Humingi ng paumanhin ang GMA Network sa ating mga kababayang nag-abang sa pagpapalabas ng Voltes V: Legacy sa ilang mga sinehan ng SM Malls ngayong Miyerkules, April 19, 2023, pero nabigo dahil sa mga hindi inaasahang aberya.
Sa pamamagitan ng opisyal na pahayag, nangako ang GMA Network at ang SM Cinemas management na gumagawa na sila ng solusyon para malutas ang problema at matunghayan na ng mga nananabik na manonood ang pinakahihintay na Voltes V: Legacy.
Pahayag ng GMA Network: “Mga Kapuso, we apologize for the technical issues we are currently encountering in various cinemas showing Voltes V: Legacy.
“GMA Network and SM Cinemas are exerting all efforts to address these issues and we assure you that all ticket holders will be accommodated as soon as the glitch is resolved.
"Maraming salamat sa inyong pagsuporta."

Ang movie version ng unang tatlong linggong kabanata ng television series ng Voltes V: Legacy ang mapapanood sa mga sinehan ng SM Malls mula ngayong Abril 19 hanggang Abril 25, 2023.
Mga pangunahing bida ng Voltes V: Legacy sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Matt Lozano, Raphael Landicho, Dennis Trillo, Carla Abellana, at Albert Martinez.
Sa red-carpet premiere na ginanap sa Cinema 3 ng SM The Block kagabi, April 18, pinalakpakan, umani ng mga papuri, at tinawag na "world class" ang proyektong matagal na pinaghirapan at binuo ng direktor na si Mark Reyes.