Matunog ang bali-balita na sa pagkawala sa ere ng noontime show na LOL sa TV5, mapapanood daw ito uli sa Net 25.
Tumakbo ang naturang show ng dalawang taon at anim na buwan at nung nakaraang April 29 ito huling umere.
Sa ekslusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Laboching sa Luxent Hotel kamakailan, agad namin siyang tinanong tungkol sa balita.
“Wala akong idea kasi nag-absent ako nun. Kung matuloy siya, open ako. Oo naman, na-miss ko ang mga katrabaho namin.
“Gusto naming magtrabaho uli na magkakasama. Kung magkakatrabaho kami, sana kami uli,” lahad ng TV host na Francoise Denyse Fainsan ang tunay na pangalan.
Aminado si Laboching na sinadya talaga niyang umabsent sa last episode ng LOL para maiwasan na rin niyang masaktan sa pagkawala ng show. Napanood din ni Laboching nung umiyak si Billy nung magbigay ito ng mensahe at magpaalam na sa kanilang mga manonood.
“Hindi ko siya masyadong naramdaman kasi absent ako. Di ko rin kayang pumasok nun kasi masakit sa heart, kaya di pa nagsi-sink sa akin na wala na. Feel ko absent lang ako. Yan ang pakiramdam ko sa ngayon.”
Pagkukuwento ng TV host, biglaan ang pangyayari kaya di pa masyadong pumapasok sa isip niya ang lahat.
Aniya, “Biglaan e, so ngayon parang di pa siya nagsi-sink in. Parang break lang. Siguro pag tumagal ng isang buwan, dun pa lang mapi-feel na wala na pala talaga.
Nang kumustahin naman namin kung nakakausap pa niya nag mga dating LOL co-hosts, pag-amin niya, “Palagi naman, heto yung mga staff din, nakakasama ko. Nami-miss ko yung pang araw-araw na bonding namin. Ibang klase rin kasi yung bonding namin na kahit sinong nagge-guest dun nag-e-enjoy kasi parang naglalaro lang kami”
LABOCHING DEFENDS ALEX GONZAGA
Nung mawawala na ang LOL sa ere, may lumabas na balita na nireklamo at sinisisi diumano ni Alex Gonzaga ang staff at creative ng programa sa pagkawala ng LOL.
Dinepensahan naman agad ni Laboching na walang katotohanan ang balitang ito.
Kuwento niya, “Lahat kami nag-comment sa bash na yun, walang katotohanan talaga. Kami ang nagde-defend sa kanya kasi kami ang nasasaktan para sa kanya.
“Kami ang magkakasama kaya alam namin ang totoo. Sa totoo lang, nakakagalit na talaga, sobra na, di na makatotohanan yung sinasabi nila.
“Gusto ko lang sabihin na bago kayo mag-judge, siguraduhin niyo muna na kilala nyo talaga yung tao. Yung mga tao nga na nakakakilala sa kanya, di nagsasabi ng ganun.
“Yung sa mga di naman namba-bash pero nagbabasa lang, wag sila masyadong makinig sa mga bashers, wag silang maniwala kasi mga bashers lang talaga ang mga yun. Kaya sila bashers kasi di totoo ang mga sinasabi nila.
“Kilalanin niyo muna yung tao, kasi si Alex sobrang mabait na tao yun. Lagi nilang sinasabi may attitude sa set. Wala.
“Si Alex ang laging nanlilibre sa LOL, nalulugi ang Happy Cup minsan kasi pinapupunta niya dun, Chowking. Sobrang generous talaga saka pag Christmas party, bonggang-bongga talaga yan.”
LABOCHING CLARIFIES flirty banter WITH BAYANI AGBAYANI ON LOL
Noong umeere pa ang LOL, madalas lokohin ni Laboching ang co-host niyang si Bayani Agbayani. Nakaranas man ng pamba-bash, siniguro naman ni Laboching na purely work lang ang lahat at di siya pinagselosan ng asawa ni Bayani na si Len.
Paliwanag niya, “Magkaibigan kami, di lang namin pinu-post pero lagi kaming nagkakasama. Sa mga kain, kumakain kami sa labas. Sabi ko nga kay Kuya Yani, “Kuya Yani, post tayo ng picture kasama si Ate Len para di naman ako ma-bash.
“Pamba-bash? Nung una, ‘nilalandi mo pa may-asawa na yan.’ Siyempre di ka naman puwedeng sumagot na ‘di ko naman po aasawahin yan.’”
“Work lang talaga, hindi namin pinag-usapan, biglaan na lang. Dapat nga nung una, ang role ko sa LOL parang dicer, parang ganun. Wala talaga sa script na kukulutin si Kuya Yani. Eventually pumatok na lang, naging kaswal lang sa amin, okay pala.”
