Bihirang mangyari na ang local press ay pangakuan ng mga one-on-one interview sa isang visiting Hollywood star, para lamang iwanang nag-aabang sa wala, dahil ang visiting star ay isinuong na sa ibang gawain at pagkatapos ay itinakbo nang papalayo palaot sa iba pang gawain.
Hindi lang sa hindi professional ang ganitong asal—ang tawag dito ay masamang asal, may kagaspangan, hindi sibilisado.
Kahit pa in-entertain ang press sa magastos na Manila House Private Club sa BGC, at kahit pa mayroong karampot na big media na nabigyan ng interview. Timbangin mo, ngunit kulang pa rin.
Ganitung-ganito ang nangyari sa Manila mediacon ni Vanessa Hudgens.
Kilala si Vanessa bilang singer at actress—Tick, Tick...Boom!, Polar, at ang franchise films na High School Musical at The Princess Switch—na tumuntong ng Pilipinas sa unang pagkakataon nang tumuntong ito ng 34. Ipinanganak sa America, si Vanessa ay may American father na yumao na at Filipina mother na kasakasama niya sa Manila mediacon na magpapakilala sa kanya sa local press.
Iniwan sa ere ang local press. Ito ang entertainment editors, reporters, at videographers na pormal na inimbitahan ng team na humahawak sa Philippine visit ni Vanessa. Iniwan ang press nang walang anunsiyo, walang paliwanag, at walang apology.
Basta bigla na lamang naudlot ang ipinangako nang exclusive, face-to-face, one-on-one interviews sa Fil-Am star.
Ang masalimuot pa rito, walang kamuwang-muwang ang star na bitbit niya ang kagaspangan ng iba.
Pagkalipas ng halos dalawang linggo mula March 31, 2023, na petsa ng mediacon, wala pa ring official statement mula sa organizers.
Sa rami ng katanungang iniwan ng mediacon, inalam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang totoong naganap at kung sinu-sino ang pasimuno ng gulo.
Pinangunahan ng news editor na si Rachelle Siazon—invited din sa mediacon, si Rachelle ang nangalap ng impormasyon mula sa witnesses at nagtagni-tagni ng timeline—nakapaglabas ang PEP ng "WHAT PEP KNOWS: Paul Soriano in the center of controversy at Vanessa Hudgens' presscon" noong April 2, 2023.
Read: WHAT PEP KNOWS: Paul Soriano in the center of controversy at Vanessa Hudgens' presscon
WHo ordered the VANESSA HUDGENS' interviews stopped?
Ang itinuturo ng lahat ng nakausap na witnesses ay si Paul Soriano. Ito raw ang nagpatigil ng mga one-on-one. "Cut it," klarong ibinigay daw na utos nito.
Si Paul ang direktor at prodyuser ng film documentary ni Vanessa na wala pang approved title. Nasa mediacon si Paul upang kunan ng footage ang appearance ni Vanessa sa general presscon. Nakasalang ang Hollywood star sa entablado kasama ang designated interviewer na si Boy Abunda ng GMA-7.
Hindi malinaw kung ano ang pinanggagalingan ni Paul.
May nagsabing uminit daw ang ulo nito sa off-script, "Fast Talk" sex questions ni Boy kay Vanessa. (Ngunit sa pagka-bubbly ni Vanessa sumagot ng sex questions, imposibleng na-offend ito, kaya bakit mao-offend si Paul?) Kumukumpas daw ito sa staff na senyales na inis ito sa mga nagaganap. (Panay muestra nito ng dalawang kamay pero wala namang naringgan sa kanya.)
Read: Paul Soriano irked by sex questions of Boy Abunda to Vanessa Hudgens?
Ang pinakamaingay na sabi-sabi ay pinutol daw ni Paul ang mga one-on-one sa legitimate entertainment press dahil gusto na nitong isalang si Vanessa sa interbyu ng kanyang misis, ang aktres na si Toni Gonzaga, sa personal YouTube channel nitong ToniTalks. (Wala namang inilalabas pa si Toni with Vanessa sa kanyang highly subscribed channel.)
Siyempre pa, ang dapat makunan ng statement ay si Paul.
