Kung Kindergarten teacher ka, pupunitin mo ba ang activity paper ng iyong makulit na pupil para disiplinahin ito?
Hot topic ngayon ang nag-viral na kuwento ng isang Kindergarten pupil mula sa Barangay Lacson, Calinan District, Davao City.
Noong Lunes, April 17, 2023, umuwi ang bata sa bahay na umiiyak.
Nagsumbong ito sa kanyang nanay dahil pinagpupunit umano ng teacher ang kanyang ipinasang activity paper.
Makikita sa ipinost na pictures ang nakaaawang itsura ng naka-unipormeng batang paslit. Basa ng luha ang mga pisngi.
Ipinost din ang pira-pirasong activity paper ng bata.

Nagpuyos ang damdamin ng ina.
Tinanong ang teacher via Messenger kung bakit nagawa nitong punitin ang papel ng bata. Nasayang daw ang effort ng kanyang anak.
Depensa ng guro, makailang beses na niyang sinuway ang bata dahil madaldal ito at hindi raw nakikinig.
Katuwiran ng guro, pinunit niya ang papel para disiplinahin ang bata at magtanda ito.
Read:
- Meet Jay-ar Coronel, poging teacher na biktima ng bullying noon
- Dumagat teacher Mary Ann Donato: “Hindi sa lahat ng pagkakataon dapat mahirap lang kami.”
Hindi ito katanggap-tanggap para sa ina.
Idinaan ng ina sa social media ang sinapit ng kanyang anak, kalakip ang screenshot ng usapan nila ng teacher.
Bahagi ng post ng ina, natural ang naging asal ng bata dahil nasa kinder pa lang ito.
Pero masama ang loob niya na pinagpupunit ang activity paper ng anak niya.

Umabot na ang insidente sa Department of Education-Davao Region (DepEd-Davao) noong April 18, 2023.
Ulat ng SunStar Davao, sinabi ni DepEd-Davao Spokesperson Jenelito "Dodong" Atillo na kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang insidente.
NETIZENS HAVE MIXED REACTIONS
Naging mainit na diskusyon para sa netizens ang pangyayari. Mixed ang kanilang reactions.
May mga pabor na tamang disiplinahin ang mga estudyante habang bata pa, pero dapat ay pumili ng tamang paraan.
“Kinder pa lang yung bata eh, nagka trauma agad,” sabi ng isang netizen.
Puna pa niya sa guro, bilang teacher ay kailangang matiyaga ito at mahaba ang pasensya sa mga bata.

Mayroon din namang pabor sa ginawa ng guro. Sabi ng netizen, habang bata pa ay dapat pangaralan na ang mga estudyante.
Anang netizen (published as is): “Kulang na sa disiplina ang mga mag -aaral ngayon kya dpat ipakita sa knila ang tamang pag uugali ng dalhin nila un hanggang sa paglaki.”
Ikinatuwiran ng isa pa na may mga nakausap siya na sinabing mas malupit ang naranasan nilang parusa noon, pero hindi naman sila na-trauma at hindi naman nila ito dinala paglaki.
Kinontra ito ng isa pang netizen: “But I believe otherwise po. Evident po yan sa mga cases namin dito sa school sa mga college students. They even remembered the way they were treated during their elementary years.
“I am also a parent, so I can tell.”

Reaksiyon naman ng isa pang female netizen, ang nakikita niyang mali rito ay ang ina na sa social media idinaan ang kanyang reklamo.
Sana raw ay kinausap muna nito ang principal.
Sa guro naman, sana raw ay hinabaan nito ang kanyang pasensiya.
Sabi ng netizen: “Sa ganitong edad na nag uumpisa pa lang ma trauma talaga ang bata. Instead ma excite sya sa school. Ayaw nya na tuloy. Dahil lang nakulitan ka. Yong pag discipline mo na pinunit Yong pinagpaguran nya…”

