Masasabing si Ara Mina ang “nagbinyag” (pagdating sa acting) sa apat na mga baguhang bida na kasama niya sa pelikulang Losers-1 Suckers-0 na streaming ngayon sa AQ Prime app.
Ang nasabing mga baguhan ay sina Jayden Bravo, Khiester Bernardino, Charles Temones at Bench Manalon.
Ani Ara, “Well, ako naman, talagang nakakatuwa kasi yung mga baguhan. Very supportive naman ako sa mga baguhan and lalo na nung first time na na-meet ko sila.
“At first, naiilang sila, pero I see to it na maging kumportable sila sa akin para hindi sila mailang.
“And I give some tips… kasi hindi naman kami masyadong matagal magkasama sa shooting, and sabi ko basta kakayanin naman nila yan.
“And napanood naman natin talagang they have the potential pagdating sa akting.
“At saka actually, normal na normal nga yung acting nila, e. Hindi yung talagang masasabing mong inakting.”
ARA EXCITED TO PLAY VAMPIRE ROLE
Sa pelikula ay unang beses gumanap ni Ara bilang isang bampira.
“Ang hirap magsalita, ang ganda ng ngipin, yung pangil,” pagbibiro ni Ara tungkol sa kanyang vampire prosthetics.
“Pero sa tagal ko sa industry, ngayon lang ako naging vampire kasi naging taong ibon na ako, naging sirena na ako, so ngayon, vampire.”
Gumanap sa GMA bilang taong-ibong si Vultra sa Mulawin noong 2004 si Ara at bilang sirenang si Dyesebel naman sa Darna ni Angel Locsin noong 2005.
“Na-excite ako nung sinabing vampire ako, kasi talagang nanood ako before ng Interview With The Vampire.”
Pelikula tungkol sa mga bampira ang Interview With The Vampire na pinagbidahan nina Tom Cruise at Brad Pitt noong 1994.
“So yun, nakaka-challenge and siyempre nakakatuwa, dahil parang ako ang pinaka-ate ng mga nandito sa cast, and it’s a nice movie and it’s my first time to work with Direk Niokz.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ara sa special screening ng Losers-1 Suckers-0 sa Cinema 4 ng Gateway Cinema nitong nakaraang Biyernes ng gabi, April 21.
Tampok rin sa pelikula sina Yana Fuentes at Marcus Madrigal, sa direksyon ni Niokz Arcega.
ARA’S OTHER MOVIE PROJECTS
Samantala, mukhang sunud-sunod ang paggawa ni Ara ng pelikula.
Kakatapos lang niya ng isang pelikula kasama si Ai-Ai delas Alas at may isa pa siyang pelikula sa AQ Prime, ang Katok, na isa ring horror film.
“Actually, parang nalilinya ako sa horror kasi I’m doing another one also, yung Poon with Janice de Belen, Lotlot de Leon, Jaclyn Jose, with Direk Adolf [Alix, Jr.]”
ARA SEES POTENTIAL IN young ASPIRING COMEDIANS
Hiningan naman ng opinion si Ara tungkol sa future ng mga baguhang co-stars niya sa Losers-1 Suckers-0.
“Actually, tama si Direk, kasi yung mga panahon nila Janno Gibbs, Ogie [Alcasid], ganyan, mga matitinik sa chicks, pero comedian, magaling umarte, wala ngayon sa generation ngayon.”
In a separate interview ay sinabi ni Direk Niokz na para sa mga lumaki sa era ng ‘90s, ang kulang ngayon ay mga artista o komedyanteng tulad nina Janno Gibbs, Andrew E, Ogie Alcasid na hindi man nagtataglay ng matinee idol looks ay nagbida sa kani-kanilang mga pelikula noon dahil sa taglay na husay ng mga ito sa pagpapatawa at “malalakas raw sa mga chicks.”
Ayon pa rin kay Direk Niokz, kailangan natin ngayon ng mga legit comedians.
Pagpapatuloy pa ni Ara, “Kasi parang puro ngayon papogian, pa-hunk, pa-macho-han, di ba?
“So yun yung wala sa generation ngayon, which is talagang may potential itong mga boys dito.
“So good luck, good luck boys! Basta huwag lalaki ang ulo niyo,” mensahe pa ni Ara kina Jayden, Khiester, Charles at Bench.
