TRIGGER WARNING: Sensitibong paksa na tumatalakay sa pagkitil ng buhay. Maaring hindi kaaya-aya o kumportable para ibang mambabasa.
Buo ang paniniwala ng mga anak ni Delia Maga na si Flor Contemplacion ang pumatay sa nanay nila noong Mayo 4, 1991, sa Singapore.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kina Roldan at Ronald noong Huwebes Santo, Abril 6, sinabi nila na naniniwala sila na si Flor ang salarin kaya hindi na nakauwi sa Pilipinas noong May 5, 1991 ang kanilang ina.
Read: What happened to the childred of murdered domestic helper Delia Maga?

Iba naman ang pahayag ni Marcellano Maga, ang kapatid ni Conrado na asawa ni Delia. Kasalukuyang naninilbihan bilang kapitan ng barangay ng San Benito, Victoria, Laguna si Marcellano.
Naniniwala siya na si Huang (o Wong Sing Keong, sa ilang reports ng Singapore media), ang Singaporean employer ng kanyang hipag, ang gumawa ng krimen.

Sumakabilang-buhay si Conrado noong June 4, 2017, kaya si Marcellano ang aming kinausap at tinanong tungkol sa kanyang mga nalalaman sa kaso na napakalaking balita noong March 1995 dahil sa pagbitay kay Flor, ang pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang hipag.
Read: Flor Contemplacion's daughter remembers executed domestic helper on her 28th death anniversary
Tatlumpo’t isang taon si Marcellano at barangay kagawad na ito noong 1991 nang pumanaw si Delia.
A KIND ILOCANO lady
Natatandaan ni Marcellano ang mga pangyayari dahil siya ang kasama noon ni Conrado sa pag-iintindi sa kaso ni Delia. Isinalarawan niya ang hipag bilang isang mabait at masipag na babae.
“Si Delia, mabait ho. Ilocano kasi siya, Ilocano rin kami. Hindi ko natatandaan na nagkaroon sila ng samaan ng loob ng magulang ko.
“Masipag siya, nagbubukid. Masinop siya sa pera, e. Napakaliit pa ng suweldo noon,” pag-alala ni Marcellano kay Delia.

Sariwa pa sa isip niya na halos isang linggong ibinurol ang asawa ng kanyang kapatid nang mamatay ito.
Dumagsa ang mga kababayan nila na nakipaglibing, kahit hindi pa masyadong pinapansin noong 1991 ang balita na pinatay si Delia ng kapwa domestic helper sa Singapore.
MARCELLANO CONTRADICTS ROLDAN AND RONALD
“Hindi naging malaking balita noong 1991 ang pagpatay kay Delia. Naungkat at pinansin na lang ang kaso ni Delia nung binitay si Flor,” reaksyon ni Marcellano na kinontra ang paniniwala ng kanyang mga pamangkin na sina Roldan at Ronald na si Flor ang pumatay kay Delia.
“Mga bata pa kasi sila noon. Yung alagang bata ni Delia [Nicholas Huang], nahihimatay iyon, pinalabas na nilunod.

“Siyempre, magulang ka. Nakita mong patay ang anak mo, may inaasahan ka na mag-aalaga. Yung silakbo ng damdamin, patay yung anak mo, makakaisip ka na pumatay,” sabi ni Marcellano na kumbinsido na ang ama ni Nicholas ang pumatay kay Delia.
“Hindi naman puwedeng patayin ni Flor iyon. Bakit papatayin? Nagkataon lang yata na si Flor, nung araw na iyon, pupunta kay Delia at magpapadala ng package.
“Kaya tinanong daw ng amo ni Delia, kung kakilala si Flor ng hipag ko, ilang araw pa bago nagkaroon ng balita na si Flor ang pumatay.
“Talagang pinatay ho ng amo iyon. Hindi naman natin masisisi yung amo ni Delia kung nagkaganoon man.
“Mas nakakalamang ho na ang katotohanan na ang amo ang talagang pumatay sa ganang pag-iisip ko.
“Isipin ninyo, kung ikaw ay sasakalin ng isang babae, may posibilidad na ikaw ay manlaban pero parang hindi na nakapanlaban si Delia kasi binigti na. Hindi na kapani-paniwala na babae ang pumatay.
“Saka ang bida [kuwento] ng mga taga-rito na nakakakilala sa dalawa [Delia at Flor], walang problema sa kanilang dalawa,” salaysay pa ni Marcellano.
MONEY AFTER THE TRAGEDY
Kasama ni Conrado si Marcellano nang makiramay siya sa naulilang pamilya ni Flor sa Barangay Sta. Isabel, San Pablo City noong Marso 1995.
Nasaksihan ni Marcellano ang pagdagsa ng mga tao sa burol ni Flor at nakita rin niya ang maraming pera na abuloy sa nasawi.
“Kasama ako nang magpunta si Conrado sa burol ni Flor. Sa totoo lang ho, yun ang pinakamaraming pera.
“Hindi kayo maniniwala, sa isang mataas na kuwadradong kahon, ang daming pera talaga,” ani Marcellano na nagkuwento pa na nakatanggap din ng mga pinansiyal na tulong ang pamilya ni Delia.
“Nagkaroon sila ng pera. Nabigyan din naman ho ng pera yung mga bata, yung mag-aama.
“Ang ipinagpagawa ho ng bahay ng kapatid ko, galing sa unang natanggap nila mula sa OWWA [Overseas Workers Welfare Administration].
"Yung natanggap nila, kulang-kulang na P50,000. Nagbigay ng tseke na P100,000 ang Malacañang. Kasama ako noon kaya alam ko. Panahon iyon ni Presidente Fidel Ramos.
“Sa pelikula, nagbigay ng P150,000. Tseke din at kasama rin ako sa pagdedeposito sa RCBC sa Sta. Cruz, Laguna.”
Ang Victim No.1: Delia Maga Story (Jesus, Pray For Us), starring Gina Alajar and Joel Torre bilang Delia at Conrado Maga, ang pelikulang tinutukoy ni Marcellano.
Ang Regal Films at Golden Lions Films ang mga producer ng pelikula na halaw sa kuwento ng buhay ni Delia, mula sa direksyon ni Carlo J. Caparas at ipinalabas sa mga sinehan noong May 17, 1995.
“Hindi nagagalaw ni Conrado yung pera. Nung matagal na, sabi ko sa kanya, 'Tamad ka rin lang magtubigan [magsaka], ibili mo ng tig-iisang traysikel ang mga anak mo para may hanap-buhay.
“Ang sabi niya sa akin, 'Saka na.’
“Naubos lang ang pera, sayang. Yang bahay lang ang naatikha nila mula sa pera na tulong kay Delia,” ang sabi ni Marcellano na may bahid ng panghihinayang ang boses dahil hindi nakinig sa payo niya ang kanyang sumakabilang-buhay na kapatid.