Inamin ni Coco Martin na ilang beses siyang nakaranas ng rejection dahil namarkahan siyang "bold star" noong unang salta niya sa showbiz.
Ilan sa indie films na ginawa ni Coco ay ang Masahista (2005), Tirador (2007), Daybreak (2008), Jay (2008), at Serbis (2008).
Kahit na nakilala bilang "Prince of Indie," hindi agad siya nakatawid sa paggawa ng wholesome roles dahil sa daring scenes na nagawa niya sa pelikula.
Pero kung ang direktor na si Brillante Mendoza ang nagbigay sa kanya ng break sa indie films, ang veteran actress na si Jaclyn Jose naman ang kumumbinsi sa kanyang huwag sukuan ang TV work.
Lahad ni Coco, "Alam niyo po, kung hindi ko pa nasasabi to, si Mommy Jane, si Jaclyn Jose, ang isa sa dahilan kung bakit ako nakapasok sa TV.
"Kasi, marami akong rejection noon. Lalo na noong nagsisimula ako sa indie films, yung mga ginagawa namin ni Direk Dante, lalo na yung first movie ko, Masahista, medyo matured.
"Ano talaga siya—hindi namin tinitingnan kung ano man, basta naniniwala kami sa proyektong ginagawa namin.
"Si Direk Dante kasi, ang mindset niya, abroad, e. Talagang competition, lumaban sa abroad.
"Ang tingin sa akin ng network [ABS-CBN], ang tingin talaga sa akin, bold actor. Yun talaga ang ano sa akin," balik-tanaw ni Coco.
Hindi raw niya makalimutan yung proyekto na siya sana ang ka-love triangle nina Shaina Magdayao at Rayver Cruz.
"[May] nag-inquire kay Direk Dante, 'Direk, puwede ba si Coco maging love triangle nina Shaina at Rayver?'
"Si Direk Dante, excited na excited kasi mabibigyan ako ng trabaho.
"Alam naman natin na kapag sa TV, yun ang tinatawag ng mga artista na bread and butter, talagang regular income ka.
"Sa pelikula kasi, ngayon meron, then medyo matagal na wala. Siyempre, excited kami na makakapasok na ako sa TV, magkakaroon na ako ng show," ganadong kuwento ni Coco.
Sabay sabi niya, "Tapos, biglang binanggit na, 'Si Coco pala, bold actor.' E, alam mo naman, medyo conservative kung ila-love triangle kay Shaina at Rayver.
"Ako naman, 'Okay, e, di, next time.'"
Nasundan pa raw ito ng panibagong offer na isali siya sa cast ng Kapamilya prime-time series ni Judy Ann Santos.
"After a few months, tinawagan si Direk Dante at kinukuha naman ako para sa soap opera ni Ate Juday.
"Sabi ni Direk Dante, 'Anong role?' 'Gay siya. Magiging best friend ni Juday.' 'Sige, sige!'
"E, di sinabi sa akin ni Direk Dante, at sabi ko, 'Sige, pasok ako diyan basta may trabaho.'
"Tapos, binalikan si Direk Dante na, 'Direk, pasensiya na, e, bold actor pala si Coco Martin. Alam mo naman kapag sa TV, medyo conservative.'"
Sa puntong iyon ay naapektuhan na raw si Coco.
"Honestly, na-hurt ako dun," pag-amin niya.
"Sabi ko sa sarili ko, 'Ang taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko.'
"Hindi ko siya tinitingnan na ang proyektong ito, gagawin ko, maghuhubad ako, magpapakita ako ng katawan kasi gusto kong sumikat.
"Ginagawa ko ang project na yon dahil naniniwala ako sa trabahong ginagawa ko, kahit ano pa ‘yon."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng ibang reporters si Coco sa mediacon ng Apag sa SM North Cinema noong March 28, 2023.
Katrabaho ni Coco sa Apag sina Brillante, Jaclyn, Shaina, at Gladys Reyes.
COCO ALMOST GAVE UP SHOWBIZ
Dahil sa mga naranasang rejection, naisip ni Coco na huwag nang pasukin ang TV work.
Balik-tanaw pa niya, "E, kasi, kung ayaw nila sa akin, e, di huwag. Hindi ko naman pinagpipilitan ang sarili ko. Sila ang nag-i-inquire sa akin.
"Ang masakit, nakakatikim ako ng rejection.
"Sabi ko, 'Napakasakit na ang baba ng tingin nila sa akin, pero ang taas-taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko.'"
Pero ang Cannes Best Actress na si Jaclyn ang naging instrumento para bigyan pa niya ng pagkakataong sumubok sa telebisyon.
Kuwento ni Coco, "Noong nandun kami sa Cannes, hindi ko makakalimutan to, kasi nag-iinuman kami, nandun kami sa white sand.
