Tila biyaya para sa mga dumaraan ang pag-ulan ng pera sa expressway sa Cebu, pero malaking problema ito para sa isang remittance collector.
“Nagmamakaawa po ako, sana isauli ninyo,” pakiusap niya sa mga motoristang nakapulot ng mga nalaglag na pera sa kahabaan ng Cebu South Coastal Road sa South Road Properties (SRP) noong Martes, July 4, 2023.
“Ma’am, Sir, sa mga nakapulot sa SRP sa mga pera na nalaglag, sana po isauli ninyo dahil naghahanap-buhay lamang po ako, nagtatrabaho lang po ako,” sabi ng remittance collector sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.
Habang binabagtas niya ang expressway pabalik sa kanilang opisina sa Mandaue, hindi niya namalayang nakabukas ang zipper ng kanyang bag.
Napansin na lamang niya na lumipad ang mga 20-, 50-, 100-, 500-, at 1,000-peso bills nang mapatingin siya sa side mirror ng kanyang motorsiklo.
Tinatayang PHP4 milyon ang pera na ibabalik sana ng collector sa kanilang kumpanya.
Bumalik daw siya sa dinaanan para pulutin ang mga nalaglag, subalit may mga taong nauna na sa pamumulot.
“Pagbalik ko, ang dami nang tao. Maraming nangunguha,” aniya sa GMA Regional TV Balitang Bisdak.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya nagmakaawa na lang ako sa kanila roon para lang maibalik ang mga pera.”
Read:
- Nursing student who helped victim in neck-slashing incident receives two scholarships
- Double celebration! Bride gives birth on her wedding day

Dumulog ang collector sa Cebu City police station.
May video rin siya kung saan umiiyak at may kausap sa cellphone.
“Wala na ang pera, kinuha ng mga tao,” sabi ng umiiyak na collector habang may kausap.
Sabi niya sa interview, “Walang awa talaga ang mga tao, grabe. Lumuhod pa ako sa harap nila.”
Pakiusap daw niya, “’Huwag ninyong galawin dahil hindi sa akin iyan!’ pero wala talaga. Kumuha pa rin sila.”
Samantala, sinabi ng kapulisan na may ibang nakapulot na nagsauli.
Sa ulat ng Cebu Daily News, ang na-recover na pera ay nasa PHP2.08 million kaya kulang pa ito ng PHP2 million.
Sabi sa GMA Regional TV report, maaaring makasuhan ng theft ang mga motoristang natukoy na namulot at hindi nagsauli ng pera.
Wala pang isinasampang reklamo ang kumpanya sa remittance collector, pero may posibilidad umano na singilin siya sa kulang na halaga.
Sabi ng collector, “Hindi ko alam paano iyon mababayaran. Nagmamakaawa po ako na sana isauli ninyo po.
“Isauli sa Station 5 o Station 11 ng Mambaling.”
Read:
