Naninindigan si Mark Bautista na wala siyang pagsisisi sa pag-aming isa siyang bisexual, pero inamin niyang may ilang kaibigan sa showbiz na nilayuan siya matapos ang kanyang coming out.
“Ang hirap mag-apologize sa isang bagay na totoo, like my truth na [I am bisexual], wala akong regret,” sabi ng singer-actor sa panayam niya sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Martes, April 11, 2023.
Ayon kay Mark, mas nakilala niya ang kanyang mga tunay na kaibigan matapos niyang umamin sa pamamagitan ng librong Beyond The Mark.
Read: Mark Bautista, umaming bisexual: "I love both sexes."
Pahayag niya, “Meron akong ibang mga, like, may ibang friends konting friends na parang naging distant.”
Sinang-ayunan ni Mark ang sinabi ni Boy Abunda na hindi raw ma-take ng mga ito ang pag-amin ng singer sa kanyang tunay na seksuwalidad.
“Meron naman sa showbiz na naging distant dahil feeling nila I was just doing it for publicity, so medyo doon ko nakilala [ang pagkatao].
“Mas na-shock ako sa mga taong hindi ko in-expect na magsu-support sa akin. Mas yun ang pinanghahawakan ko,” aniya.
BEING STEREOTYPED
Paglilinaw ni Mark, hindi tumamlay ang kanyang music career matapos niyang umamin.
Paniniyak niya, “In terms sa music, nagkakaroon pa rin ako ng shows. It’s the same [as before].”
Pero may pagbabago raw sa acting projects na inu-offer sa kanya: mas dumami ang gay roles na inaalok sa kanya.
“Nagkaroon na ng limitation yung ibinibigay na offers, o nai-stereotype na yung roles na puwedeng ibigay sa akin.”
Pakiramdam niya ay unfair na ma-stereotype siya dahil sa kanyang sexuality.
Sabi ni Mark, “Gusto ko pa ring gawin na parang, like normal na role, or like yung straight na role.
“So, after nung mag-book ako, marami ring nag-offer sa akin na movies na gagawin, but puro BL [Boys Love genre].”
Hindi lang daw niya tinatanggap ang offers na ito dahil kailangan ang approval ng kanyang management, ang Viva Artists Agency.
Hindi rin itinanggi ni Mark na nag-aalala siya kung may manonood ba kapag nagkakaroon siya ng concerts o pagtatanghal.
“Ngayon pag nagko-concert ako, lagi nang may fear ako na, ‘May manonood ba or something?’ May ganun lang ako.”
Pero paniniyak ni Mark, hindi niya pinagsisisihan na isapubliko na isa siyang bisexual dahil kapalit nito ay nakuha niya ang “freedom.”