"Sabi sa akin ni Mommy Jane, 'Co, gusto kang kunin ni Direk Andoy [Ranay] sa show niya, sa Ligaw na Bulaklak.'
"Sabi ko, 'Tita Jane, ayoko na. Kasi, ilang beses na kong na-reject sa TV. Okay lang naman, dito na lang ako sa indie.
"'Hindi man ganun kalaki ang kinikita ko, nararamdaman ko yung respeto, kumbaga, yung pagtingin nila sa ginagawa namin.
"'Lalo na kapag lumalaban kami international. Hindi naman kami kilala dun. Pero yung respeto, natatanggap natin.
"'Bakit sa sarili nating bansa, iba. Bakit ang baba ng tingin? Bakit ganun ang tingin sa amin?'
"Sabi ni Mommy Jane, 'Anak, pagbigyan mo na ko. Kapag hindi pa natuloy ang project na to, huwag ka nang mag-TV kahit kailan. Pagbigyan mo na ako. Para sa akin, isa na lang.'"
ON NON-STOP TV PROJECTS SINCE 2008
Ang Ligaw Na Bulaklak ay ang defunct afternoon drama series na pinagbidahan nina Roxanne Guinoo at Sid Lucerno noong 2008.
"Noong tinanggap ko yung project, dun ako nag-start. Dun ako napansin ng Channel 2 na magdire-diretso ang trabaho ko sa ABS," balik-tanaw ni Coco.
Napabilang si Coco sa cast ng Tayong Dalawa (2009) at Kung Tayo'y Magkakalayo (2010)—ang magkasunod na teleserye nina Kim Chiu at Gerald Anderson na sikat na love team ng ABS-CBN noong panahong iyon.
Taong 2010 nang una siyang bumida sa mini-series na Agimat: Ang Mga Alamat ni Ramon Revilla Presents: Tonyong Bayawak, at nasundan ng full-length prime-time series na Minsan Lang Kita Iibigin noong 2011.
Sunud-sunod nga ang teleserye ni Coco, at sumikat siya nang husto sa long-running prime-time series na FPJ's Ang Probinsyano (2015-2022).
Tumatak daw nang husto kay Coco ang hirap na pinagdaanan niya bago narating ang tagumpay sa pag-aartista.
"Ang tingin ko lang talaga sa ginagawa ko, hanapbuhay lang. Hindi ko ninanamnam yung sinasabi nila na, 'Uy, sikat ka!' Wala talaga," saad niya.
Ayon pa kay Coco, "Noong nagsimula talaga ako, nagsimula ako dun sa pinaka-humble beginnings talaga.
"At paulit-ulit kong kinukuwento, hindi ko naging pangarap na maging artista."
ON WORKING AGAIN WITH DIREK BRILLANTE
Wala naman pagsidlan ang tuwa ni Coco na muling makatrabaho ang mentor-director niyang si Brillante Mendoza sa Apag, isa sa walong Summer MMFF 2023 entries.
"Kapag may pelikula si Direk Dante, naiinggit ako, every time na may ginagawa siyang pelikula na hindi ako part," sabi pa ni Coco.
"Nainggit ako dahil alam ko kung ano ang hirap, talento na binubuhos sa pelikulang yon kapag ginagawa nila yon.
"Tapos, yung proseso, yung saya ng company kapag ginagawa yon. Alam na alam ko yon."
Hindi isyu kay Coco na hindi siya ang first choice sa proyekto.
Abala pa noon si Coco sa taping ng FPJ's Ang Probinsyano sa Ilocos, pero tinanggap daw niya ang pelikula nang umatras ang original choice na si Aljur Abrenica sa proyekto.
Read: Brillante Mendoza considers Coco Martin replacing Aljur Abrenica in Apag a blessing in disguise
Dugtong pa niya, "Sabi ko nga, hindi ako nahihiya kung hindi man ako ang naisip ni Direk Dante para sa project na to.
"And then, noong sinabi niya nga na kung gusto ko, kung okay sa akin, kahit na yung time na yon, kita niyo naman, putok na putok ako, ang taba-taba ko.
"Pero sabi ko nga, kahit na kalagitnaan ng trabaho namin sa Ilocos. From Ilocos umuuwi ako, diretso kami ng shooting.
"Kaya sobrang grateful ako at natuloy kami sa project na ‘to."
MORE HOT STORIES ON PEP.PH:
- Victor Consunji shows photo of a baby sleeping on his tummy; posts hashtag, "#IGuessIamTheCrib"
- Kris Aquino tells Mark Leviste: “Please don’t comment anymore..."
- PR boss Joyce Ramirez breaks silence on Vanessa Hudgens' Manila presscon
- Maui Taylor, tinuldukan na ang kakaibang living arrangement sa ex-partner
