Nanindigan ang Lx2 Entertainment na may utang na $13,000 ang producer ng U.S. concert nina Pokwang at K Brosas.
Ang Lx2 Entertainment, na pinamumunuan ng CEO na si Loie Magan, ang promoter ng concert.
Ang producer ay si Vince Gesmundo ng VynzMuzik LLC.
Ngayong Lunes, April 3, 2023 (Philippine time), naglabas ng opisyal na pahayag ang Lx2 Entertainment na hindi matutuloy ang concert nina Pokwang at K sa Las Vegas dahil sa "breach of contract" ng producer.
April 2 (U.S. time) ang dapat sana'y concert nina Pokwang at K na BFF Live in Las Vegas.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Magan, sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono nitong tanghali ng Lunes, April 3, Philippine time (o gabi ng Linggo, April 2, sa U.S.)
Ipinaliwanag ni Magan na nagkaproblema na kay Gesmundo doon pa lang sa Chicago leg ng BFF concert, na ginanap noong April 1, Sabado (U.S. time).
Muntik na rin daw makansela ang show na iyon dahil walang naibigay na talent fee si Gesmundo para sa dalawang stars.
Para lang matuloy ang concert, napakiusapan ang line producer na mag-abono ng $6,000.
Ang usapan daw ay isusunod na lamang ni Gesmundo ang kakulangan pang payment worth US$13,000 para sa Chicago concert.
Pero hindi raw tumupad sa usapan si Gesmundo.
Nakarating daw ng Las Vegas ang grupo nina Pokwang, K, at promoter na hindi inaayos ang karampatang payment ng buong produksiyon.
Noong mismong araw ng Las Vegas concert ay kinokontak ng management ng Lx2 Entertainment si Vince para sa talent fee ng performers.
Pero puro "excuses at pakiusap" lamang daw ang isinasagot ni Gesmundo.
Paliwanag pa rin ni Magan sa PEP.ph, ilang beses inurong ng Lx2 Entertainment ang oras ng deadline kay Gesmundo para ibigay ang talent fee ng performers.
Pero hindi raw talaga nagpakita si Vince sa kanila para personal na ayusin ang isyu.
"We cancelled the show as a promoter because as per our agreement hindi kami bayad.
"Wala siya binayad sa amin ni singkong duling. He owed us $13k sa Chicago and $33k in Las Vegas," sabi pa ni Magan.

Eksaktong 10 p.m. ng April 2 sa Las Vegas, kinumpirma ni Magan sa PEP.ph na kanselado na ang show.
"We need to protect our artists. Although, they really wanted to perform para sa mga kababayan natin doon," pahayag ni Magan.
Maraming Pinoy raw ang bumili ng tiket para makita at mapanood sina Pokwang at K. May ibang Pinoy rin daw ang may dala pang regalo para kay Pokwang.
Kaya hindi raw maintindihan ni Magan kung bakit hindi makapagbayad ang producer na si Gesmundo.
- Concert director spills the tea on cancelled Las Vegas show of Pokwang and K Brosas: “Production owed us $13K.”
- Las Vegas concert nina Pokwang at K Brosas kinansela; na-ghosting ng producer?
POKWANG AND K brosas ACCOMMODATIONS
Naglabas din ng paglilinaw si Magan ng Lx2 Enterrtainment tungkol sa mga patutsada ni Gesmundo na "#walangmatuluyan" at "#nagiiyakan" sina Pokwang at K dahil sa isyu.
Wala raw katotohanan ang bali-balitang nakikituloy sina Pokwang at K sa bahay ng isang Pilipino na kumupkop sa kanila doon pagkatapos makansela ang kanilang show sa Las Vegas.
Naka-check-in daw sina Pokwang at K sa Treasure Island Hotel sa Las Vegas.
Kinumpirma rin ito ni Pokwang sa maiksing mensaheng ipinadala sa awtor na ito via Facebook Messenger.
"We are all fine here staying at Treasure Island Hotel," pagbabalita ni Pokwang.
Dumiretso raw sila sa hotel na iyon sa Las Vegas pagkatapos ng Chicago concert nila ni K.
"HINDI KAMI IIYAK."
Wala rin daw katotohanan na nag-iyakan ang grupo dahil sa nakanselang concert.
"Hindi kami iiyak. Worried kami sa mga bumili ng tickets," saad ni Pokwang.
Naawa ang mga komedyante sa mga kababayang Pinoy na bumili ng ticket para panoorin sila sa Las Vegas.
Alam daw nila kung paano kitain ng mga kababayan natin sa U.S. ang kanilang hard-earned money.
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ng mga nabanggit sa artikulong ito.
More hot stories on PEP.ph:
- WHAT PEP KNOWS: Paul Soriano in the center of controversy at Vanessa Hudgens' presscon
- Concert director spills the tea on cancelled Las Vegas show of Pokwang and K Brosas: “Production owed us $13K.”
- Ruffa Gutierrez loses in labor case filed by two former house helpers
