Isang former college classmate ni Vice Ganda ang humingi ng sorry sa It’s Showtime host dahil sa “pambu-bully” noon.
Kuwento ng dating classmate na ito ni Vice, tampulan nila ng panunukso ang host-comedian noong college.
Pinatunayan din ng former classmate na ito ni Vice kung gaano kahusay si Vice noon bilang estudyante.
Isa sa contestants ng "Isip Bata" segment ng It’s Showtime ngayong Martes, April 25, 2023 ay si Teddy Amor, isang trainer at gym instructor.
Pagpasok ni Teddy, 55, kasama ang iba pang contestants, may hawak itong papel na may nakasulat at nakaagaw sa pansin ng host na si Ogie Alcasid: “Vice my classmate [in] F.E.U.”
Sabi ni Teddy, naging classmate niya noon si Vice sa Institute of Arts and Sciences ng Far Eastern University (FEU).
Si Vice ay kumuha ng kursong Political Science noon sa FEU subalit hindi nagtapos.
“Actually po, tatlo silang nangunguna sa amin—dalawang babae, tsaka siya. Nangunguna sa room,” kuwento ni Teddy ukol sa pagiging aktibo ni Vice as a student.

Batay sa Facebook page ni Teddy, siya ay isang body conditioning coach, biomechanic trainer, gym instructor, events bouncer, VIP escort, at bodyguard.
“Tatlo din kaming parang bully-bully sa school sa room,” pag-amin ni Teddy.
Sabi niya naging kaklase siya si Vice sa first at second semester noon. Subalit nag-transfer noon si Teddy sa Philippine College of Criminology dahil pinangarap niyang maging pulis.
APOLOGIZING TO VICE
Hiningan ng It’s Showtime hosts si Teddy ng mensahe para kay Vice.
“Hi, Viceral baka maalala mo...” bungad ni Teddy kay Vice na ang tunay na pangalan ay Jose Marie Borja Viceral.
Binanggit pa ni Teddy ang dalawa nilang classmates na pulitiko na ngayon, isa ay si Isabela Congressman Antonio Albano.
Mahihinuhang nais ipunto ni Teddy na marami sa kanilang batch ay malayo na ang narating, tulad ni Vice.
“Ako lang naman yata ang hindi nag-excel sa inyo…” ani Teddy na sinabing nag-transfer siya noon at nag-shift ng Criminology course.
Sa puntong iyon ay kusang sinabi ni Teddy na nais niyang humingi ng sorry kay Vice.
“Humingi lang ako ng sorry. Humihingi ako ng sorry kay Vice,” bungad ng contestant.
“Kasi that time, kasi may kaibigan siyang gusto kong ligawan, type ko…
“Inaayawan niya ako dahil kay Vice, so ang ginagawa naming tatlo din kaming lalaki, binu-bully namin siya.
“Sorry. Sorry,” ani Teddy para kay Vice.
Binanggit ng hosts na sina Jhong Hilario at Vhong Navarro na hindi mabuti ang pambu-bully.
Dugtong ni Teddy, “Nung araw naman kasi bully parang nang-aasar. Walang pisikal.”
witness to VICE GANDA’S EXCELLENCE in school
Samantala, iginiit din ni Teddy ang husay ni Vice bilang isang estudyante.
“Pero talaga nag-e-excel ho siya sa amin sa room… Nag-e-excel sila, tatlo lagi. Sila nangunguna sa amin.
“Kasi sa exam namin, sa quizzes, tatlo sila nangunguna. Matalino,” papuri ni Teddy kay Vice.
