Kinaaliwan ng maraming netizens ang blooper ng Kapamilya singers na sina Angeline Quinto, Jed Madela, at Klarrisse de Guzman sa ASAP Natin 'To nitong Linggo, May 7, 2023.
Magkakasamang sumalang sina Angeline, Jed, at Klarrisse sa "ASAP Singing Champs"—isang segment sa Kapamilya Sunday musical-variety show.
Dito nila inaawit ang mga piyesang madalas nilang kantahin sa mga sinasalihan nila noong singing contest.
Ngunit hindi pa man sila nagsisimulang umawit ay naguluhan na ang mga manonood dahil tila hindi nasabihan ang tatlo kung sino sa kanila ang unang papasok at kakanta.
Matapos ipakilala ng host na si Robi Domingo sina Angeline, Jed, at Klarrisse ay sunud-sunod na pumanhik ang mga ito sa stage.
Naunang pumanhik onstage sina Jed at Klarrise. Akala ng netizens ay magdu-duet sila, ngunit hindi ito nangyari dahil biglang sumulpot sa likuran si Angeline.
Makikita pang dahan-dahang naglalakad si Angeline, na parang napadaan lang.
Nang makarating sa gitna, imbes na huminto ay nagtuluy-tuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating backstage.
Kasunod nito ang pag-exit din ni Klarrisse sa stage dahil magsisimula na ang pagkanta ni Jed.
NETIZENS REACT
Agad nag-trending sa social media ang video ng kanilang performance.
Ayon sa netizens, good vibes ang hatid nito dahil ngayon lamang nila napagtantong kahit ang magagaling na singers ay nagkakamali rin.
Tweet ng isang netizen (published as is), "NAKAKATAWA! Proof na kahit champions nagkakamali whahaha naloka ako kay Angeline Quinto sabi niya ay teh tapos na pala exit na ako. Si Jed Madela naman hindi sumunod sa sabi ni Klarisse na sa Pangarap Mo nalang sila kakanta nakakaloka whahhahaa #ASAPNatinTo."
Saad pa ng isa, "Kahit pala mga singing champions nagkaka-bloopers pa din they're very natural. Tawang-tawa lang talaga ako kay Angeline Quinto na ng dahil sa aborted performance ni Klarisse de Guzman idinaan na lang sa rampa [laughin in tears emoji]!"
Sabi naman ng isa, "Di ko talaga ma-gets kung anong nangyari dito. Natawa ako kay Angge kasi nag-fashion show ang ate mo sa stage. Anyway, ang ganda ng prod niyo kanina. Superb!"
May iba ring bumilib sa pagiging professional ng tatlo, dahil kahit daw nagkamali ay nagpatuloy lang sila na parang walang nangyari.
Komento ng isang netizen, "In fairness, kahit alam nyong nagkamali hindi naman kayo nagkalat. Di kayo nag-panic. At least kahit papaano, patuloy pa rin at ginawan nyo ng paraan...at parang walang nangyari. With that, saludo ako sa inyo. Of course, kaming nanood, nagtaka rin pero ok lang."
ANGELINE, JED, KLARRISSE REACT
Maging sina Angeline, Jed, at Klarrisse ay tawang-tawa rin sa nangyari.
Tweet ni Klarrisse, "Isang karangalan po na ma-kanta ko ang linyang 'Ngarap ko' on ASAP stage. Thank you @ASAPOfficial. Hinatid ko lang talaga si kuya Jed."
Ayon din kay Jed, nangyayari talaga ang mga ganoong insidente lalo na't live itong nangyayari o umeere.
Tweet niya, "Tawang tawa lang talaga ako sa bloopers namin sa ASAP kahapon. Ganun talaga guys. Live eh. And nobody’s perfect. Hahahaha Ay meron pala perfect… yung mga nambash. Hahahaha galing nyo eh [laughing in tears emoji]."
Ibinahagi rin ni Angeline sa Instagram nitong May 8, 2023, ang nakakatawang video ng kanilang entrace sa ASAP Natin 'To stage, kalakip ang kuwela niyang caption.
Aniya, "Ganyan talaga pag Live anu po? Yung tawa ko mag isa sa back stage di ko na alam saan ako pupunta.
"Patuloy ang Pag Lakad este PANGARAP pala."
Samantala, sa comments section ng kanyang post ay ipinaliwanag din niya kung ano talaga ang nangyari.
Tanong sa kanya ng isa niyang fan, "Hahaha....GEGE [Angge] lahat kami palaisipan din kung ano ba tlga nangyari kahapon."
Sagot sa kanya ng singer, "Sorry [peace sign emoji] hindi kasi kami nasabihan agad na kami na ang susunod na prod. Pag akyat ko ng stage narinig ko intro na ng kanta ni Kuya Jed, ayun umexit ako ulit."
