Tandem sina Chuckie Dreyfus at Jojo Abellana nang magpugay sa yumao nilang kaibigan na si Ricky Rivero nitong Hulyo 18, 2023, Martes ng gabi, sa Loyola Memorial Chapels, Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nabuo at tumibay ang friendship nina Jojo, Ricky, at Chuckie sa Wednesday group ng TV program na That’s Entertainment (1986-1996, GMA), sa gabay ng Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno.
Read: ‘That’s Entertainment’ alumni reunite at Ricky Rivero’s wake
Pagpapakilala ni Harlene (host ng programa ng That’s tribute) kina Jojo at Chuckie, “Please welcome Pugak and Tugak…”
Comedy tandem sina Pugak at Tugak noong 1950s hanggang 1960s sa local entertainment industry. Sila ang bagong bersiyon noon ng naunang tambalan nina Pugo at Togo.

That's Entertainment Wednesday Group
RICKY'S EMBARRASSING MOMENTS
Pangiti-ngiti sina Jojo at Chuckie ngunit dama ang pighati sa kanilang tinig.
Nagkakilala sina Chuckie at Ricky sa Rumors Disco sa Makati City bago ito nasunog.
Ani Chuckie, “Nakilala ko iyan kasabay ni Rachel Alejandro… 1986, tapos naging close kami — si Rachel, si Ricky, si Sheryl [Cruz].
“Sila ang dahilan kung bakit nung pinasali ako sa That’s Entertainment ni Kuya Germs… tapos tinanong ako na, ‘Anong araw mo gusto?’
“Siyempre barkada kami, sabi ko, 'Gusto ko sa Wednesday group.' So, dun ako napunta.
“And ever since then, parang kapatid ko na talaga iyang si Ricky for the longest time nung panahon na kuya ko pa siya, hindi ko pa siya ate nun.
“Lagi yang natutulog sa bahay, kami, magbabarkada. Especially nung nabuo na yung barkada namin, sina Jojo.”
“Yes, yes,” sambot ni Jojo, “kahit sa bahay namin, ganun din. Natutulog siya. Actually nag-stay siya sa bahay for two months.
“Kasi actually si Ricky, NPA yan. No Permanent Address, oo. So, kaming mga kapatid niya sa That’s e siyempre, ang turing naman po namin sa kanya, e, hindi na iba. Parang kapatid talaga.
“Kaya full support po kami sa kanya sa lahat ng mga pangangailangan niya.
“Maraming ano yan, e, embarrassing moments si Ricky, lalo na sa bahay,” napapangiting saad ni Jojo.
“Kasi, yung upuan namin, walo yun, e! Naging apat na lang!”
Tawang-tawa sina Chuckie, Melissa Silvano, at iba pang That’s alumni na nasa burol.

That's Entertainment alumni
Gumaralgal ang boses ni Jojo, at nangilid ang kanyang luha, “Alam niyo po, para sa akin, isa lang ang masasabi ko kay Ricky. Si Ricky talaga, e, mapagmahal na tao.
“At… kahit sa nanay ko, sobra siya malapit. Ahhhmm kaya ayokong magsalita, e…”

Nagpakuwela muna si Chuckie, at nang mapatawa si Jojo ay nagpatuloy na ito, “Yun po, si Ricky kasi talagang napakabait na tao niyan.
“Saka totoo yung sinabi ng co-members namin kanina na si Ricky, matalino. Talagang very talented si Ricky. Sa lahat ng bagay, maaasahan siya.
“So, sa totoo lang, sa mga production numbers namin, hindi lahat ng ideas puro kay Eugene [Delos Santos, choreographer na part ng VIP Dancers]. Iyong iba, kay Ricky nanggaling.
“Basta ako, bilib ako kay Ricky talaga. Wala akong masabi sa kanya at yun po… madalas kaming magkakasama. Minsan natutulog kina Chuckie.
“Natutulog sa bahay nina Romnick [Sarmenta], natutulog sa bahay ko, at kung saan-saan. Minsan wala kaming tulugan!
“Nasa Pajero lang kami ni Romnick, dun kami natutulog. Walang tulugan, sama-sama kami.
“Talagang iba po yung pinagsamahan namin, yung samahan namin na binansagan namin SMTB.
“Na si Ricky, e, actually isinasama namin diyan pero hindi niya matanggap.”
Natatawang paliwanag ni Chuckie, “Ang SMTB, ang ibig sabihin niyan daw ay Samahan ng Mga lalaking Takot sa Babae. Noong una, miyembro siya. Ngayon, honorary member na lang.”

