Naglabas ng resibo si Tito Sotto na patunay na magkasangga ang TVJ at Tony Tuviera sa laban para sa Eat Bulaga! trademark.
Ang TVJ ang tawag sa pamosong showbiz triumvirate ng magkapatid na Tito at Vic Sotto at ang mahigpit na kaibigang si Joey de Leon. Si Tony—aka Mr. T—ay ang kanilang kinilalang prodyuser at kaibigan sa nakaraaang 44 taon.
Ang kaso rito, si Mr. T ay nasa kampo rin ng Jalosjos Family bilang 25 percent shareholder ng TAPE Inc., ang kumpanyang pagmamay-ari nang 75 percent ng mga Jalosjos.
Ang TAPE Inc. din ang producer ng Eat Bulaga!, at siyang may kontrata sa GMA7 bilang blocktimer hanggang 2024.
Ang pinakakusot dito ay may giyerang malaki ngayon sa pagitan ng TVJ at ng Jalosjos Family para sa pangalang "Eat Bulaga!"
Sa tingin ng Jalosjos Family, kanila ang trademark na "Eat Bulaga!" dahil TAPE Inc. ang producer ng noontime show nang 42 taon, o mula pa noong 1981.
Nanindigan naman si Tito, na humaharap sa media para sa TVJ, na ang TVJ ang nagmamay-ari ng trademark na "Eat Bulaga!" dahil binuo ng TVJ ang pangalang "Eat Bulaga!" noon pang 1979, sa panahong wala pa ang TAPE Incorporated.
Nitong May 31, 2023 ay namaalam na ang TVJ sa Eat Bulaga! audience.
Papalitan sila ng TAPE ng GMA7 Sparkle artists, na inaabangan kung mag-a-appear live ngayon, Sabado, June 3, 2023, matapos ng ilang araw ng replay.
Ayon sa ipinadalang mensahe sa PEP.ph ni Atty. Annette Gozon-Valdes—GMA Senior Vice-President at GMA Films President—hindi involved ang network sa management ng TAPE.
Ang GMA7 daw ay third-party supplier lamang ng talents para sa programa.
Tiyak namang lilipat ang TVJ sa ibang network na hindi pa nito dini-disclose, bagamat matimbang ang usap-usapang sa TV5 ni Manny V. Pangilinan sila makikitang muli.
Tiyak ding kasa-kasama nilang lilipat ang Dabarkads, ang tawag sa Eat Bulaga! cast, na nagsipag-resign sa TAPE Inc. noong May 31, 2023, ang araw din ng pamamaalam ng TVJ.
Kasama sa mga nag-resign sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Allan K, Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon, at Maine Mendoza, ang malalaking hosts ng programa.
Ang isyu ngayon ay gusto ng TVJ dalhin ang "Eat Bulaga!" trademark sa susunod nilang paglabas sa TV.
Ang legal na usapin ng trademark ay unang inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, June 2, 2023.
READ: Tito Sotto claims TVJ owns Eat Bulaga! trademark
three-page application DATED 2/27/2023
Nabasa ni Tito Sotto—na tinatawag ding Tito Sen dahil dalawampu't-apat na taon itong senador, kunsaan apat doon ay Senate President ito—ang PEP.ph report sa Eat Bulaga! trademark.
Bilang karagdagang impormasyon, nagbigay ito kay Jo-Ann Maglipon, editor-in-chief ng PEP.ph., ng mismong kopya ng kanilang trademark application.
Isang three-page document, ito ay nagsisilbi ring resibo ng kanilang application na binayaran ng PHP6060.
Dito makikitang nakahanay ang mga pangalan nila bilang iisang grupo ng applicants: Jose Maria de Leon, Marvic Sotto, Antonio Tuviera, at Vicente Sotto III.

ATTY. PERALTA EXPLAINS TVJ/TUVIERA TRADEMARK APPLICATION
Muling kumonsulta ang PEP.ph kay Atty. Anthony Peralta—head ng Calleja Law firm's Corporate Law and Intellectual Property Departments—para ipaliwanag ang application ng TVJ at ni Tuviera.
Kinumpirma ni Atty. Peralta na "TVJ and Antonio Tuviera are filing as a group."
Isinumite ng grupo ang application para sa Eat Bulaga! trademark (TM) sa Intellectual Property Office of The Philippines (IPO).
Kung titingnan ang dokumento, ang reference number ng Trademark Application ay "42023504440" na may petsang "February 27, 2023."
Sinabi ni Peralta, na senior partner sa Calleja Law, na makikita sa dokumento na "Classes 16, 18, 21, 25 and 41" ang classification na inapplayan ng grupo para sa Eat Bulaga! trademark.
Ang Class 16, 18, 21, 26 ay may kinalaman sa trademark para sa paper, leather, household utensils, at clothing/footwear/headgear respectively.
Sakop nito ang anumang merchandise na makikita ang pangalan o marka na Eat Bulaga!
Ang Class 41 naman ay may kinalaman sa trademark para sa entertainment services, tulad ng live shows at ng production of radio and television programs.
[NOTE: Sa June 2, 2023 report ng PEP.ph, ang nakasaad lamang sa online data ng World Intellectual Property Organization (WIPO) ay si Jose Ma. de Leon ang nag-file para sa trademark Class 41; at hiwalay na nag-file si Antonio Tuviera para rin sa trademark Class 41, ngunit isinama nito ang Class 16, 18, 21, at 26.
Sa trademark application papers na ibinigay ni Tito Sotto sa PEP.ph, makikitang sama-sama sina TVJ at Tuviera na nag-file ng application para sa Class 16, 18, 21, 26, at 41 para sa Eat Bulaga! trademark o TM.]
