Respeto.
Ito ang payo ni Sheryn Regis pagdating sa mga singers at artists na hindi pa nag-a-out o yung mga closeted.
“Ang hirap, 'no, sa ibang artists din na hindi lumalabas-labas. Well, probably that’s their preference na maging private lang talaga,” sabi ni Sheryn.
Sabay diin niya, “Actually, mahirap talaga. Ang ano diyan is the fear na mawala nga… fear na mawala yung career, baka ma-disown ng family.”
Sundot ni Sheryn, “I had that fear too. Meron din akong ganyan, pero naging mas matapang [lang ako].”
Nakausap ng media si Sheryn sa presscon ng kanyang upcoming concert na Sheryn Regis: All Out.
ON HER COMING OUT IN 2021
Si Sheryn ay nag-out bilang isang lesbian noong 2021 nang mag-post kasama ang kanyang partner at manager na si Mel de Guia.
Read: LGBTQIA ally Sheryn Regis confirms relationship with Mel de Guia; Ice Seguerra reacts
Ani Sheryn sa kanyang pag-out noon: “I’m brave enough to face everything, na nung ginawa ko yon, alam ko na yung consequences, tanggap ko na…
“Na parang, ‘O, ginawa mo ito, ah. You have to stand firm on that.”
Pakiramdam ni Sheryn ay suwerte siya dahil tinanggap ang kanyang pag-come out.
“Pero sa ibang artist, respeto lang talaga sa kanila kung ayaw nila talaga,” paalala ng Cebuana singer.
“I-respect talaga natin na closeted talaga [sila].”
Sinegundahan ito ni Mel: “Walang perfect timing po sa mga gustong mag-out.
“Kailangan nating i-respeto talaga yung ganong klaseng tao.
“Sometimes alam naman natin, di na natin para state the obvious. It takes time. Irerespeto talaga natin sila. Mahirap yon para sa mga taong nahihirapang mag-out.”

SHERYN WAS READY TO RISK HER CAREER
Lahad ni Sheryn, nang mag-out siya ay alam niyang maaari siyang mawalan ng career.
Pero hindi na raw niya kayang itago ang kanyang pagkatao kaya mas ginusto niyang magladlad na.
“I opened it up sa family ko, sa anak ko [na] tanggap ako.
“Naisip ko kahit hindi ako tanggap ng ibang tao, importante yung pamilya ko tanggap ako walang judgment ba," lahad ni Sheryn.
Inamin din niyang napakahirap sa kanya noon na humarap sa mga tao bilang singer at may itinatago siya.
“Sa presscon napaka-timid ko lang because I’m hiding something. Ang dami kong itinatago.
“It’s hard to express kasi nga baka mag-flip ako. So that’s way its hard na magkaroon ng something na hidden inside.
“Sometimes yung hina-hide mo, nakakaapekto sa buong pagkatao mo.
“I was in denial before. Alam ko yung struggle ng iba din na closeted.
“Pero I wished and prayed na sabi ko dapat when I reached 40, lalabas na ako sa aking cocoon. I’d get out of my shell.”
Samantala ang concert ni Sheryn selebrasyon para sa kanyang dalawang dekada sa music industry.
Ang Sheryn Regis: All Out ay gaganapin sa Music Museum sa July 8, 2023 at kick-off ito ng kanyang series of concerts abroad na produced ng Jaro Productions.
