual presentation ng 37th Star Awards for Movies noong Pebrero 12, 2023 sa FlexTV, ang bagong social-media platform at streaming app para sa Pinoy community na nagbibigay ng high-quality livestream entertainment, mga pelikula, balita, at vlogs.
Maituturing na double victory si John sa nabanggit na awards ceremonies dahil nanalo rin bilang Indie Movie Original Theme Song Of the Year ang “Yakapin Mo Ako” na theme song ng Suarez, The Healing Priest na si John ang umawit.
Ito ang rason sa likod ng ipinatawag ni Edith at ng Saranggola Productions na merienda cena para sa PMPC bilang pasasalamat sa mga parangal sa kanilang pelikula.
Ginanap ito nitong nakaraang March 18 sa One Castilla Place sa Valencia Hills sa Quezon City.
Ang Saranggola Productions rin ang producer ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko na entry sa First Metro Manila Summer Film Festival ngayong April 8 hanggang April 18.
Hango sa buhay ng music icon na si Rey Valera ang pelikula kung saan bida si RK Bagatsing, sa direksyon ni Joven Tan.
JOHN’S CHOICE OF SPECIAL GUESTS FOR MAJOR CONCERT
Going back to John and his upcoming concert, kung si John ang papipiliin, sino ang gusto niyang maging special guest sa kanyang concert?
Saad niya, “Si Regine Velasquez, kasi siya ay naging leading lady ko sa Tanghalang Pilipino as Maria Clara. I played Crisostomo Ibarra, so kung pauunlakan ako ni Regine, magandang i-reenact namin yung aming mga past shows.”
Binanggit rin ni John si Celeste Legaspi na naging leading lady naman niya dati sa El Filibusterismo, at si Zsa Zsa Padilla.
JOHN BELIEVES PINOY FILMS CAN COMPETE GLOBALLY, BUT LAMENTS LACK OF GOVERNMENT SUPPORT
Noong nakaraang 2022 ay malaking karangalan ang ibinigay ni John sa Pilipinas dahil siya ang kauna-unahang Pilipino at Southeast Asian actor na nagkamit ng prestihiyosong Volpi Cup bilang Best Actor sa 78th Venice Film Festival para sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang On The Job: The Missing 8.
Ngayong taong ito naman ay umaariba si Dolly de Leon sa abroad at kinikilala bilang isa ring mahusay na artista mula sa Pilipinas.
Ano ang masasabi ni John na patuloy na napapansin internationally ang talentong Pinoy?
Lahad ng premyadong actor, “Huwag niyo po akong mamasamain, ano po? Sa buong Asia po, isa tayo sa pinakaunang gumawa ng pelikula, halos kasabayan lamang natin ang pag-proliferate ng pelikula sa mundo.
“1888 pero tayo, after twenty-six years, kasabay halos natin yung ibang mga Asian countries. Noong 1910, 1909, gumagawa na po tayo ng pelikula, halos kasabay lamang po natin ang mga ibang bansa.
“Para po sa akin, overdue na po, ang tagal na po natin dapat nare-recognize.
“Kaya lang po,” at natawa si John, “malungkot man pong sabihin hindi tayo kapareho ng Korea, na tinutulungan tayo ng mga inaasahan nating tumulong sa atin.
“Pero ang gagaling po ng Pinoy! At isipin po ninyo, eighteenth century pa lang si [Jose] Rizal lumilibot na sa buong mundo, meron siyang rebulto sa maraming bahagi ng mundo.
“Ibig sabihin ganun ka-prominente ang talentong Pilipino.
“Si Juan Luna na kapatid ni Antonio Luna na ginampanan ko ay nanalo sa Madrid, eighteenth century.
‘So kilala na ang artistry ng Pilipino, eighteenth century pa lang, so parang late na nga tayo kung tutuusin po, e.
“Siguro kung marami lang tayong pera para magmukha tayo talagang pelikula.
“Kasi ang dating lang po ng ating ginagawa sa ibang bansa ay indie films.
“Hindi po malaking pelikula kaya hindi po tayo nakakasabay, like bakit po hanggang ngayon, puro entry pa lamang tayo sa Oscar’s?
“Kasi po hindi po tayo makapasok doon sa kanilang standard na color bleeding, yung klase ng ano ba yung dating talaga ng isang pelikula.
“So may kakulangan pa po tayo technically-speaking, pero talent-wise… directors, actors, crew, naku po!
“Isa sa ginawa kong pelikula kay John Sayles po, yung kami ni Joel Torre, yung Amigo, umiiyak yung asawa nung producer, nung mag-e-end na!
“Sobrang umiiyak siya, sabi niya, ‘I never imagined myself flying millions of miles from America here, to this little country,’ na makagagawa ako ng pelikulang ganito lang kaigsi.
“Kasi po, sasabihin niya, pag pinatawag niya yung ano, four hours po ang schedule para mag-set-up, in two hours tapos ang set-up natin?
“Sabi ni John Sayles, ‘Are you done?!’ ‘Yes, sir!’
“Nawiwindang sila. So sa halip na matapos namin ng ganito katagal, natapos ng halos kalahati lang ng schedule, ang dami nilang na-save.”
Ang Amigo ay pelikula noong 2010 na collaboration ng mga Pilipino at foreign cast members, producers at technical people.
“So ganun po tayo kabilis, ganun tayo kaayos na gumawa ng pelikula. Technically speaking, art-wise, budget lang po talaga ang kailangan at suporta ang kailangan talaga natin dito.”
“Sana pakinggan ako, sana walang ma-offend sa sinabi ko,” at tumatawang sinabi ni John bilang pagtatapos.
