Naging emotional si Angelica Jones nang ikinuwento niya ang pinagdaanan ng 10-year-old son niyang si Angelo Alday na hindi pa raw nakakaharap ang ama nito magmula nang isinilang ito.
Read: Angelica Jones is seven months pregnant; baby's father is doctor-politician
Nagbuhos ng sama ng loob si Angelica sa story conference ng pelikulang Magic Hurts ng Rems Films Production noong Sabado, July 22, 2023.
Sa pelikulang ito ay gaganap si Angelica bilang ina ng lead actor ditong si Beaver Magtalas. Ikinonek ni Angelica ang role niya sa pelikula sa pagiging nanay sa kanyang nag-iisang anak sa tunay na buhay.
Si Gabby Ramos ang magdidirek ng naturang pelikula.
Nang inalok sa kanya ang role na ina ni Beaver, tinanggap daw ni Angelica dahil marami siyang paghuhugutan.
"Nung sinabi sa akin ni Direk kung gusto ko bang gawin tong movie na to, sabi ko, 'Direk, gusto ko yung role ko, dahil marami pa akong luhang gustong ilabas. Marami pa akong pain, at hurts na kailangang maghilom.'
"Baka sa Baguio baka totally maghilom yung sugat," sabi ni Angelica sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph)
Sa Baguo, Benguet kukunan ang karamihan ng mga eksena sa Magic Hurts.
THE BIRTH CERTIFICATE
Pagkatapos nito ay naglabas na ng sama ng loob si Angelica sa ama ng kanyang anak, na ayaw umanong pirmahan ang birth certificate ng kanilang anak.
Read: Angelica Jones gives birth to healthy baby boy; vows never to reconcile with father of her child
"Yung birth certificate niya kasi nawala nung pandemic. So, until now, wala pang birth certificate yung anak ko, wala hong pirma nung daddy niya.
"So, kailangan yung documents na affidavit na galing sa St. Luke's na pirma ng dad niya, para makakuha ng passport para makaalis yung anak niya.
"Plano naming pumunta ng Paris," kuwento ng actress-politician.
Ayon kay Angelica, kinausap siya ng anak niya na gusto nitong makilala ang kanyang ama. Gusto pa nga raw puntahan ng bata ang ama nito sa Batangas.
"So ngayon, first time lang ng anak ko na nag-request na 'Mommy, can we go to Batangas? After 10 years, ngayon ko lang kakausapin si Daddy...' para dun sa kanyang birth certificate na dapat niyang pirmahan.
"Ang nakakalungkot nga na excited na makita ng anak ko yung dad niya, ano yun, as casual na parang civil... hindi siya humarap sa anak ko. HIndi rin niya pinirmahan."
Sa puntong ito ay gumagaralgal na ang boses ni Angelica.
Pagpapatuloy niya, "So, ilang days na nakita ko yung anak ko na nag-iiyak.
"Ang sabi niya sa akin, 'Mommy, masama ba akong anak?' Sabi ko, 'Hindi.'
"'Mommy, honor naman ako every year, naging mabuti naman akong anak.' Ang dami niyang award.
"Pero nung birthday, awards, medals, recognition, New Year, Christmas, kahit isang beses, hindi naalala yung anak ko.
"Kahit ibinigay ko na yung number ng dad niya sa kanya, para directly mag-text, even sa Messenger, hindi rin siya sinasagot, binlock din siya ng daddy niya."
HER SON'S GRANDPARENTS
Ang kumilala lang daw sa anak ni Angelica ay ang mga magulang ng ama nito, bale ang lolo at lola ng bata. Pero namayapa na sila.
Ayon kay Angelica, "Yung nagpuno talaga ng pagkukulang ng daddy ni Angelo ay yung namatay na lolo't lola, yung parents nung father.
"Namatay yung lola because of COVID. Kaya nalungkot yung anak ko nung namatay yung lolo't lola kasi parang yun yung nagpuno sa pagkukulang ng anak.
"So, nung nawala yung lolo at lola, nawala na rin yung say ng anak ko.
"Kasi nung nabubuhay pa yung lolo't lola, sila yung nagpuno, sila ang naghahatid-sundo sa anak ko, sila yung nagregalo, sila yung present sa mga birthday ng anak ko.
"Nung namatay yung lolo't lola, wala na yung naging daan para magkaroon ng communication yung aking anak dun sa father niya."
Dagdag niya, "Yung sa akin lang naman, may kanya-kanya na kaming buhay, at ten years na kaming naka-move on, masaya na kami sa kanya-kanyang buhay.
"Ang ikinalulungkot ko lang talaga, yung rights ng anak ko, bilang isang anak na mabigyan ng moral support.
"Kahit anong mangyari, anak niya to, e.
"At saka nakakadurog pala, 'no, na akala mo okay na sasabihan ako ng anak ko na ang hirap pala pag walang tatay ang anak.
"Ang hirap pala na kahit ang daming award na sasabihin ng anak ko na... binu-bully kasi siya sa school. Na sinasabi sa anak ko na honor, matalino, tapos wala siyang daddy, tapos busy ako, kasi ako nagtatrabaho."
Nilinaw ni Angelica na hindi siya humihingi ng sustento. Kaya naman daw niyang palakihin ang kanyang anak.
Sampung taon daw siyang walang nakuhang suporta mula sa ama, at napalaki naman daw niya nang maayos ang anak.
Ang tanging hiling daw niya ay ibigay ang pangalan nito sa kanyang anak at pirmahan ang birth certificate.
Ayon pa kay Angelica, dapat maging proud ito sa kanilang anak dahil napakatalino raw nito at talented pa.
"Kasi honor student ang anak ko. English-speaking pa yan, buti hindi nagmana sa akin.
"So, ibig sabihin, yung anak ko, ten years old na ngayon.
"Open-minded naman yung anak. Ipinapakita ko sa anak ko na puwede naman kami maging masaya.
"Sanay naman na binuhay ko siya na ako lang mag-isa, na ako ang tatay at nanay.
"Ako po yung taong very strong yung personality. Masaya. Gusto ko yung positive.
"But deep inside sa likod ng camera, ang isang Angelica Jones, may malalim na sugat," madamdaming pahayag ni Angelica.
Sinubukan ng PEP.ph na hingan ng pahayag ang tinutukoy ni Angelica na ama ng kanyang anak. Nagpadala kami ng mensahe sa kanyang messenger, pero hindi pa siya sumasagot.