Makailang beses hiningan ito ng PEP.ph ng pahayag—Paul Soriano via Instagram direct message mula kay News Editor Siazon, April 1 & April 2; AC Sales via text message galing din kay Siazon, April 1, 2 & 12; Paul Soriano via text message mula kay Lead Correspondent Arniel Serato, April 2 & 3.
Ngunit tikom-bibig ang producer-director hanggang ngayon.
Sa kainitan ng backlash, ilang lumabas na local headlines ay: "Direk Paul Soriano, 'nagwala' sa presscon?!"; "'Get the press out of here, they’re so useless!' Paul Soriano cuts short Vanessa Hudgens media interviews because his wife Toni couldn’t wait."
Kung kumulo man ang dugo ng direktor at gustong balikan ang press, nangyari na lamang ito behind the scenes. In public, tahimik siya.
Samantala, alam ng media na mayroon pang isang major player sa gitna ng gulo—ang organizer ng mediacon na si Joyce Ramirez, PR.
Si Joyce ang personal na namili at nag-imbita sa lahat ng press na nasa Vanessa mediacon. Siya rin ang naniguro sa kanilang nakaiskedyul ang kanilang one-on-one kay Vanessa pagkatapos lamang ng general presscon.
Noong gabi rin ng March 31, nang nagkagulo na ang mediacon, pinuntahan ni Joyce sina Rachelle at Nathalie Tomada ng The Philippine Star sa café na kinalugaran nila sa BGC. Kasama ng dalawang staff, nagpaliwanag si Joyce ng side niya, ngunit ayaw magpa-quote. Bago pa noon, tinawagan ni Joyce ang managing editor ng PEP.ph, si Karen Pagsolingan, upang magpaliwanag. Ngunit ganoon din, ayaw magpa-quote.
Walang on the record.
Nag-insist na ang PEP.ph na kelangan ng masusing interview kay Joyce. Nilinaw ng PEP.ph editors na walang silbi sa readers ang anumang nalalaman ng editors kundi mailalatag para sa kanila. Ibig sabihin, kung panay off the record, walang mangyayaring paglilinaw.
Noong Sabado de Gloria, April 8, 2023, nagpa-interbyu na si Joyce Ramirez on the record. Nag-Q&A sila ni Rachelle Siazon via e-mail.
joyce ramirez's role in vanessa hudgens' tour
Sa Linked-in profile ni Joyce, nakalagay na siya ang "founder at lead publicist ng PUBLICITYASIA." Kilala siyang Press Relations, aka PR, ng ilang malalaking kompanya sa bansa.
Kilala rin siya sa pag-broker ng international stars na pumupunta ng Pilipinas para sa mga endorsements, projects, at fan meets. "Nakatrabaho ko na po ang mga tulad nina Zac Efron, One Direction, Chris Evans, at tanyag na KPop band na BTS," sabi ni Joyce sa PEP.ph.
Ayon kay Joyce, sa kaso ni Vanessa Hudgens, kinuha itong star para sa isang travel documentary na ididirek at iproprodyus ni Paul Soriano sa ilalim ng pagmamay-ari nitong film company, ang TEN17P.
Ayon pa rin kay Joyce, siya ang tagapamagitan sa U.S. Team ni Vanessa at sa TEN17P ni Paul, at may pananagutan siya sa dalawang kampo.
Noon pa raw kalagitnaan ng 2022 nagsimula ang negosasyon, na inabot ng ilang buwan bago naisara.
Sa paliwanag ni Joyce sa PEP.ph, sa transaksiyong ito ay ang PUBLICITYASIA, ang kanyang ahensiya, ang nagsulat ng "offer sheet" na nagdetalye ng "scope of work" ni Vanessa para sa proyekto.
"Matagalan ang proseso," sabi ni Joyce sa kanyang e-mail. "Matapos tanggapin sa US ang aming offer, kami po ay nagkaroon ng pirmadong kontrata kung saan pormal na nakalatag ang lahat ng gagawin ni Vanessa.
"Ang papel ko po sa lahat ng ito ay ang tulungan ang TEN17P na maaprubahan sa US at ang pagpapatupad ng lahat ng detalye sa kontrata."
why vanessa hudgens?
