Nag-react ang Bureau of Immigration (BI) ukol sa viral issue ng na-offload na female passenger na hinanapan umano ng immigration officer ng sampung birth certificates ng kanyang mga ninuno.
Katuwiran ni BI Commissioner Norman Tansingco, lumalabas sa initial investigation na nakitaan ng “multiple red flags” ang passenger kaya hindi siya hinayaang makaalis.
Unang naka-schedule na lumipad for Taiwan ang pasahero noong June 29, pero hindi natuloy dahil may missing document.
Kaya na-rebook ito noong July 1, 2023 pero na-offload siya.
Sinabi ng BI na naghihigpit sila para masupil ang human trafficking at illegal recruiters.
Read: Pasaherong na-offload, hinanapan ng immigration officer ng birth certificates ng mga ninuno
OFFLOADED PASSENGER ISSUE
July 1, 2023, naka-schedule ang flight ng di pinangalanang pasahero papuntang Taiwan para puntahan ang kamag-anak niya roon na si Ammie Liau.
Kuwento ni Ammie sa PTV, sumailalim ang kanyang kamag-anak sa assessment ng immigration officer sa airport bago ang flight.
Kinuwestiyon umano ng immigration officer ang pagiging malayong magkamag-anak ng pasahero at ni Ammie na seventh-degree relatives.
Sabi pa ni Ammie sa PTV, hinanapan ng immigration officer ang pasahero ng sampung birth certificates ng kanilang mga ninuno para patunayan ang kanilang relasyon.
Ganito ang pahayag ni Ammie: “Kasi sabi niya [immigration officer], ‘Ay, pag ganyan, ma’am,’ sabi niya, ‘nasa mga fifth or seventh degree na kayo ng pinsan mo, so kailangan mo ito... magdala ng sangkatutak na, sampung birth certificate ng mga tao sa mga kanunuan niyo.’"
Ang ending, hindi nakalipad papuntang Taiwan ang passenger, na dumagdag ang sinapit niya sa mga horror stories ng mga pasaherong na-offload.
Ang masaklap: libu-libong piso ang kanilang ginagastos para sa plane ticket na hindi naman nare-refund.
Read:
- Pasahero naiwan sa flight dahil sa matagal na interview ng immigration officer
- Bureau of Immigration clarifies issue about bringing yearbook, diploma of departing passengers
BI REACTS TO CONTROVERSY
Sa isang official statement, inilabas ng BI ang initial investigation nito sa pangyayari.
Hindi raw consistent ang mga sagot ng pasahero nang sumailalim sa assessment ng immigration officer.
Narito ang bahagi ng statement na ipinost sa Facebook page ng BI: “According to BI Commissioner Norman Tansingco, while they have yet to receive the full report and investigation, initial information shows that the unnamed passenger's travel was deferred for having multiple red flags.”
Nang tangkain umano ng pasahero na umalis late last month (June 29, 2023), sinabi nitong pupunta siya sa Taiwan para bisitahin ang kamag-anak na si Ammie.
“However, the immigration officer noted that during the assessment, there was mention of a possible work in Taiwan,” ayon sa statement.
“Said traveler also was unable to establish her relationship with her sponsor, and had numerous inconsistencies when asked about basic details about said sponsor.”
Hindi rin daw na-establish ng pasahero kung paano niya masu-sustain ang kanyang two-week stay sa Taiwan.
“Tansingco also added that following the Department of Justice’s (DOJ) guidelines on departure formalities, departing passengers whose purpose, and capacity is not fully established may be sponsored by a relative within the fourth civil degree.”
Ani Tansingco, “Only those with conflicting documentation are subjected to further inspection.”
Wala raw rason para mangamba ang mga pasaherong may appropriate documents.
Gayunpaman, iniutos ni Tansingco ang imbestigasyon kaugnay ng isyu ng pasaherong hiningan ng 10 birth certificates.
Narito ang Facebook post ng BI kaugnay ng issue:
