Kinasuhan ng estafa ang aktres na si Sunshine Dizon at ang business associate niya na kinilalang si Jonathan Rubic Dy.
PHP66,000 kada isa ang bail na ipinataw sa kanila.
May dalawa pang hiwalay na kasong isinampa kay Dy para sa dalawang bounced checks na inisyu niya. PHP240,000 ang ipinataw na bail para sa mga ito.
Base ito sa kopya ng resolusyon ng Provincial Prosecution Service sa Daet, Camarines Norte.
May petsang March 23, 2023, ang desisyon ng piskalya ay pirmado nina Associate Provincial Prosecutor Indira Napicol-Martirez at inaprubahan ni Provincial Prosecutor Evillo Pormento.
Inireklamo sina Dy at Sunshine ng magkaibigang Rogelio Fonacier at Benedicto Padua na nag-invest umano ng tig-PHP5M sa online sabong business na in-offer nina Dy at Sunshine.
Sa salaysay ng complainants, ang kakilala ng misis ni Fonacier na si John Balon ang naging daan para makilala nila sina Dy at Sunshine.
Personal na dumayo sina Dy at Sunshine sa bahay ni Fonacier sa Camarines Norte noong February 17, 2022.
Ipinakilala raw ni Balon si Dy bilang natatanging "franchisee" ng Online Sabong Express sa buong probinsiya ng Camarines Norte.
Sinabi naman daw ni Sunshine na pagkatapos ng 2022 elections ay itatalaga raw ito bilang tourism ambassadress sa lugar ni noo'y Governor Edgardo Tallado.
Ang offer nina Dy at Sunshine sa complainants ay maaaring maging "sole capitalist" ang mga ito ng lahat ng betting stations para sa Online Sabong Express sa kanilang probinsiya.
Kailangan lang daw nilang gumawa ng iba-ibang G-cash accounts para sa betting stations sakop ang Camarines Norte.
Sa oras na maibigay nina Fonacier at Padua ang PHP10M investment, sinabi raw ni Dy na bibigyan ang dalawa ng "Mother Account" kunsaan magkakaroon sila ng access sa GCash accounts ng betting stations.
Doon daw mamo-monitor ang lahat ng "financial transactions, day to day operation, cash-in/cash-out activities" para sa online sabong.
Sa Mother Account din daw na iyon maaaring makuha nina Fonacier at Padua ang "two percent profit per month."
Tanging silang dalawa lang ang may access sa Mother Account na iyon, sabi pa raw nina Dy at Sunshine.
- G-Force's Teacher Georcelle breaks silence on alleged rift with Sarah Geronimo
- FULL TRANSCRIPT: Winning answer of Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee
- Moira dela Torre shows proof she's not Jason Hernandez's mystery girl
- Katya Santos on her broken marriage: "Akala ko fairytale. Naku, it's a nightmare!"
THE FAILED INVESTMENT DEAL
Noong February 24, 2022, personal na inabot daw nina Fonacier at Padua ang PHP10M investment nila kina Dy at Sunshine.
Pero hindi raw tumupad sa usapan sina Dy at Sunshine.
Sabi sa bahagi ng resolusyon ng piskalya (published as is):
"JONATHAN failed to turn-over the Mother Account and neither were they given any access to the said Mother Account.
"Contrary to the representations of JONATHAN that the respondents will have sole access to the Mother Account, it was JONATHAN who has sole control of the accounts.
"No fund transfer was ever made to the Gcash account that they have created and as a result private complainants were not able to commence operations of the online betting stations.
"Moreover, no profits were ever remitted to them."
ALLEGED bounced checks
Dumating sa puntong hiniling nina Fonacier at Padua na bawiin ang kanilang PHP10M investment.
Kasabay raw iyon nang ideklara ng gobyerno na illegal ang online sabong.
Noong May 28, 2022, pinuntahan ni Fonacier si Dy para hingin ang pera, pero hindi raw ito maibigay ni Dy.
Kalaunan, dalawang beses umanong nag-isyu si Dy ng tseke na may halagang PHP1.5M at PHP2M, pero pareho raw tumalbog ang mga ito.
Sinubukan pa raw kontakin ng misis ni Fonacier si Sunshine hinggil sa isyu.
Noong January 2, 2023, nag-reply umano si Sunshine para pabulaanan ang mga akusasyon laban dito.
Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hingan ng pahayag si Sunshine ukol dito.
Agad naming ilalathala anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito
