Nanindigan sina Tito Sotto at Joey de Leon na ang TVJ ang nagmamay-ari ng pangalang Eat Bulaga! at hindi ang Television and Production Exponents (TAPE), Inc..
Read: Eat Bulaga! war and how it changes Philippine TV: A Timeline
Ang TAPE ay pagmamay-ari ni Romeo Jalosjos Sr., na may 75 percent share, at Antonio Tuviera, na may 25 percent share sa kumpanya.
Ang namamahala sa TAPE ngayon ay ang mga anak ni Jalosjos Sr.—si Jon bilang president and CEO, Bullet bilang chief finance officer, at Soraya bilang EVP.
Ang Eat Bulaga!, na pinoprodyus ng TAPE, ay umuupa ng timeslot sa GMA Network.
Ngayong Huwebes, July 27, 2023, dumalo sina Tito at Joey sa pagdinig sa Marikina Regional Trial Court kaugnay ng mga reklamong copyright infringement at unfair competiton na isinampa nila laban sa TAPE at sa GMA-7.
"Sa dinami-dami ng mga salita, mga legal legal terms, ang bottomline ng sinasabi namin dito, copyright.
"Sino ang may-ari ng copyright, yung gumawa? Ang tanong dito, sino ang may-ari ng Eat Bulaga!?" bungad ni Tito sa panayam ng media matapos ang hearing.
Hindi raw tamang patuloy na ginagamit ng TAPE ang pangalang Eat Bulaga! mula nang kumalas ang TVJ sa TAPE noong May 31, 2023.
Read: Tito Sotto on the day TVJ left TAPE: "Parang sila ang may-ari sa amin. Nakakapikon na."
Consistent sa pagsasabi si Tito na ang TVJ ang may karapatang gumamit nito dahil si Joey raw ang nakaisip ng title ng noontime show, habang si Vic ang nag-compose ng theme song nito.
Patuloy ni Tito: "We're saying they're deceiving the people by saying na sila yung [Eat] Bulaga!.
"Puwede naman nila ituloy ang programa kung gusto nila, pero palitan nila yung pangalan nila. Yun lang naman, yun ang punto namin."
Umalma rin si Tito sa balitang plano ng TAPE magsagawa ng 44th anniversary celebration ng Eat Bulaga! sa July 29.
Hindi raw tama sakaling magpalabas ang TAPE ng footage na kuha mula sa old episodes ng Eat Bulaga! kasama ang TVJ.
"Isa sa mga pinayl namin infringement iyon, sapagkat wala silang paalam sa amin.
"Katulad nung ginawa nila nung [May] 31 hanggang June 3, nag-play sila ng replay. Isa yun sa, ika nga, binabaril namin dito sa kaso na 'to.
"Again, it goes back to deception. Pinipilit niyo sa tao, sa publiko, na kayo ang Eat Bulaga!, e, hindi naman kayo."
Kakatapos ng hearing sa korte nang makapanayam si Tito.
Nang tanungin kung nagmamatigas ang TAPE na may karapatan ito sa pangalang Eat Bulaga!, sagot ni Tito, "Siguro. Sinasabi ng abugado nila, 'Trademark, trademark.'
"Iba yung trademark sa copyright. Para namang di ka nakakaalam ng legalities.
"But then again, may mga nag-file ng trademark, but that's trademark for goods. iba yung copyright.
"Yung trademark, meron pa ngang cancellation. Meron silang tinatawag na after 10 years nawawala."
Read: 'It's Showtime' hosts mingle with 'Eat Bulaga!' hosts, executives at GMA Gala 2023
DEFINITION OF COPYRIGHT
Ang copyright, ayon sa attorney.org.ph, ay tumutukoy sa literary or artistic works.
Sakop nito ang "musical compositions" pati na ang "dramatic or dramatico-musical compositions; choreographic works or entertainment in dumb shows."
Pinoprotektahan din ng batas na ito ang "audiovisual works and cinematographic works and works produced by a process analogous to cinematography or any process for making audio-visual recordings."
Hindi naman sakop ng batas na ito ang "idea, procedure, system method or operation, concept, principle, discovery or mere data as such, even if they are expressed, explained, illustrated or embodied in a work."
Sa ilalim ng Intellectual Property Code o Republic Act 9293, ang "author, artist, o creator" ng isang copyrightable work ay pinoproteksyunan ng batas mula sa moment of conception nito.
Maaari itong iparehistro ng may-ari nito, at may panuntunan din ang batas kung sino ang masasabing creator ng copyrightable work.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung ang Eat Bulaga! bilang catchphrase ay itatalaga ng korte bilang "copyrightable work" at kung sino ang ituturing na may-ari nito.
Read: Revamped 'Eat Bulaga!' naungusan sa ratings ang 'E.A.T.' ng TVJ
DEFINITION OF TRADEMARK
Sa kabilang banda, may legal battle din sa pagitan ng TVJ at TAPE sa usaping trademark para sa pangalang Eat Bulaga!.
Ang trademark, ayon sa R.A. 9293, ay tumutukoy sa visible signs o marks kunsaan nakikila ang partikular na goods or services.
Ang "trade name" ay tumutukoy naman sa "name or designation identifying or distinguishing an enterprise."
May iba-ibang uri rin ng trademark class na puwedeng iparehistro sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPO).
Ang bibigyan ng pagmamay-ari ng trademark ay iyong unang makakapagsumite ng application for registration sa IPO.
Sa kaso ng pangalang Eat Bulaga!, ang TAPE ang dati nang nagparehistro sa IPO para sa trademark classes na may kinalaman sa goods o merchandise items ng show.
Pero noong February at March 2023 ay nag-file ang TVJ ng application sa IPO para iparehistro ang trademark class na may kinalaman sa entertainment services.
April 2023 naman nang sumulat ang TAPE sa IPO upang i-assert ang "prior ownership" nito sa Eat Bulaga! trademark, base sa pahayag ng legal counsel ng TAPE, na nailathala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong July 12.
Sa gitna ng legal battle ng TVJ at TAPE, desidido ang magkabilang kampo na magsagawa ng kani-kanilang selebrasyon ng ika-44 anibersaryo ng Eat Bulaga!.
TITO AND JOEY'S MESSAGE
Sa huli, sinabi ni Tito na kumpiyansa siyang papaboran ng korte ang reklamo ng TVJ.
"We're very confident, with God's help, I'm sure the truth will come out.
"Alam ng taong-bayan, alam ng Panginoong Diyos, alam ng publiko kung sino talaga ang nag-imbento ng pangalang Eat Bulaga!.
"Yung programa nila, bahala sila sa buhay nila, palitan nila title nila," saad ni Tito patungkol sa TAPE.
Dagdag ni Joey, "Basta kami, nagsabi lang kami ng totoo. Bahala kayo."