Ganito ang sagot ni Joyce via e-mail (published as is):
"Sa tanong na bakit si Vanessa Hudgens? Ito po ay dahil siya ay isa sa pinaka-tanyag na Half-Filipino na lumaki ang pangalan sa larangan ng sine sa Hollywood. Napakabait at professional din ni Vanessa. Game siya sa lahat ng requests during production."
Ayon kay Joyce, ang konsepto ng TEN17P ay ipakita sa isang travel documentary ang pag-trace ni Vanessa ng kanyang Filipino roots sa first visit nito sa bansa ng ina.
Paliwanag pa ng PR: "Si Direk Paul po ay siyang tumatayong Director at Executive Producer. Ito po ay privately funded ng kanyang production company, ang TEN17P.
"Napakaganda po ng layunin ni Direk at ito ay para gumawa ng isang world-class material na makakatulong para ipakita ang ganda ng ating bansa sa worldwide audience. Ang plano po ay i-ere ang nasabing materyales sa isang international streaming channel."
Wala raw kaproble-problema sa pakikipagtrabaho kay Vanessa sa travel documentary, na kinunan, una, sa Los Angeles, ang homebase ni Vanessa, at ikalawa, sa ilang bahagi ng Pilipinas na pinasyalan nito, tulad ng Palawan.
Read: Vanessa Hudgens makes memories with mom Gina Guangco and sister Stella in Palawan
Buwan ng Marso 2023 naganap ang buong shooting ng 1017P. Dumating sa Pilipinas si Vanessa ng March 25 at umalis ng March 31. Noong March 30, isang araw bago bumalik ng U.S., nag-courtesy call ang Hollywood star sa Malacañang.
Dito nabigyan si Vanessa ng honorary title na Global Tourism Ambassador ng Pilipinas. May footage ng photo-op nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagpapakita sa kanila na parehong naka-formal Filipino clothes at parehong nakangiti.
Ayon sa pco.gov.ph: "The initiative is a branding campaign and marketing strategy aimed at attracting international tourists as the Office of the Presidential Adviser on Creative Arts (OPACC) and the Department of Tourism (DOT) set their sights on creating opportunities to aggressively push for the resurgence of the Philippines as a travel destination.
"The OPACC and DOT have selected Hudgens to become the Philippines’ Global Tourism Ambassador given her huge following on Instagram (49 million), Twitter (6.5 million), Facebook (17 million) and YouTube (239,000)."
Si Paul ang unang head ng OPACC.
(Ang erratum lang sa poc.gov.ph report ay ang pakahulugan ng OPACC. Hindi ito Presidential Adviser on Creative Arts kundi Presidential Adviser on Creative Communications. Maaaring nalito ang nag-ulat nito dahil bagong-bago ang posisyon na itinatag ng Malacañang noon lamang October 17, 2022.)
Si Paul ay pamangkin ni First Lady Liza Cacho Araneta-Marcos. Magpinsan buo sina Liza at Jeric Soriano, ama ni Paul. Magkapatid ang ina ni Liza at ina ni Jeric. Inaanak ng Presidente sa kasal ang mag-asawang Paul at Toni.
On CoNTRACT stipulations about vanessa's presscon
Nang dalhin ng PEP.ph ang interbyu sa mismong controversial presscon, dito na inilabas ni Joyce ang ilang stipulations sa kontrata ni Vanessa.
Ang kontrata raw ay sa pagitan ng U.S. Team ni Vanessa at sa TEN17P Team ni Paul. Si Joyce ang in-charge sa pag-organisa ng presscon bilang PR Team ng proyekto. Ang kompanya raw niya ang nagsulat ng "offer sheet" na kinailangan aprubahan ng U.S. Team upang gumulong ang project.
Nilinaw ni Joyce sa PEP.ph, na sa simula pa lang, plantsado na ang general presscon at ang dagdag na "90 minutes" para sa one-on-one interviews ni Vanessa sa mga piling news outlets.
(Taliwas ito sa espekulasyong walang ideya si Paul sa one-on-one commitments sa press kaya nito pinaputol sa event.)
Sa isang bahagi ng kontrata na tumutukoy sa press appearance ni Vanessa: "ARTIST shall appear live for 30 minutes in a press conference and 90 minutes exclusive interviews in Manila, Philippines to promote the documentary project. The media list and questions shall be submitted to ARTIST for approval and review."
