"Respect Local Artists."
Ito ang panawagan ng SB19 fans matapos madismaya umano ang It's Showtime hosts na sina Vice Ganda at Anne Curtis nang malamang hindi na maaaring patugtugin ang kantang "Gento" ng P-pop supergroup na SB19 sa kanilang programa nang walang bayad.
Noong June 10, 2023, sa segment ng It's Showtime na "Isip Bata," hinamon ng isang contestant si Jhong Hilario na sumayaw ng viral TikTok song na "Gento."
Agad naman itong kinasahan ni Jhong, ngunit sa kasamaang palad ay sinabi ng staff ng Kapamilya noontime show na "bawal" na itong patugtugin dahil ito ay may kaakibat nang bayad.
Halata naman ang pagkagulat nina Vice at Anne, dahil ito ang unang pagkakataong pagbawalan sila kahit makailang beses na nila itong pinapatugtog sa programa.
"Bawal, naniningil na sila, naniningil na. Yung 'Rampa' libre, ayaw niyong itry?" pabirong hirit ni Vice.
Saad naman ni Anne, "Talaga? Hindi ba good promo yon for the music industry? May ganon na pala, sayang."
NETIZENS REACT
Tila hindi naman nagustuhan ng SB19 fans ang naging reaksiyon nina Vice at Anne.
Simula pa nitong Linggo, June 11, hanggang ngayong Lunes, June 12, 2023, ay trending sa Philippine Twitter ang "Respect Local Artists," kalakip ng panawagan ng fans at ilang netizens na dapat lamang maningil ng SB19 dahil karapatan nila ito.

Ayon pa sa fans, ikinalulungkot nilang tila nakakalimutan na mayroong music royalties bago gamitin ang isang kanta.
Ang music royalties, ayon sa depenisyon ng music label at distributor na sonosuite, ay ang karapatan ng bawat songwriters, recording artists, publishers, music labels, at producers, na ipabayad ang kanilang mga gawang awitin sa sinuman at anumang TV shows na gustong gumamit dito.
Isa sa mga nagbigay ng reaksiyon ang singer-songwriter na si Sam Concepcion.
Tweet niya, "Pay artists their royalties."
Panawagan pa ng isang SB19 fan (published as is), "Hi @itsShowtimeNa I hope you can find time for some clarifications on this issue. Things r getting out of hand. SB19 are being bashed saying "Mukhang pera" bcoz of the comment of ur host "naniningil na sila" where in fact, it is the artist's right."
Saad pa ng isa, "Hindi po mali ang SB19 na maningil ng royalties whenever their songs are used or played. It's their right as an artist and creators of the song. Ginagawa nga yan sa foreign artists eh, bakit di pwede sa local?"
Sabi ng isa (published as is) "Di naman po kayo pinagbabawalan na e play yung song. You can play the song but pay what’s due the artist. They need to get paid to pay their own people. People getting paid for their own work. That’s what’s good for the industry."
Dagdag pa ng isa, "I understand na need sabihin na "bawal na" but it should have been followed with good enough explanation. Hindi yung "naniningil na sila" lang. That sounded like "Royalty fee" wasn't a thing."
NETIZENS DEFEND VICE GANDA AND ANNE CURTIS
Samantala, sa kabila ng batikos sa dalawang It's Showtime hosts ay mayroon ding dumepensa sa kanila.
Tweet ng isang netizen, "'RESPECT LOCAL ARTISTS" daw eh kung isuka nyo sila ngayon parang wala silang nagawang tama sa buong buhay nila HAHAHAHAHA si vice nagulat lang naman sya; normal yon, si Anne din since yung tone ng voice ni Anne mahinahon na patanong. Grabe kayo, local artists din naman yan."
Depensa ng isa, "Sorry pero I am with anne and vice here. harmless naman yung comments nila and to think na these BIG artists are promoting the group from time to time, I don't think they're putting them on a bad light unlike some of A'Tins na binabash sila at calling and shading them."
Sabi pa ng isa, "Pinapalaki nyo lang yung issue. Nagulat lang naman sila vice na may bayad na pala yung kanta so technically kung from the start palang yan may bayad na for sure hindi nila gagamitin yan at mababangit."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na anumang pahayag at reaksiyon ang It's Showtime, partikular na sina Vice at Anne, patungkol sa nasabing isyu.