That's Entertainment Wednesday Group
RICKY RIVERO AS A LEADER
Napabuntong-hininga si Jojo, “Ang isa sa hindi ko rin makakalimutan kay Ricky yung minsan wala kaming costume. Matiyaga yan, si Ricky.
“Siya ang maghahanap ng costume kahit bumabagyo. Naalala ko pa sa taxi, yung Little Mermaid nung ginawa natin.
“Naghanap siya ng mga costume. Talagang tumakbo yung taxi sa baha, so pinasok ng tubig.
“Nandun daw siya sa may upuan, nakaganun! Imagine-in niyo yung hitsura ni Ricky, ‘Uy, manong, bilisan mo! Male-late na ako sa That’s!’
“Kaya butas-butas yung kanyang costume dahil nakabukaka siyang ganun sa taxi, pero super ano namin yan…”
“Matiyaga at very dedicated si Ricky talaga,” sambot ni Chuckie.
Pagdidiin ni Jojo, “Saka as a leader, talagang leader siya! Leader siya ng grupo talaga!”
Dagdag ni Chuckie, “At saka matatakot ka sa lakas niya pag napikon siya sa yo.”
Pag-ayon ni Jojo, “Oo, isipin niyo, mga kapatid, isipin niyo, tatlo kaming lalaki… sumasampa yan sa kanya, binubuhat niya yung tatlo.
“Imagine-in nyo yun, lalaki kaming tatlo, binubuhat niya. Ganun siya kalakas!
“At saka maraming itinuro sa akin si Ricky pagdating sa pagli-lifting. Kasi, isa din po ako sa mga nagli-lift sa Wednesday.
“At yun na nga po, sabi ko kanina… lahat halos, na-lift ko na. Maliban kay Ricky. Kasi si Ricky talaga ang mahirap i-lift kahit anong gawin natin.
“Marami siyang itinuro sa akin sa lifting kung papaano, kaya marami po akong natutunan sa kanya…”
“Naging pamilya tayo,” pakli ni Chuckie.
Pagtango ni Jojo, “Yes, at saka hindi natin inisip na trabaho ito, e. Parang at the same time, wala lang, masaya tayo. At para mapasaya natin ang mga tao, ‘no.
“Mapabilib natin sa mga ginagawa natin, at maipakita natin yung talent natin.”

TEENAGE YEARS WITH RICKY
Naalala nina Melissa at Chuckie na may mga code pa sila noon with Ricky para hindi matanto ng iba kung sino o ano ang pinag-uusapan nila.
Salaysay ni Chuckie, “Ahhmm I guess everyone of us, alam natin na na-bless tayo dahil naging kaibigan natin si Ricky.
“And ako, personally, nagpapasalamat ako na nakilala ko ang isang taong very selfless, very loving, very… kuya ko nga talaga, e.
“Imagine-in mo, nung pumasok ako sa That’s, 12 ako, pa-13 ako nun, e. Hanggang sa natapos ko yung teenage years ko, nasa That’s pa rin ako.
“So, buong buhay ko ng pagkabinata ko, kasama ko si Ricky talaga. At marami rin akong natutunan sa kanya.
“Maraming payo. Madalas kakuwentuhan yan ng nanay ko. I’m sure kakuwentuhan na siya ngayon ni Nanay sa heaven.
“I just wish… kasi alam naman natin, na you know the last few months before Ricky passed, he’s been messaging us all. So, alam nating may pinagdadaanan din.
“Ang siguro in a way pinagsisisihan ko, I wish I could have done more for him. I wish I could have let him know that I was there for him more.
“I just wish na… if I could have expressed how important he was for me. Yun nga ang masakit, e, kung kailan… you know…
“Siguro isa yung dahilan kung bakit nung nag-iiyakan na kami dun sa likod… ahh, lungkot, konting saya dahil nagpapasalamat ako, nakilala ko siya.
“Pero marami ding lungkot dahil sa, you know, may pagsisisi din. And I hope you know, and I believe na he’s here with us right now.
“You know we just want to let him know na mahal na mahal natin siya. And you know, this is not goodbye.”
Banat ni Jojo, “Saka magkikita-kita pa naman tayo. Lahat tayo ay darating diyan.”
Susog ni Melissa, “Not too soon!”
Napangiti si Chuckie, “Oo, not too soon.”
