Patok sa ibang bansa tulad ng U.S. ang content creators na nag-i-interview ng random people sa kalsada.
Pero paano kung ang na-interview mo ay isang A-list celebrity na wala kang kamalay-malay?
Mukhang ito ang nangyari sa isang TikToker na tila walang kaalam-alam na ang kanyang na-interview ay si Anne Curtis.
Tinanong pa ng TikToker si Anne kung magkano ang kanyang kinikita sa kanyang trabaho.
Bumulusok ang views ng TikTok video na ito na meron nang higit 14 million views makalipas lamang ang isang araw. Ipinost sa TikTok ang video nitong June 6, 2023.
Bumaha rin ang comments sa naturang video na karamihan ay hindi makapaniwala dahil wala raw ideya ang TikToker kung sino ang kausap nito.
Nangyari ang ambush interview sa kalsada sa New York, USA. Tumagal lamang ang video ng 24 seconds.
Naka-all black suit si Anne na may dalang paper bag.
“What’s your name and where are you from?” unang tanong ng TikToker na si Shan Rizwan.
“Anne, the Philippines,” tugon ng It’s Showtime host.

“So, first question is do you like your job?” sabi ng content creator.
“Yes, I love my job,” sagot ni Anne.
Sundot ni Shan, kung dream job ba ito ni Anne.
“It is my dream job,” sagot ng aktres.
Pangalawang tanong ng influencer: “What is your income?”
“Uhh, it’s pretty personal,” nakangiting sagot ni Anne.

Pangatlong tanong ay kung ano ang kursong kinuha ni Anne sa kolehiyo.
Sagot ni Anne, “I actually did one sem of early education.”
Ang trabaho daw ba ni Anne ay nire-require siyang mag-travel nang madalas?
“Sometimes, yeah,” maiksing sagot ni Anne.
“Do you have your own business, like you sell products?”
“Yes,” sagot ni Anne.
“Is it clothing?” follow up ng influencer.
“No. Makeup,” sagot ni Anne ukol sa kanyang makeup brand na BLK Cosmetics.
NETIZENS REACT
Kung mukhang walang kamalay-malay ang influencer tungkol sa kanyang kausap, hindi naman makapaniwala ang netizens.
Nagsunod-sunod ang kanilang comments at inilarawan si Anne bilang isa sa pinakatanyag na artista sa Pilipinas.
Marami ang nagsabing “no idea” ang influencer kung sino ang kanyang na-interview.


May isa rin na nagtanong kung scripted daw ba ito.
Samantala, kapansin-pansin na patuloy ang pagtaas ang views ng TikTok video na siyang may pinakamalaking views ngayon sa videos ni Shan.
WHO IS SHAN RIZWAN?
Sa kabilang banda, si Shan ay inilarawan bilang isang “Tiktok star.”
Siya ay may 1.5 million followers at 159 million likes sa TikTok.
Sa kanyang Twitter account ay ipinost niya ang Philippine at Chinese flags na tumutukoy sa kanyang ethnicity.
Ipinost din niya sa Twitter ang interview niya kay Anne at makahulugan ang kanyang caption.
“Anyone else think she looks familiar?” aniya na indikasyong marahil ay nagka-ideya siya matapos mag-viral ng kanyang video kasama si Anne.
Samantala, may previous TikTok video rin si Shan na na-interview niya ang isang naglalakad na lalaking may suot na headphones.
Tinanong ni Shan kung ano ang kantang pinapakinggan ng lalaki na matapos sumagot ay dire-diretso sa paglalakad.
Natawa naman ang netizens na nagkomento dahil ang lalaking na-interview ay si Ed Sheeran.
Base din sa mga nagkomento, humor ni Shan na kunwari ay hindi niya kilala kung sino ang kanyang na-interview.

