Nagsimula si Gwy Saludes, 22, sa paggawa ng Twitterserye tungkol sa campus life sa apat na malalaking unibersidad sa bansa—ang Ateneo de Manila, University of the Philippines, University of Santo Tomas, at De La Salle University.
Tinawag ni Gwy na Along in España ang Twitterserye niyang ito.
Nakita raw niyang maganda ang naging pagtanggap sa Twitterserye niya, kaya itinuloy niya ito sa pagsulat ng Wattpad series na The Rain in España. Sinulat niya ito noong 19 years old siya.
Ginawa itong series, ang The Rain in España, na hanggang sa kasalukuyan ay napapanood sa VIVA One at TV5.
"Twelve years old po ako nang magsimulang magsulat sa Wattpad," kuwento ni Gwy.
Wala raw formal training si Gwy sa pagsusulat, maliban sa ilang subject sa school tulad ng Creative Writing.
Ibinahagi niya kung ano ang pakiramdam na early 20s pa lang siya ay nagbunga ang hilig niya sa pagsusulat.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay may 143 million reads na ang The Rain in España sa Wattpad.
“Happy po, but at the same time, nandon po ang pressure. Siyempre, marami ang nag-aabang, marami ang nagbabasa. And marami ang expectation sa akin.
"Kunwari, nag-hit itong star na to, tapos yung susunod, merong pressure na kailangan kong i-keep-up or kailangan kong i-surpass yung hit ng nauna."
Sa The Rain in España, na pinagbibidahan nina Marco Gallo at Heaven Peralejo, tutok si Gwy bilang creative consultant ng TV series.
"Sa process po, involved po talaga ko lahat. From casting, and then, sa mga script. Palagi ko pong chine-check at pinapabasa, and then we give my comment.
"Tapos, ibabalik po sa amin, may comment po ulit, ise-send po hanggang final read na po.
"Tatlong beses po namin binabasa ang script. Para lang po ma-ensure na yung tone po ng writer.
"Since hindi po ako scriptwriter, nire-review ko lang po. Siyempre, magkaiba po kami ng writing style at magkaiba po kami ng tone sa character, sa pagkakakilala namin.
"Kailangan ko lang pong ma-ensure na kung ano yung na-establish namin [na] personalities [sa novel], yun din po ang lalabas sa TV adaptation."
May basbas daw ni Gwy ang napiling cast sa TV adaptation, at napagkasunduan rin naman daw ito ng buong team sa likod ng show.
Nakita ba niya kina Marco at Heaven sina Kalix at Luna na isinulat niya?
"Yes naman po," sagot ni Gwy. "Marco and Heaven, magaling naman po talaga sila and talagang nakita ko po sa kanila ang character.
"Si Marco po, audition pa lang, siya na ang pinakamagaling sa lahat. Si Heaven, nakita ko po sa kanya during screen test.”
Ang tambalan ng reel-and-real-life sweethearts na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, o kilala sa tawag na KathNiel, ang isa sa naging inspirasyon ni Gwy sa pagsusulat niya.
“Before po kasi, ang mga sinusulat ko, puro KathNiel fan fiction po lahat yon,” nakangiting sabi niya.
"Before university series, KathNiel po lahat yon, mga story po ng KathNiel. Sila po talaga yong dream ko na maka-work.
"Kung mangangarap po talaga ko, Kathryn Bernardo and Daniel Padilla po."
Mabilis na “yes po,” ang sagot ni Gwy nang tanungin kung KathNiel fan siya.
Excited ding ibinahagi ni Gwy na nabasa na ni Kathryn ang Along in España novel niya.
"Sila po kasi ang portrayer non and nakarating sa kanila. Si Kath po, nagbigay po siya ng video greet," nakangiting lahad niya.
Nagkita na rin daw sila ng idolo sa isang Guillermo Awards night.
Read: Rica Peralejo, ayaw maging "pakialamera"; Heaven Peralejo, nag-react sa pahayag ng tiyahin
HOW GWY SALUDES BECAME A WRITER
Si Gwy ay tubong Mariveles, Bataan. Sa Llamas Memorial Institute siya nag-aral hanggang Junior High School bago siya lumipat ng U.S.T ng Senior High School
Kasalukuyan siyang nag-aaral ng Legal Management sa Ateneo de Manila University. Pangarap din niyang mag-aral ng abogasya.
Kuwento ni Gwy, ang interes niya sa pagsusulat ay nagsimula sa hilig niya sa pagbabasa.
"Parang hindi naman po ako nagsulat-sulat like sa school. I started reading first po noong bata pa ko, mga Wattpad din po, like Dating A Gangster.
"Then, parang naubos ko na po ang mga story na gusto kong basahin. I was looking for a certain story na gusto kong mabasa. Kaya sabi ko, ako na po ang magsusulat."
Nagsimula si Gwy sa simpleng pasahan ng storytelling sa classroom.
"Sa notebook po ako at first nagsusulat. Pinapaikot po namin sa classroom. Yung sinulat po nila, babasahin ko, yung sinulat ko, babasahin nila.
"Hanggang na-discover po namin ang Wattpad. Lumipat po kami ng Wattpad hanggang sa nag-boom po ang account ko."
Ano ang style niya sa pagsusulat ng kuwento?
"I always say this po, I always put a part of myself sa lahat ng character na ginagawa ko. Kasi po, that would be easier for me to connect to the people.
"If walang parte ko, I wouldn’t be able to write them kasi hindi ako makaka-relate sa kanila, hindi ako makaka-relate sa thoughts nila. Parang malayo ang loob ko sa character.
"I really want to be close sa lahat ng characters na sinusulat ko para maintindihan ko sila."
Masuwerte rin si Gwy dahil suportado ang mga interes niya ng kanyang pamilya.
"Very supportive rin po sila, but since nandon yong nag-e-earn ka na, kaya mo ng suportahan ang sarili mo.
"Hindi na po ako nanghihingi like for my wants. Yung mga needs lang po like tuition, allowance, yun lang po.
"But since I’m earning na po, hinahayaan na lang po nila ko na suportahan ang sarili ko and maging independent.”
Read: Jake Ejercito on Kim Chiu: "Kahit tulog ka, gigisingin ka niya para chikahin ka."
ON HAVING KEAN AND CHYNNA AS TALENT MANAGERS
Si Gwy ay nasa ilalim ng management ng mag-asawang Kean Cipriano at Chynna Ortaleza sa O/C Records.
"Since I started endorsing brands na rin, sabi po ni Martin [Riggs], he’s a friend, naghahanap din po ang O/C ng artists na ire-represent.
"Not exactly singer, puwede rin po na talent lang like pagha-handle ng mga brands, pagha-handle rin ng writing career ko. Sabi ko, 'I’ll give it a try.'"
Kumusta sina Kean at Chynna bilang manager?
"Super approachable po talaga. I like working with Ms. Chynna and Sir Kean, kasi, alagang-alaga po nila ko. Lagi po nila kong sinasamahan sa lahat, like meetings, nandiyan po sila, para alamin lahat ng nangyayari.
"Kapag po may problems, nandiyan din po sila to support me. Palagi po silang nagme-message ng encouraging words for me when I’m not in a good state."
Ano ang madalas na sinasabi sa kanya ng mag-asawa?
"Palagi po nilang pinapaalala sa akin na kapag may backlash, that means, something good will happen. Just stay put and relax and it will be beautiful.”
Watch: 'E.A.T.' goes head to head with 'Eat Bulaga!,' 'It's Showtime'; who delivered the best episode?