Ipinaliwanag ni Joyce ang bahaging ito ng kontrata.
Aniya: "Ang 30 minutes po ay yung interview na ginawa ni Boy Abunda on stage while kami po ay pinalad din na mabigyan ng US team ng 90 minutes para sa mga eksklusibong one-on-one or group interviews sa press conference.
"Lahat po ng media na aming inimbita ay aprubado sa US. Ito po ay standard operating procedure. Hindi po kami puede mag-imbita ng media outlet na hindi aprubado sa US."
Malinaw daw ang mga detalyeng ito sa lahat ng sangkot sa event.
Pag-uulit ni Joyce: "Ang kontrata pong ito ay pinirmahan ng TEN17P at ni Vanessa mismo, patunay na alam ng lahat ng pumirma ang detalye o scope of work.
"Mayroon din po kaming official itinerary at ilang beses po naming inulit ang mga detalyeng ito sa pre-prod at mga meetings kasama ang TEN17P."
Naitawid ni Vanessa ang general presscon na dinaluhan ng humigit-kumulang na "30-40" press people noong March 31.
Ngunit naudlot ang one-one-one interviews ng visiting artist sa PEP.ph, CNN Philippines, at ilan pang news outlets.
on PAUL DOING AWAY WITH PRESS SOLO INTERVIEWS
Tinanong ng PEP.ph si Joyce: Kung alam ni Paul na nasa kontrata ni Vanessa ang exclusive interviews sa piling press outlets, bakit nito hinarang?
Ang madiplomasyang sagot n Joyce ay talagang masikip ang iskeydul ni Vanessa sa araw ng presscon, na siya ring araw ng paglipad nito pabalik sa U.S.
"[Hindi] maiiwasan ang pagkakaroon ng mga aberya at production challenges. Ilang beses din nagbago ang itinerary ni Vanessa na nagsimula noong kami ay nasa Los Angeles pa lang," paliwanag ni Joyce.
Dagdag nito, "Tulad halimbawa ng request to move the Malacañang schedule to March 30 at ang biglaang pagbalik ni Vanessa patungong LA noong gabi ng March 31. So ginawa po namin ang lahat para ma-accommodate ang lahat ng mga last minute requests."
Kargo ni Joyce ang pag-imbita sa press, ayon sa pinagkasunduan ng mga partido. Pero pag-amin niya, umabot sa pinagpili siya ni Paul kung ano ang ilalaglag para matapos ang produksiyon noong araw na iyon.
Si Paul na raw ang nagdesisyong huwag sundin ang nakasaad sa kontrata tungkol sa press interviews.
"The whole production was pressured to proceed and shoot the next scene," sabi ni Joyce sa e-mail. "Direk ordered me to cut the press interviews or choose to cut the next scene."
Pag-amin pa nito, "Hindi na po ako kumontra dahil ito po ay film set niya. Siya po ang Director at Executive Producer. I did not want to overstep my boundaries.
"It was the Director’s call to make and not mine. His money, his decision."
May ganito pang paglilinaw ang veteran PR: Si Joyce raw ang nag-organize ng press event, pero si Paul ang nagbayad sa event. Si Joyce ang PR ng documentary, pero si Paul ang director-producer nito.
Kaya raw si Paul ang sinunod ni Joyce nang ginusto nitong mag-cut ng interviews. Sa suma total, bumigay si Joyce kay Paul sa isyu ng paglaglag ng one-on-one interviews.
Tinanong naman ng PEP.ph si Joyce tungkol sa balitang "nagwala" si Paul dahil sa kagustuhan nitong putulin na ang interviews.
Base sa bilyonaryo.com, nagbitiw si Paul ng di magandang mga salita—"The press is useless!"— tungkol sa media nang kausap nito ang PR Team sa sidelines ng presscon.
Ganito rin ang nakarating na impormasyon sa PEP.ph.
Sabi raw ni Paul sa PR Team: "F*** off the press. They should adjust to me. Because I'm the most powerful!"
Tikom ang bibig ni Joyce sa isyung ito.
DID JOYCE AND PAUL ARGUE DURING THE PRESSCON?
