PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Sumangil unfazed by death threats

Kapuso crimebusting reporter now hosts his own public service show
by Rommel Gonzales
Published May 6, 2023
Emil Sumangil
Emil Sumangil, host of GMA-7's public service TV show Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso, proudly shrugs off death threats: “With all humility po ano, ilang beses na po tayong inalok ng kumpanya na bigyan ho ako ng security personnel, pero with all humility, tinatanggihan ko po!"
PHOTO/S: PR

Kapamilya muna pala bago naging Kapuso ang broadcast journalist na si Emil Sumangil.

Napag-alaman namin ito nang pagkuwentuhin namin si Emil tungkol sa kanyang pinagsimulan bilang isang mamamahayag.

“Ako po ay eighteen years na sa GMA Network pero bago po ako maging empleyado ng channel 7 ako po ay tatlong taon ding nagsilbi sa ABS-CBN.

“Puro news po ito, news department po.

“’Tapos, paglipat ko ho dito sa atin sa GMA Network bilang segment producer, dahan-dahan na pong umangat hanggang sa maging reporter na po sa night beat.

“Hanggang sa mabigyan ng pagkakataon na humalili noon kay Mr. Jiggy Manicad sa News TV Quick Response Team (QRT). Pagkatapos po dito sa QRT, after ng kainitan ho ng pandemya, nabigyan ho ako ng tsansa, ng pagkakataon na maging co-host po ng programa namang Dapat Alam Mo.

“Dito po sa pag-stay ko sa Dapat Alam Mo, last two months lamang ho, binigay na ho itong pagkakataon na ito, itong Resibo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Ang aking beat ay puro nasa crime e, criminal justice system po ang mga istoryang tinututukan ko, hindi ho ako nagpa-assign sa iba, hindi ako na-assign sa political beat, sa business beat, puro ho sa crime, ever since,” pagbabahagi ni Emil sa ginanap na mediacon para sa Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso na solong ihu-host ni Emil.

Ito ang pinakabagong Kapuso public service TV show na maaaring pagsumbungan ng mga mamamayan kung sila ay may reklamo at naagrabyado.

Ginanap ang mediacon nitong May 3, Miyerkules sa B Hotel sa Quezon City.

EMIL RECALLS TOUGHEST NEWS ASSIGNMENTS

At dahil puro tungkol sa krimen ang kanyang forte, ano ang pinakamahirap na beat o report ang kanyang naranasan, na halos buwis-buhay na ang naging sitwasyon niya? At paano niya ito nalampasan?

“Kung pag-uusapan yung peligro, nung ako ay nasa graveyard shift so nine pm to five am, sa kada lalabas pa lang kami ng team ko sa base, doon sa aming opisina, nandoon na kaagad yung peligro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“So ibig sabihin, every night merong disgrasya na puwede kang abutin, merong peligro, nandoon yung pagkadelikado ng trabaho.

“Pero yung major coverages na related sa crime na in-assign ako para idokumento at gawan ng istorya, siguro Maguindanao massacre is one.

“Masyado nang malaki pero kasama rin po ako sa nag-cover ng Marawi siege, tsaka yung iba’t ibang klase pa ng mga krimen na ang mga sangkot ay mga sikat at mga taong kinikilala sa ating lipunan at yung talaga namang, sabihin na nating pinagpiyestahan nga ng media.”

EMIL ADMITS GETTING DEATH THREATS

At tulad ng ibang broadcast journalist, nakatanggap na rin si Emil ng mga death threats!

“Ang death threat po, sa totoo lang, with all humility, normal na lamang ho.

“Katulad ho ngayon, ako ang nakatutok sa missing sabungeros story, sa kaso ho ng mga nawawalang sabungero, sa akin na ho yan naka-assign at in-assign ng GMA Network at ng GMA News so… bago ho tayo magsimula, ngayon lang, may binabasa ho akong message, galit na galit ho,” ang natatawang bulalas ni Emil.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Galit na galit sa akin at kulang na lang e, kung ang mensahe niya ay nakamamatay ay matagal na ho siguro akong wala sa inyong harapan ngayon.”

Paano niya naha-handle ang mga ganoong sitwasyon na may pagbabanta sa kanyang buhay?

Natatakot ba siya, nagsasama ba siya ng mga bodyguard?

“With all humility po ano, ilang beses na po tayong inalok ng kumpanya na bigyan ho ako ng security personnel, pero with all humility, tinatanggihan ko po!

“At sa totoo lang hindi naman ho ako dadalhin ng Diyos dito kung hahayaan Niya lang ho akong madisgrasya.

“Iyon ho yung paniniwala ko since then, at hanggang ngayon naman ho buhay pa naman ako,” at muling tumawa si Emil.

EMIL PROUD OF PANDEMIC NEWS COVERAGE EXPERIENCE

At kahit noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, hindi huminto sa pagre-report si Emil at pagtungo sa kung saan-saang lugar na may krimeng dapat niyang ikober.

At sa awa ng Diyos ay hindi siya tinamaan ng nakamamatay na virus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Noong kainitan po ng pandemic period kung tawagin, hindi po ako tinamaan ng sakit na yan hanggang sa matapos ho, kung hindi po ako nagkakamali, yung team ko lamang din ho ang hindi nagkaroon ng absent nung panahon ng pandemya.

“Ibig sabihin, nadiretso po namin yung coverage nung total lockdown, hanggang sa mag-ease yung COVID restrictions, hanggang sa mga sandaling ito.”

WILL EMIL BE MIKE ENRIQUEZ’S heir apparent?

Sa tinatakbo ng karera ni Emil, may mga nagsasabing siya ang maaaring sumunod sa mga yapak ni Mike Enriquez sa larangan ng broadcast journalism.

Pagpapakumbaba niyang lahad, “Hindi po yata, sa aking paniniwala, hindi po yata kayang pantayan hindi rin ho kayang higitan.

“Binigyan po ako ng plataporma ng ating opisina, ng GMA Network para ipakita kung ano naman ho yung aking kakayanan.

“Dito ko ho pagsusumikapan na ibigay ang aking nalalaman, kung paano ho ako makakatulong para sa Diyos at sa bayan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Mapapanood ang Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso tuwing Linggo simula ngayong May 7, 5 pm sa GMA, GTV, at Super Radyo DZBB.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Emil Sumangil, host of GMA-7's public service TV show Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso, proudly shrugs off death threats: “With all humility po ano, ilang beses na po tayong inalok ng kumpanya na bigyan ho ako ng security personnel, pero with all humility, tinatanggihan ko po!"
PHOTO/S: PR
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results