Matagumpay ang spinal surgery ni Pen Medina noong Hulyo 23, 2022, pero maingat pa rin siya sa pagkilus-kilos sa taping ng teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo.
“Maganda na yung paggaling ng sugat ko,” pahayag ng 72-anyos na aktor sa thanksgiving mediacon ng FPJ’s Batang Quiapo noong Mayo 4, Huwebes, sa Luxent Hotel, Timog Ave., Quezon City.
“Ang pinoproblema ko na lang, kasi mula noong naospital ako, paglabas ko parang medyo humina ang aking puso.
“So minsan ang pagod, yung init… pero unti-unti, lumalakas na.”
Ano ang bawal niyang gawin, at dapat iwasan?
“Ang pinaka-iniingatan kasi, may implant na titanium, e. Dalawang ganun kahabang nakaturnilyo doon sa buto,” pagmumuwestra ni Pen.
“Kailangan walang abrupt movement, walang matinding twist, or pagyuko, kundi baka ma-dislocate.”
Paano siya nag-iingat sa taping?
“Sinusubukan ko muna. Halimbawa, may ipapagawa si Coco [Martin]. ‘Tito Pen, kaya mo ba itong ganito?’ Yung nagpapalimos ako, gaganun ako,” pag-akto ni Pen.
“‘Direk, subukan ko. Pag hindi sumakit, kaya ko.’ ‘Oo, kaya, Direk! Huwag lang malayo! Huwag lang mabilis!’”
May 10:00 pm cut-off sa taping si Pen.
“Noong umpisa, nahihiya akong humingi ng cut-off. Pero kaya lang, parang bumabagsak lalo ang katawan ko,” pagtatapat ng beteranong aktor.
“Nanghihina ang pakiramdam ko. ‘Tapos, nag-i-irregular nang konti.”
Di ba mahirap para sa isang septuagenarian na kagaya niya ang nagtatrabaho pa rin? Ang iba, pag senior citizen na, tigil na sa pagkayod.
“Ito’ng gusto namin, e. Di ba, andaming artista, tumanda na. Hangga’t kaya!” bulalas ni Pen.
“Hangga’t kaya, masarap ang ginagawa namin kahit na mahirap.”
May plano ba siyang magretiro sa pag-aartista?
Napailing si Pen, “Wala, wala. Kasi, hindi naman araw-araw ito, ‘no? Lalo na andami naming cast naman, e. Hindi naman ako isasalang nang three times a week.
“Pero thankful ako, kasi bawa’t linggo nagkaka-taping kami. The rest of the week, nakakapagpahinga.
“Nagpe-paint ako. Nagdu-drawing-drawing ako, may studies ako, na hopefully, makapag-exhibit in the future.”
PEN REKINDLES PASSION FOR ART
Nagdu-drawing si Pen mula pa noong college days niya. Hindi na nga niya maapuhap kung saan napunta yung ilan sa early works niya.
“Yung studies ko, may mga sampu na. ‘Tapos, meron akong maliliit na siguro about 50,” pagsisiwalat ni Pen.
“Pero tingin ko, hindi pa yun pang-exhibit. Kasi, hindi unified, e. Kailangan, pag nag-exhibit ka, may tema.”
Anu-ano usually ang mga tema ng kanyang mga obra?
“Mahirap i-explain. Ang mga ginagawa ko ngayon para sa malalaking painting ay sumasalamin sa buhay natin ngayon na karamihan sa mga tao ay hindi alam,” pagmamatwid ni Pen.
“Itong mga ipinapakita namin na sinasabing bakit masasama yung mga karakter, actually, hindi sila masama lang.
“Pero pag nalaman ng mga tao yung totoong masasama, magugulat sila. Yun ang nakapaloob sa mga magiging painting ko.
“Mga studies pa lang, e. So ang ginagawa ko ngayon, pag wala akong taping, nag-i-sketch-sketch lang ako hanggang makabuo ako.”
Naka-post sa Facebook account ni Pen ang ilan sa kanyang mga obra gamit ang lapis.
Yung isang drawing niya, ten years na raw niyang ginagawa. Binubusisi niya.
“Pero hindi ko naman araw-araw ginagawa,” paglilinaw ni Pen.
May nabenta na ba siya sa mga obra niya?
“Meron na mga… sa ngayon, hindi ako nagbebenta. Nagkataon, noong naospital ako, inalam yung mga ginagawa ko pag wala akong taping,” saad ni Pen.
“Kung ano yung pinagkakaabalahan ko. ‘Tapos, kung anong balak ko. Iyun na nga, kagaya ng sinabi ko sa inyo, nagpe-prepare ako para sa mga painting ko.
“Pero merong nakursunadahan… isa sa mga nag-interbyu sa akin, na tatlo kasama itong portrait ng tatay ko. Hindi ko maibenta-benta!
“Tatlo yung gusto niyang kunin… isa lang ang ibinenta ko.”
Tumanggi si Pen kung magkano niya nabenta ang obra, at kung sapat ba iyon para pambayad sa hospital bill niya.
Sa halip, inilarawan niya yung ilang obra niya, “Ayan, pati yung mga gumawa ng katarantaduhan noong nakaraan na nakaapekto sa buong mundo, si Hitler yan.