Base sa impormasyon ng PEP.ph, nagkairingan sina Paul at Joyce sa mismong event dahil sa magkaibang diskarte pagdating sa press.
Nagturuan pa ang dalawa kung sino ang susundin nang magtanong ang CNN Philippines kung maaring ituloy ang ipinangakong iskedyul ritong one-on-one sa Hollywood star.
Tanong ng PEP.ph kay Joyce, nagkairingan nga ba sila ni Paul?
Diretsang sagot ni Joyce (published as received in the e-mail):
"Normal lang po sa kahit anong proyekto ang mga argumento. Mahigit sa dalawang dekada na po akong exposed at trained sa Hollywood or US protocol.
"First time naman po nila Direk ang ma-expose sa ganitong kalaking proyekto kung saan bida ang isang Hollywood star sa isang locally-produced documentary film.
"Kaya’t hindi po talaga maiiwasan ang pagkakaroon ng mga hindi inaasahang pagtatalo during the course of the film project."
Tila may kabig naman si Joyce nang sabihin nitong naiintindihan daw niya ang laki ng investment ni Paul sa proyekto. May paninimbang na sinabi nito:
"Wag po nating kalimutan na ang proyektong ito ay private investment ng TEN17P. Hindi po biro ang gastos at stress ni Direk para maitawid ang proyektong ito.
"Dahil po dito, mataas ang respeto ko sa kanya bilang kapwa propesyonal. Para sa akin, trabaho lang tayo walang personalan.
"Ganyan ako sa kahit sinong maka-trabaho ko. Let’s focus on the work and set aside personal differences."
VANESSA'S u.s. TEAM speaks
Natutuwang ibinalita ni Joyce sa PEP.ph na may pasabi na ang U.S. Team ni Vanessa sa naging isyu sa sidelines ng presscon ng March 31.
Suportado raw si Joyce ng Ziffren Brittenham LLP, ang law firm ng legal counsel ni Vanessa. Sinusugan daw ng lawyer ang contention ni Joyce, na noong ginaganap ang mediacon, may access pa siya sa oras ni Vanessa para sa ipinangako ni Joyce sa press na one-on-one interviews.
Sabi ni Joyce (published as e-mailed): "Vanessa’s law firm wrote an email last April 4 confirming the validity of the contract details which includes the 90 minutes allotted to authorized media outlets.
"We have records showing the list of authorized press approved in the US. Unfortunately, this was cut due to the changes and demands of production that fateful day.
"After that, I wrote every media outlet a personal apology and informed them that we will do our best to request a follow up interview with Vanessa via her US team.
"I remain in close contact with each authorized media outlet and their reps."
Kasama ang isang U.S. manager ni Vanessa sa kanyang entourage nang magtungo ito sa Pilipinas. Ayon kay Joyce, sa post-mortem meeting nila ng U.S. manager, naintindihan nito kung bakit hindi natuloy ang solo interviews sa Hollywood star.
Sa sulat ni Joyce sa PEP.ph, sabi nito: "Many understood the challenges we faced and have accepted our apology while at least one news outlet is pretty upset about what happened.
"However, as Vanessa’s manager said during our post-mortem talk, that ship has already sailed. We can’t do anything about it anymore."
JOYCE ON "FALSE STORIES" from local tabloids
Nagpahaging naman si Joyce sa mga tumitira raw sa kanyang tabloid reporters.
Siya raw ang pinagbibintangang may kasalanan sa naunsiyaming one-on-one interviews. Hindi raw kasi ipinalaam ni Joyce kay Paul ang solo interviews.
Balik sa kanila ni Joyce (published as e-mailed):
"Vanessa’s lawyers and team are also aware of the false stories being propagated by unauthorized tabloid reporters who weren’t even present nor invited at the event. We are closely monitoring the situation and have brushed it off as black propaganda.
"We can tell someone hired them to discredit our agency. However, their attempts won’t work because Hollywood follows a strict protocol based on the signed contract.
"Speculation and hearsay are not acceptable in the US. The contract shall always prevail.
"I have thrived well in this industry for more than 20 years.
"Surely, I would never do anything to sabotage my relationship with the press? That would be a very amateur and poor minded thing to do."
MORE HOT STORIES ON PEP.PH