STATUS OF TVJ/TUVIERA eat bulaga! TRADEMARK APPLICATION
Pending pa ang status ng application ng grupo.
Paliwanag ni Atty. Peralta: "This is just the TM application. It has not yet been assigned to an Examiner for formality examination.
"After a substantive examination is done, the Examiner will come out with a Registrability Report and state whether the mark is registrable or not."
Ano ang pag-asang maibigay sa TVJ ang pagmamay-ari ng trademark Class 41 o entertainment services?
"TVJ & T’s trademark application has a chance of being granted under Class 41," sagot ni Atty. Peralta, "since this class was not included in TAPE’s trademark registration."
Sa report ng PEP.ph kahapon tungkol sa trademark ng Eat Bulaga!, nasabi na ng intellectual property expert na mahalaga ang filing date sa pag-determine kung kanino ibibigay ng Intellectual Property Office ang ownership ng trademark.
Ang nauna raw mag-file ng application ang karaniwang mapapaboran ng IPO.
tape inc. can renew eat bulaga! trademark for merchandise
Hanggang June 14, 2023 na lamang ang existing registration ng TAPE Inc. para sa trademark Classes 16, 18, 21, at 25.
Wala pang nakikita ang PEP. ph na record sa World Intellectual Property Organization (WIPO) ng renewal ng registration ng TAPE Inc. sa trademark Classes 16, 18, 21, at 25.
Wala pa ring nakikita ang PEP.ph na record sa WIPO ng submission ng new application ng TAPE Inc. sa trademark Class 41.
May paliwanag naman si Atty. Peralta ukol dito.
"The term of a trademark registration is 10 years and can be renewed by filing an application for renewal of trademark registration.
"This is as long as the mark is being used in commerce and the applicant for renewal can show proof of actual use.
"There is no limit as to the number of times a renewal application can be filed as long as actual use can be proven by evidence of use."
Dagdag pa ng abogado, na professor din sa De La Salle University College of Law: "Therefore, TAPE can apply for renewal of its trademark registration for EB before its term expires on 14 June 2023.
"With the present controversy, I am sure that TAPE’s lawyer will apply for renewal of trademark registration prior to 14 June 2023."
Sa kaso naman ng trademark Class 41, kung nag-apply man ang TAPE para rito, magkakatalo raw sa kung sino sa TAPE at TVJ ang nauna sa pagsumite ng application sa IPO.
BATTLE FOR eat bulaga! TRADEMARK OWNERSHIP goes on
Malinaw ang umpugan sa pagitan ng grupo ng TVJ at Mr. T versus TAPE Inc. sa usaping Eat Bulaga! trademark.
Hindi nga lang malinaw ang epekto nito sa relasyon nina Mr. T at ng Jalosjos Family, na hanggang ngayon ay magkasosyo sa TAPE Incorporated.
Ang TAPE ay pinamamahalaan ni Romeo "Romy" Jalosjos, na tinawag na "active chairman" ng anak na si Bullet, sa April 2023 interview ng huli sa Fast Talk ni Boy Abunda.
Sa interbyu ding iyon, ipinakilala si Bullet bilang TAPE Chief Finance Officer (CFO).
Si Jon-Jon naman ay ipinakilala ni Bullet bilang TAPE President. Ito ang dating posisyon ni Antonio Tuviera.
Ang isang pang anak ni Romy, si Soraya, ay may LinkedIn profile na nagpapakilala sa kanya bilang TAPE Vice-President for Administration.
Sa giyera para sa Eat Bulaga! trademark: Ang application ng TVJ at Mr. T group para sa Eat Bulaga! TM Classes 16, 18, 21, 26 (MERCHANDISE) ay parehong-pareho sa TM Classes na kasalukuyang nakarehistro sa WIPO sa pangalan ng TAPE.
Komento rito ni Atty. Peralta: "I am sure the Examiner will cite the previous registrations of EB granted to TAPE as a bar to the registration of TVJ & T’s trademark application."
Ibang usapin pa ang trademark application para sa Class 41 (ENTERTAINMENT SERVICES).
Dito, ang grupo ng TVJ at Mr. T. ang may application sa WIPO.
At ito ay hindi nakarehistro kaninuman, kahit pa sa TAPE.
Sino na ang mananaig sa usaping Eat Bulaga! trademark?
Tila mapapasa-kamay na ng mga abugado ang mga susunod na hakbang ng bawat kampo. Kinuha ng TVJ ang DIVINALAW. Ano naman kayang law firm ang kinuha ng Jalosjos Family?
MORE RELATED STORIES ON #EATBULAGAWAR
- EXCLUSIVE Part 1: Tito Sotto drops bombs on those warring with 'Eat Bulaga!'
- EXCLUSIVE Part 2: Tito Sotto on Jalosjos family meddling in 'Eat Bulaga!' production: "Di nga namin sila nakita ng 43 years!"
- Tito Sotto on the day TVJ left TAPE: "Parang sila ang may-ari sa amin. Nakakapikon na."
- (UPDATED) Tito Sotto reveals "exodus" of Eat Bulaga! hosts, production staff from TAPE
- Tito Sotto says transfer to TV5 not a done deal; other options on the table
- TAPE Inc. issues statement on Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon's departure
- Joey de Leon draws flak for “Francise M” joke
- TAPE Inc. issues statement on Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon's departure
- Joey de Leon: “We’re not signing off… We’re just taking a day off!”
- FULL TRANSCRIPT: Tito Sotto reveals untold details about internal issues in 'Eat Bulaga!'
