Pabiro pero malaman ang binitiwang salita ni Vic Sotto tungkol sa gulo sa Eat Bulaga!.
Hindi nakaiwas si Vic nang sundan siya ng press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), pagkatapos ng mediacon para sa bago niyang sitcom sa GMA-7 na Open 24/7.
Ginanap ang mediacon sa ballroom ng Seda Vertis North sa Quezon City, Lunes ng hapon, May 8, 2023.
Pagkababa pa lang niya ng makeshift stage ay inabangan na siya para usisain kung nabayaran na ng pamilya Jalosjos ang utang na delayed talent fee niya sa Eat Bulaga!.
Suwabeng sagot ni Vic: "Bayad na! Okay na. Buti na lang na-media!"
Cool lang at nakangiti pa si Vic habang sinasabayan siya ng press sa paglalakad palabas ng ballroom.
Nagpaunlak pa siya sa ilang fans na sumabay rin at mabilisang nagpa-picture sa kanya.
Paglabas ng ballroom, huminto si Vic para sagutin ang ilang katanungan ng press.
Dito niya kinumpirmang totoo ang kanyang pahayag na natanggap na niya ang delayed talent fee niya sa Eat Bulaga!.
"Oo, it's not a joke!" diin ni Vic.
Totoo bang more than PHP30M ang delayed talent fee niya?
"Secret!" sabi lang ni Vic.
Hindi na nagdetalye si Vic kung magkano ang ibinayad sa kanya ng mga Jalosjos.
Pero sa naunang presscon niya para sa isang endorsement noong Biyernes, May 5, ibinunyag ni Vic na hindi lang PHP30M ang delayed talent fee niya sa Eat Bulaga!.
Kay Joey daw ang PHP30M delayed talent fee na nabanggit ni Tito Sotto sa mga panayam nito tungkol sa Eat Bulaga! war.
Hindi binanggit ni Vic ang eksaktong amount ng delayed talent fee niya, pero sinasabing umaabot iyon ng PHP43M para lamang sa taong 2022.
Balik sa latest interview kay Vic ngayong araw, tinanong ng PEP.ph kung paano niya kinaya na cool lang siya kahit ilang buwan na palang may kinahaharap na kontrobersiya ang Eat Bulaga!.
Sabi niya, "Alam mo, ang TVJ, sanay sa ganun, e. We started wala kami halos sinusuweldo, e.
"Sabi ko nga nung isang araw, hindi naman pera-pera ang usapan dito. Mas mahalaga yung prinsipyo sa pera."
Ang tinukoy niyang TVJ ay ang sikat na triumvirate na Tito, Vic, and Joey.
ARE ALL GOOD BETWEEN THE DABARKADS AND JALOSJOS FAMILY?
Pero tila nasa proseso pa rin ng pagsasaayos ang Eat Bulaga! management sa mga isyu ng produksiyon nito.
Tinanong kasi ni Gorgy Rula ng PEP Troika kung masasabi ba ni Vic na okay na ang lahat sa pagitan ng Dabarkads at ng pamilya Jalosjos.
Sabi lang ni Vic, "I will comment on that when the right time comes."
Basta solid daw ang Dabarkads.
Sabi niya sa isang punto ng interbyu: "Kahit ano naman mangyari talaga sama-sama kami."
Totoo bang may alok sa Eat Bulaga! na lumipat ng ibang network?
"Bali-balita lang yan," sambit ni Vic.
Pero nang usisain kung mas gusto pa rin ng Eat Bulaga! Dabarkads sa GMA-7 umere, nakangiting iwas niya, "No comment pa rin."
TITO SOTTO'S TELL-ALL INTERVIEW
Ang kapatid ni Vic na si Tito Sotto ang naglantad sa PEP.ph ng hinaing ng Eat Bulaga! Dabarkads sa bagong management ng noontime show.
Si Romy Jalosjos ang co-owner ng TAPE INC., na producer ng Eat Bulaga!.
Ang anak ni Romy na si Jon-Jon Jalosjos ang pumalit kay Tony Tuviera bilang President and CEO ng TAPE Inc. Ang isa pang anak ni Romy na si Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos ang chief finance officer.
Ayon kay Tito, ang TV interview ni Bullet sa Fast Talk With Boy Abunda ang nag-udyok sa kanyang basagin ang pananamihik ng Dabarkads para bigyang-linaw ang aniya'y pagde-deny ng alkalde tungkol sa mga isyu ng show.
Sinabi ni Bullet na hindi totoong may financial problem ang show.
Read: Mayor Bullet Jalosjos, tinawag na "fake news" ang mga ulat tungkol sa rebranding ng Eat Bulaga!
Inilantad ni Tito na ang mga Jalosjos ang nagsabi sa hosts at production people ng Eat Bulaga! na kailangang magbawas ng suweldo ng mga ito.
Sinabi rin ni Tito na isa pa sa mga hinaing ng Dabarkards ay ang pagpapa-retire kay Tuviera bilang lider ng produksiyon.
Sa huli, hindi itinanggi ni Tito na may offer sa Eat Bulaga! na lumipat sa ibang istasyon.
Pero nilinaw niyang sa ngayon ay tuloy lang sa trabaho ang Dabarkads sa Eat Bulaga! sa ilalim ng produksiyon ng TAPE Inc., basta't maging maayos ang pag-uusap sa mga Jalosjos.
Read: EXCLUSIVE: FULL TRANSCRIPT: Tito Sotto reveals untold details about internal issues in 'Eat Bulaga!'
Read: EXCLUSIVE Part 1: Tito Sotto drops bombs on those warring with 'Eat Bulaga!'