“Yung mga pinatay niya, mga Jews, mga sundalo, mga civilians. Eto naman, self-portrait. Dito, hanapin mo ako. Ha! Ha! Ha! Ha! Ayun siya, di ba?

“Eto, pamilyar ba sa inyo yan? Iyan ang logo ng Disney. Kasama iyan sa mga sekreto ng mundo na inilalagay ko sa painting. Ayan, ayan… dark siya talaga! I see floating bodies…

“Kaya matagal, mabusisi at saka marami sila, maraming studies. Ayan, o, yung grupo ng mga masasamang tao.
“Na talagang totohanang masama, hindi kagaya ng mga ipinapakita namin sa Batang Quiapo na mga totoong tao, na gumagawa lang ng masama dahil napipilitan.”
Paano niya ika-classify iyong mga artwork niya? Anong istilo?
“Wala akong ganun, e. Kung ano ang lumabas, kung ano ang nararamdaman ko, bahala na,” sagot ni Pen.
May nude sketches din si Pen, na karamihan ay babae. Kaya rin daw niyang mag-drawing ng nude male figure.
“Meron kaming etching sessions, nude. Sa Conspiracy dati, saka sa Ayala. Pero hindi na ako nag-a-attend dun sa Ayala,” sabi ni Pen.
“’Tapos, itong sa Conspiracy sa Visayas, natigil na.”
Meron bang artista na gusto niyang i-paint na nude? Lalaki o babae?
“Kahit ano! Siyempre sa art lang tayo, hindi naman…” napapangiting sambit ni Pen.
“Huwag na muna, kasi hindi ko pa kinausap, e. Mamaya baka tanggihan ako.”
Nasa FPJ’s Batang Quiapo ba?
“Secret! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Speaking of secret, puwede bang malaman kung bakunado na siya?
“Ha? Meron akong vaccinated blood, noong inoperahan ako,” pakli ng beteranong aktor.
Napabalita noon na kontra siya sa pagpapabakuna kontra Covid-19.
“Meron. In effect, may vaccine ako.”
PEN THANKFUL FOR GRATITUDE OF SHOWBIZ FRIENDS
Inamin ni Pen na maraming taga-entertainment industry na tumulong noong maoperahan siya. Naramdaman niya ang malasakit ng mga kasamahan sa showbiz.
“Sobra! Naiyak nga ako noong ininterbyu ako nung bumili ng isa kong artwork,” salaysay ni Pen.
“Maraming tumulong! Si Coco nga ang pinakamalaki ang tulong. ‘Tapos, binigyan niya ako ng trabaho.”
Two years na walang trabaho si Pen dahil na rin sa pandemya at sa health problem niya.
“Nasagad! Nasagad dahil sa pandemya,” pangwakas niyang pahayag.
