After ng mga Pinay supermodels tulad nila Anna Bayle at Melanie Marquez na sumikat sa mga fashion runways sa U.S. noong ‘80s, sumisikat ngayon sa New York ang isang Pinay at paborito siyang kunin ngayon ng maraming sikat na designers para sa kanilang mga high-profile ad campaigns.
Ito ay ang 20-year old na si Charo Ronquillo, ang tinatawag ngayon na next Filipina supermodel. Naka-base ito ngayon sa New York at lumabas na ang kanyang mga fashion spread sa Vogue, Glamour, at ilang top fashion ang beauty magazines.
Dahil nga sa exotic beauty ni Charo, nakapag-model na siya sa runway nina Nanette Lepore, Lacoste, Zaldy for L.A.M.B. by Gwen Stefani, Tory Burch, Norma Kamali, Sisley, United Colors of Benetton, Armani Exchange, and Kenneth Cole.
Si Charo ang first Asian model na nakapasok sa top three sa Ford Models' Supermodel of the World competition. Kinuha na nga si Charo ng mga top retailers, tulad ng Saks Fifth Avenue, Bloomingdale's, Ann Taylor, BCBG by Max Azria, Catherine Malandrino, and J Crew.
Kailan lang ay na-feature siya sa New York Fashion Week na suot ang mga gawa ng Prada, YSL, Marc Jacobs, Richard Chai, Jil Sanders, Philip Lim, Valentino, Badgely Mishka, Issey Miyake, Diane Von Furstenberg, and Vera Wang. Isa rin siya sa featured models ng top photographer Bruce Weber for Ralph Lauren's American Living.
Tubong Cabuyao, Laguna, si Charo Ronquillo at pinalaki siya at ang kanyang mga kapatid ng kanilang lola habang nagtatrabaho bilang OCW ang kanyang ina. Noon pa raw pinangarap ni Charo na maging isang modelo kaya ang pagsali sa mga maliliit na fashion shows ang kanyang piniling trabaho.
Sinubukan lang niya ang kanyang suwerte noong sumali siya sa Ford Models' Supermodel of the World Philippines na produced ng Runway Productions. Sinuwerte naman siya at ipinadala siya sa U.S. Umani siya roon ng tagumpay bilang next Pinay supermodel.
