Kamakailan ay nagkaroon ng reunion ang cast members ng GMA-7 series na AraBella na nagtapos umere sa telebisyon nitong nakaraang Hunyo.
Kinumusta namin kay Alfred Vargas, na isa sa mga kasama sa naturang programa, ang kanilang muling pagkikita-kita.
“Sobrang saya ng AraBella reunion namin,” umpisang kuwento sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ni Alfred via e-mail nitong Huwebes, July 6.
“It was good to see everyone again after some time. Dito mo makikita na hindi lang kami professionally nagsama para sa isang project, naging parang family talaga kami.
“Na-develop ang ganitong klaseng samahan namin na ito from Day 1 sa set. Magaan kasi ang set at nagkakasundo kaming lahat, from artists to production staff.
“Puro tawanan kapag break pero seryoso kapag eksena na.
“Siguro nakatulong din yung success ng show at naging top-rating siya. Proud din kami sa produktong ginawa namin.”
Ilan sa main cast members ng AraBella ay sina Alfred, Shayne Sava, Althea Ablan, Camille Prats, Klea Pineda, Wendell Ramos, Abdul Rahman, Saviour Ramos, Ronnie Lazaro at Ms. Nova Villa.
Maraming fans at netizens ang gustong magkaroon ng Book 2 ang AraBella. Posible ba itong mangyari?
Kaya ba sila nagkaroon ng reunion ay dahil may Book 2 nga sila?
Pag-amin ni Alfred, “Tingin ko, yung part 2 medyo suntok sa buwan na yan.
“Pero siyempre who knows, di ba? Depende na sa network yan at kay Lord.
“Marami ring nagme-message sa akin ng part 2. Pati sa mga ibang actors, ganun din ang clamor. We’ll see.
“Huwag tayong magsara ng pinto, anything is possible.”
ALFRED CHERISHES DEVOTION OF HIS LOYAL FANS
Napag-usapan din namin ni Alfred ang tungkol sa Solid Friends na fan club ni Alfred na labing-walong taon na.
Pagbabalik-tanaw niya, “Ito yung fans club ko ever since. My solid fans established it noong July 4, 2005, panahon ng Encantadia. They have supported me ever since kahit noong baguhan pa lang ako.
“They believed in me anuman ang panahon. From 20 members noong simula, ngayon 40 thousand members na!
“Later on, nag-evolve na rin ito into a community volunteer organization na tumutulong sa mga nangangailangan. May mga yearly projects kami like Zumbayan, Linis-Barangay, youth concerts, leadership trainings, medical missions, at marami pang iba.
“Masuwerte ako dahil meron talaga akong supporters na nandiyan para sa akin through my ups and downs in life.
“Yung kapatid ko, si Congressman PM Vargas, member din siya ng Solid Friends. Actually, siya ang pinakaunang solid friend ko since ipinanganak siya,” at tumawa si Alfred.
“Idol niya kasi si Kuya niya ever since. Siya ngayon ang official President ng Solid Friends. Meron kaming special anniversary celebration sa SM Novaliches this July 16 to celebrate our anniversary.”
ALFRED ON WORKING WITH NORA AUNOR
Samantala, may bagong pelikula si Alfred kasama ng Superstar na si Nora Aunor, ang Pieta, kunsaan bukod sa artista ay si Alfred rin ang producer ng pelikula.
Lahad ni Alfred, “Maganda at very pleasant ang experience ko bilang producer and actor kay Ate Guy. Superstar talaga siya.
“Yung husay niya at talento, highest level talaga. And she’s very professional. Walang naging any aberya during the whole shoot.
“I’m thinking na nga of doing another project with her next year kung puwede. Ganun ka-okay.
“Meron kaming eksena na kaming dalawa lang.
“Magkaharap. Tahimik lang pero napaka-meaningful at naramdaman ko ang lalim at soulful emotion dahil sa acting ni Ate Guy.
“At nadala ako, parang naging loving mother ko talaga siya noong moment na yun sa eksena at ako naman parang long-lost son niya talaga. It was a magical experience for me as an artist.
“Masuwerte ako na naranasan ko yun.”
ALFRED LEVELS UP HIS HOSTING SKILLS
Magsisilbing host ng 38th Star Awards for Movies sa July 16 sa Manila Hotel si Alfred kasama sina Claudine Barretto, Mariel Rodriguez-Padilla, at Christian Bautista sa July 16, 2023 sa Manila Hotel.
Ayon sa actor/Quezon City 5th District councilor, nae-enjoy na niya talaga ang paghu-host, lalo pa nga at ilang beses na rin siyang naging host ng nabanggit na awards event ng Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC).
Saad niya, “Yes, super-enjoy ako mag-host!
"Maraming hindi nakakaalam, I’m always invited to host different kinds of events. I love celebrating special moments and gatherings ng mga tao.
"I’m also a trainer din kasi. I train young leaders and aspiring professionals who want to excel in their respective fields.
“I learned hosting from none other than THE Boy Abunda.
“I was part of the first batch of his hosting workshop. Sa kanya ko talaga natutunan ang hosting na may sincerity at katuturan.
“One of his lessons, I remember, is that if you want to be a good host, you must first become a good and genuine listener.
“Pakinggan mo ang taong kausap mo at dun mo makikita ang puso niya.”
Bukod dito ay nominado rin si Alfred sa Star Awards sa Linggo sa kategoryang Darling of The Press kasama sina Gretchen Barretto, Christian Bautista, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Liza Diño-Seguerra, Niño Muhlach, Piolo Pascual at Alden Richards.
“Actually, nagulat ako. Hindi ko expected. I’m grateful na ma-recognize this way by being nominated.”
ALFRED FOREVER GRATEFUL TO SUPPORT OF MEDIA FRIENDS
Sa paglipas ng panahon ay hindi nagbabago ang magandang pakikitungo ni Alfred sa mga miyembro ng media.
“Para sa akin, family na rin talaga ang mga press friends ko whom I met along the way in my twenty plus years in showbiz.
“Through thick and thin talaga nakasama ko kayo, from beginning until now.
“Grabe, senti na ako. Hahaha!
“I would never be where I am today if it were not for the friends who helped me along the way. Kayo yun.
“Personal ang relationship ko with most of the press. Masarap kasi silang kasama at sasabihin nila sa iyo ang totoo and they will look after you.
“Marami sa mga advisers ko sa buhay ay mula sa mga writers and journalists. For those who know me talaga, alam nila na kung sino ako noong nag-uumpisa ako, I’m still the same Alfred na kilala nila ngayon.
“Mas nag-mature lang ako ngayon and I’m not at all perfect, pero I always adhere to the lessons and principles my parents taught me,” pagtatapos ni Alfred sa aming panayam.
