Inamin ni Bianca Lapus na isa sa "pinakamasakit na pinagdaanan" niya dala ng legal battle ni Vhong Navarro ay nang mawalay siya sa anak nila.
Dating mag-asawa sina Bianca at Vhong, at may isa silang anak na si Yce Navarro.
Paliwanag ni Bianca, nagkaroon umano ng banta sa buhay ni Vhong noong kasagsagan ng sanga-sangang legal battle ng It's Showtime host.
Kaya raw napagkasunduan daw nila na sa poder ni Vhong titira si Yce mula noon.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), balik-tanaw ni Bianca:
"Kasi, I live in a condo. Hindi ko kayang patirahin yung bodyguard. And ano, kasi yun yung peak ng mga death threats and everything.
"May bababa doon sa bahay nila, magkaka-kayok or whatever. May mga ganoon. Hindi ko lang ma-disclose lahat.
"May mga pinagdaanan kami na nakakatakot talaga. So, it was a tough journey.
"So ngayon pa lang kami nakakahinga-hinga."
Nasa poder pa rin daw ni Vhong si Yce.
Paliwanag pa ni Bianca, "And kami ni Yce, nagkikita pa rin. Yan yung sakripisyo ng isang ina. Mas gusto ko na nandodoon siya. Safe siya. May mga nagbabantay sa kanila, di ba?
"Mas maayos yung lagay niya. Basta mas safe lang yung kapaligiran niya kesa nasa akin. Kasi condo lang ako, e.
"Saan ko patutulugin yung mga bodyguard or yung mga bantay or yung mga ano."
Maayos daw ang set-up nila ni Vhong pagdating sa anak nilang si Yce.
“Nagbaligtad kami ng schedule. Instead na weekdays ako, weekends kay Vhong, baligtad na. Kasama na niya si Yce weekdays, akin yung weekend.
"Hanggang sa nangyari yung nangyari, ayun, more yung sa kanya na. Pero we see each other whenever we want to."
Nasa poder din ni Vhong si Bruno, ang isa pang anak ng aktor sa dating karelasyon.
"Kasama na niya yung mga anak niya sa bahay niya. Kailangan niya yun.
"They very close. Actually, we are all very close. We are one big happy blended family."
Nakausap namin si Bianca sa ng ikalawang edisyon ng Top Shelf Magazine, na ginanap sa Seda Hotel Vertis North sa Quezon City, noong Abril 2, 2023, Linggo.
Isa sa mga punung-abala sa event si Bianca dahil siya ang marketing director ng Top Shelf, published by Velvet Media Inc. at headed by JJ Maghirang.
ON RECEIVING DEATH THREATS IN THE PAST
Taong 2014 naganap ang insidenteng paggapos, pagbugbog, at pananakot kay Vhong sangkot ang grupo nina Deniece Cornejo at Cedric Lee.
Napatunayang guilty sa grave coercion ang grupo nina Deniece at Cedric noong 2018; at dinidinig pa rin ngayon ang serious illegal detention laban sa mga ito.
Ani Bianca ukol sa death threats noon kay Vhong, "Nag-subside na, pero kailangan pa rin po talaga mag-ingat...
"So, parang hindi naman siya natatapos doon. Kailangan pa ron talagang mag-ingat. Pero sana, sana matapos na siya talaga."
Nakatanggap din si Bianca ng death threat noon?
"Uh, eight years ago, yeah, I had. Tsaka siyempre yung mga bata. Ako, ang main concern ko talaga ang mga bata," tugon niya.
Patuloy ni Bianca, "So, siyempre eight years ago ilang taon lang ang anak ko. I think he’s about 14 ata.
"So parang hindi talaga siya nagkaroon ng supposedly a normal life, dahil yun nga, nagkaroon ng time na may mga bodyguards."
Umabot daw sa punto na naapektuhan ang mental health ng anak.
"Nagkaroon pa talaga ng time na bigla siyang naging introvert. Itong nangyari, lagi lang siyang nasa bahay. Laging nasa kwarto.
"Yung sa medications niya siguro kaya palagi siyang tulog, ganyan.
"Hanggang ngayon under medication pa rin si Yce. Pero, better na ngayon. Naka-recover naman na siya….paunti-unti."
ON VHONG'S DISMISSED RAPE CASE
Malaking bagay, ayon kay Bianca, ang desisyon ng Supreme Court na ibasura ang kasong rape laban kay Vhong.
Noong February 8, 2023, ipinunto ni Associate Justice Henry Inting na "manifestly inconsistent, highly deficient, unclear, and doubtful" ang kuwento ni Deniece na ginasaha siya ni Vhong.
"Although, hindi pa ata pinaka-final-final yun. Parang may motion of reconsideration pa and everything.
"I really don’t know much about the laws, but I know na meron pa siyang [Deniece Cornejo] time for that," ani Bianca.
Sa balitang muling aapela sa korte si Deniece, pahayag ni Bianca, "Hindi ko alam. Pero… hindi ba siya napapagod?"
"Tsaka ang dami ng nadamamay, mga inosenteng nilalang. Tulad ko, tulad ng mga bata, di ba?
"Wala naman kaming kinalaman sa mga kaganapan nila pero nadadamay kami.
"Sana matapos na," dasal ni Bianca.
Naniniwala si Bianca na mapagtatagumpayan ni Vhong ang legal battle nito.
"Yes, nananalig naman ako na... Because Supreme Court na ang naglabas ng desisyon na pro kay Vhong, e.
"Hopefully, naman na yung final decision, pro pa rin sa kanya. Kasi strong naman yung evidence, e," esplika ni Bianca.
Kinumusta rin namin kay Bianca si Vhong.
"Siyempre kailangan niyang maging okey. Kailangan niyang magtrabaho. Ang daming tao na tinutulungan niya.
"Ang daming nakaasa sa kanya. So, hindi rin madali. Saka magastos din talaga yung kaso. Tapos, high-profile case pa siya. So, ang dami talagang pinagdadaanan.”
Kinailangang dumaan sa counselling si Vhong at mga anak nito.
"Sila actually nagte-therapy. Pero hindi ko lang alam kung ano ang status ngayon, kung okey na siya talaga. Pero, I doubt kung talagang okey na okey na siya.
"Kasi, di ba, mas malala yung pinagdaanan niya. Bumagsak ang katawan niya doon. Pumayat siya."
More hot stories on PEP.ph:
