Nagluluksa ngayon ang esports industry dahil sa pagpanaw ng dating professional Mobile Legends: Bang Bang player at RSG Ignite coach na si Ivan Emmanuel Gancho o mas kilala bilang Coach Navi.
Siya ay 24.
Ang malungkot na balita ay inanunsiyo mismo ng kanyang kapatid na si Isidro Erickson sa Facebook nitong Lunes, April 24, 2023.
Fatal arrythmia ang naging sanhi ng kamatayan ni Navi.
Ayon sa Mayo clinic, ang fatal arrythmia ay isang kundisyon kung saan nakararanas ng hindi regular na pagtibok ng puso ang isang tao.
Nangyayari ito kapag ang electrical signals ng puso ay hindi dumadaloy nang tama.
Mababasa sa kanyang post (published as is): "Magandang gabi sa inyong lahat, gusto ko lang ipaalam na namayapa napo ang kapatid kong si Ivan Gacho , Fatal Arrythmhia po ang ikinamatay niya."
Kalakip din ng post ni Isidro ang paghingi niya ng tulong sa naiwang gastusin sa ospital ni Navi at mga gastusin sa pagpapalibing.
Saad niya, "Hihingi po sana ako ng konting tulong para sa bill at pang burol ng kapatid ko.
"Kahit magkano po yung bukal sa loob nyo.
"Maraming Salamat po."
Magdiriwang pa sana si Navi ng ika-25 kaarawan sa May 26, 2023, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na niya ito naabutan.
RSG IGNITE PHILIPPINES SENDS THEIR CONDOLENCES
Hindi lamang bilang manlalaro o coach ang turing ng RSG Ignite Philipines kay Navi.
Anila, isang mabuting kaibigan na may busilak na puso ang dating Mobile Legends: Bang Bang player.
Saad nila sa kanilang Facebook post (published as is), "It is with a heavy heart to share with you the passing of our good friend, Coach Ivan Emmanuel "NAVI" Gacho.
"You have brought a light that shone brightly in our lives and hearts.
"We will be forever grateful for all the time spent together and thank you for the wonderful memories you left with us.
"Sending our condolences to the family and loved ones of Coach Navi.
"The world has lost a truly special soul. Rest easy, our friend."
Bago maging coach ng RSG Ignite, unang nakilala si Navi bilang player ng Mobile Legends: Bang Bang professional scene sa MPL Season 4.
Dito ay nakasama niya ang SEA Games gold medalist na sina Karl “KarlTzy” Nepomuceno at Jiane “Kenji” Villa.
