Inilunsad ang coffee-table book ng pelikulang Ploning noong Linggo ng gabi, May 4, sa Ayala Museum. Nagkaroon pa ng special screening ang Ploning para sa mga celebrity friends ni Judy Ann Santos ‘tulad nila Tessie Tomas, Mylene Dizon, Rufa Mae Quinto, Agot Isidro, Fanny Serrano, Beth Tamayo, at marami pang iba.
Ipinagmamalaki ni Juday ang libro ng Ploning dahil ang kanyang boyfriend na si Ryan Agoncillo ang naging official photographer ng pelikula. Kuha ang buong coffee-table book in black and white at na-capture nga ni Ryan ang maganda at tahimik na atmosphere ng pelikula.
"Matagal nang into photography si Ryan at siya mismo ang nag-volunteer na kukuha ng mga magagandang photos sa set ng Ploning," ani Juday sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
"Ako nga, nagulat sa mga kuha niya. Hindi ako makapaniwala na ang simpleng eksena namin ay napapaganda dahil sa kuha niya. I was amazed talaga. Mas lalo kong na-appreciate ang pelikulang pinaghirapan naming gawin."
SUPPORT ALL THE WAY. Kung sakali raw na gusto pang i-pursue ni Ryan ang photography, todo-suporta raw si Juday sa kanyang boyfriend. Naniniwala kasi siya sa magandang taste for details ni Ryan.
"Nakita n'yo naman ang mga kuha niya. Pang-expert na, ‘di ba? What more kung mas bibigyan pa niya ng magandang atensyon ang hilig niyang ito? If ever he wants to further his work sa photography, nandito ako to support him all the way. Kung kailangan niyang mag-one man-show ng mga kuha niya, nandito ako para tulungan siya."
Sa nalalapit na 30th birthday ni Juday, nakaplano na raw ang kanilang bakasyon ng isang buwan sa ibang bansa. Regalo naman daw niya iyon sa kanyang sarili for working hard.
Kung tutuusin, can afford na magbakasyon muna si Juday nang matagal dahil sunud-sunod ang kanyang mga product endorsements at naitawid niya nang maayos ang promotion ng Ploning sa tulong ng GMA-7. Kakapirma rin niya ng bagong kontrata with Regal Entertainment.
"Yung bakasyon kong ito ay para lang naman sa sarili ko. Since the start of the year naman, trabaho na ako nang trabaho. Walang tigil. Kaya time-out muna ako para mag-enjoy. Gusto ko namang i-enjoy ang mga pinagtrabahuan ko. At siyempre, hindi ako mag-isa lang sa bakasyon na ito. Kasama ko si Ryan para mas masaya ang bakasyon ko, ‘di ba?"
Sa May 7 ang nationwide showing ng Ploning. Pero nagpapasalamat si Juday dahil sa limited showing ng pelikula sa ilang theaters ay maganda ang resulta sa box-office, dahil na rin sa pagbibigay ng A-rating ng Cinema Evaluation Board.
