Humingi ng paumanhin si Herlene Budol sa paraan ng pagsagot niya sa Miss Grand Philippines 2023 sashing ceremony at press conference noong June 20, 2023.
Na-bash nang husto si Herlene ng netizens dahil sa kanyang “pagpapakatotoo” sa press conference.
Read: Herlene Budol, nabatikos sa "pagpapakatotoo" niya sa Miss Grand Philippines 2023 interview
Sa kanyang Facebook post noong gabi ng June 20, inamin ni Herlene na hindi niya naintindihan ang tanong sa kanya kaya hindi niya naipaliwanag nang maayos ang kanyang sagot.
Nilinaw rin ni Herlene na hindi niya nilaro ang kanyang kasagutan taliwas sa akusasyong "dinogshow" niya ang Q&A portion ng press presentation.
Mensahe ni Herlene (published as is), “Sa sobrang kaba ko po Hindi kopo naexplain yung kung Anong gusto kopong sabihin sorry I admit di po ako magaling Sa lahat ng bagay and sorry kung nawalan po kayo sakin ng kumpyansa
“Sa isang pag kakamali I’ll try my best to make you proud. Hindi ko po nilaro diko lang po talaga na gets yung tanong and I accept it
“Hindi po ako perpekto. Thankyou for those people na naniniwala padin po saakin.”
Sa kanyang Facebook post nitong Miyerkules ng gabi, June 21, nangako si Herlene na pagbubutihin pa niya ang kanyang mga gagawing hakbang sa susunod na challenges sa Miss Grand Philippines 2023.
Magti-train na raw siya ulit sa kanyang speech coach.
Sabi niya, "Naiyak ako nung makita ko etong headshot pic sa Miss Grand Philippines. Pangako pagbubutihin ko at sisimulan ko uli mag pa train sa speech coach ko kay @geography101 / Ryan Soto.
"Walang susuko sa pamilyang eto. Never Give up! Gising Herlene! its not too late! Everyday is a learning process.
"Thank you sa inyong lahat mga KaSquammy ko na andyan parin kayo para sa akin at yung taong nag tiwala at binigyan ako ng opportunity Sir Wilbert Tolentino / Wilbert Tolentino @sirwil75."
