Maraming seniors stars ang natatanong kung may mga karanasan silang naisnab o di nabigyan ng tamang respeto ng mga baguhang artista.
Para sa award-winning actress na si Lorna Tolentino, hindi ito big deal.
"Ako kasi, pina-pass ko na lang yun kasi nga bago pa lang, hindi pa nila alam. Sa akin, kung ayaw niya, huwag, live and let live.
"Parang binibigyan mo ng leeway kasi nga bago pa lang."
Sabay pag-amin ni Lorna, "Saka binibigyan ko ng leeway ang mga nagmamaldita kasi maldita din ako nung araw.
"Ang dami kong kamalditahan noon. Si Daboy lang ang nagturo na, 'O, hindi dapat yan.' Kaya nag-mellow ako.
"Parang dumarating talaga yung phase na yun, hindi mo maiiwasan."
Ang tinutukoy ni Lorna na "Daboy" ay ang yumao niyang mister na si Rudy Fernandez.
Sa puntong ito, binanggit ni Lorna ang FPJ's Batang Quiapo lead star at co-director na si Coco Martin.
"Yun nga ang lagi kong ina-advise kay Coco, huwag siyang magbabago kasi nag-start siya talaga na di siya maldito."
Nakapanayam ng PEP.ph si Lorna sa presscon ng Kapamilya prime-time series na FPJ's Batang Quiapo noong May 4, 2023.
NO PROBLEM WITH KISSING SCENES
Pagdating sa kanyang showbiz career, natanong si Lorna kung payag siyang gumawa ng pelikula na may temang May-December affair.
"Okay lang, depende na lang kasi lumang ano na yan, e, yang May-December. Depende sa pagkakasulat," sabi ng 61-year-old actress.
Sinong aktor ang gusto niyang makapareha?
"Si Papa P [Piolo Pascual], hindi ko pa siya nakatrabaho. Para kasi na puwede akong makahabol sa edad niya kaya ko lang siya nabanggit.
"Saka isa siya sa pinupuri ni Daboy noong araw, kasi isa si Papa P na pag nakikita si Daboy, bumabati sa kanya.
"Coco sana sasabihin ko, pero dahil anak-anak na, baka hindi na maniwala.
"Kung 20s, parang hindi naman yata possible sa ngayon, parang mas kinakagat nila yung kaunting difference lang."
Wala raw isyu kay Lorna ang gumawa ng intimate scenes.
"Kissing scene? Okay naman, kasi paano mo ipapakita yung katotohanan na nagmahalan kayo kung nandadaya pa tayo, di ba?"
Bilang beteranang aktres, kahit ang pisikalan sa eksena ay game si Lorna.
"Nasaktan? Marami naman, ako din naman nasasampal. 'Sorry, sorry' after. Ganun talaga, trabaho yun," sabi niya.
ON WORKING WITH COCO MARTIN
Gumaganap si Lorna bilang si Amanda Salonga sa FPJ's Batang Quiapo ng ABS-CBN.
Aprubado sa kanya ang impromptu style ni Coco bilang direktor ng serye kung saan wala raw itong sinusunod na script.
"Okay siya kasi parang nagiging 100 percent yung element mo, yung emotions, physically, mentally, emotionally. Lahat yun nagiging 100 percent.
"Mas naa-appreciate ko yung bigla mayroon siyang idea na biglang magugulat na lang ako, na parang, 'Ang galing naman niya, naiisip niya yun.'
"Dun ako humahanga sa kanya. Si Coco kasi artista mismo kaya alam niya kung paano imo-mold uli yung panibagong character mo."
Patuloy ni Lorna, "Sino ba nagpabago ng buhok ko? Hindi na tinatanggap yung buhok ko kundi kulay black ever. Sabi niya, 'My, subukan mong magpakulay ng buhok.' Sabi ko, 'Try ko ha kasi baka masira.' 'My, kailangan ganito, kailangan ganyan.'
"Siya nag-i-inspire sa iyo na mag-isip kung paano mo itsi-change yung look mo.
"Dati kasi, parang kung ano ang length ng buhok mo, puwede mong pabago nang kaunti, puwedeng ipa-blower, puwedeng may ibang style. Puwedeng may extensions, di ba?
"Pero yung tatatak sa iyo, itong haircut na ito. Marami din naman na tumatak sa akin na haircut dati."
LONGEVITY IN SHOWBIZ
Marami sa mga artista ang nag-retire na sa paggawa na mga teleserye dahil napapagod ang mga ito sa haba ng oras na kinakain sa set.
Iba ang pananaw ni Lorna.
"That's one thing, pero kung iba puwede naman, nagtatrabaho naman ako sa labas. It's just that si Coco nga ibinibigay niya yung fire," paliwanag ng aktres.
"Yung fire na yun na hinahanap ng lahat ng artista na mabuhay uli sa puso nila.
"Yung fire na yun, yun ang magpapasigla sa iyo. Yun ang magbibigay ng energy sa iyo, yun ang magbibigay ng inspiration sa iyo."
Nabanggit pa ni Lorna ang ilang senior stars na hanggang sa pagtanda ay naging aktibo sa pag-aartista.
"Bata pa lang kasi ako nag-aartista na ako. Siguro para akong Eddie Garcia, Gloria Romero.
"Kung darating yung panahon na di na talaga puwede, di hindi na puwede.
"Pero hanggang puwede, gusto mo yun, di ba?" saad niya.
MORE HOT STORIES ON PEP.PH
- Batang '70s at '80s, nag-nostalgia nang muling marinig ang "Voltes V" theme song
- OFW with excess baggage sinabihang i-transfer ang fee sa bank account ng check-in agent sa NAIA
- Anne Jakrajutatip, inaming nag-apologize kay Catriona Gray
- Vic Sotto asked if he was paid more than P30M for his delayed TF in 'Eat Bulaga!'
