Si Edgar Allan Guzman ay itinanghal na Mr. Pogi 2006 ng Eat Bulaga. Ang biggest discovery ng Mr. Pogi ay nananatiling si Jericho Rosales, at umaasa si Edgar na maabot din niya ang na-achieve ni Echo.
"Natapos na ang contract ko sa TAPE [Television and Production Exponents, Inc.] nitong April 9, kaya tumatanggap na ako ng offers on my own na hindi na daraan sa kanila," pagbabalita ni Edgar Allan.
"Masaya naman ako sa naging exposures ko sa Eat Bulaga, at yung mga naitulong sa akin ng TAPE at ng mismong show. Utang na loob ko sa kanila itong pagsisimula ng career ko, hanggang sa pagpapatuloy nito," nakangiting lahad ng young actor.
Edgar Allan is being managed by Noel Ferrer, na nagha-handle din sa career nina Ryan Agoncillo at Coco Martin. May maganda raw siyang exposure sa Ikaw Pa Rin (Bongga Ka, Boy!) ng Viva Films.
"I play the role of Totoy, anak nina Debraliz at Caloy 'Ogag' Alde. Isa ako sa mga natulungan ni Robin [Padilla] sa takbo ng istorya, na halos malunod sa imburnal. Sa bandang huli, nang si Robin na ang nangailangan ng tulong, marami na kaming tumulong sa kanya," kuwento ng binata.
Pero mukhang hindi magtatagal sa pagpapa-wholesome si Edgar Allan dahil tinanggap niya ang isang offer to do an indie film na kinakailangan niyang maghubad.
"Naka-cast ako sa Avenida, a digital film project, at makakasama ko sina Mike Tan at Dion Ignacio. Magkakasama kami sa grupo ng Studs, also with Felix Roco, Coco Martin, and JC Cuadrado."
Ibig bang sabihin, palaban na sa hubaran si Edgar Allan?
"Kung kinakailangan sa pelikula, bakit hindi? Sabi kasi, doon sa Avenida, iba't ibang klaseng lalaki ang ipapakita. May ordinary workers, may call boys, call center reps, at mga binatang ama.
"Iba-iba yung roles kaya may istorya talaga ito. Pinaghahandaan ko naman ito. Kailangan talagang malakas ang loob ko sa papasukan kong ito," banggit ng young actor.
Disiotso anyos na si Edgar Allan kaya wala namang problema kung mag-decide siya na mapalinya sa adult or mature roles.
"At saka paraan ko yun para maging serious actor din," sabi niya. "Nagpapalaki ako ng katawan sa gym. Gusto ko, kung lalabas ako sa pelikula at sexy ang dating, talagang sexy. Okey lang, kaya dapat na handa ako.
"Mayroon nga akong isang role na kailangang na nagsuot-babae talaga ako, na parang gay impersonator. Ginawa ko yun kasi it's just a role, which can show a different me. Parang nagpapanggap lang kasi akong bading. Wala akong arte pagdating sa ganoong mga bagay. Basta ba sa tingin ko, in good taste pa rin," pahayag ni Edgar Allan.
Walang takot na tumatapat ang grupo nina Edgar Allan na Studs sa Coverboys na mas identified sa ABS-CBN.
"Aware kami doon," saad ng binata. "Pero as much as possible, ayaw naming makipag-compete. May sarili kaming style na puwedeng magustuhan ng mga tao. Sila naman ang makakaalam nun."