Nagsalita na si Herlene Budol kaugnay ng pagbibitiw ni Wilbert Tolentino bilang kanyang talent manager.
Sinang-ayunan ni Herlene ang inilabas na official statement ni Wilbert kung saan sinabi nitong "personal health" at "family matters" ang dahilan kung kaya't nagbitiw siya bilang manager nig Kapuso actress-beauty queen.
“May mga bagay lang po dapat mas unahin at i-priority talaga — ang kanyang health at kanyang family,” sabi ni Herlene sa kanyang YouTube video nitong Huwebes, July 27, 2023.
Read: Wilbert Tolentino resigns as Herlene Budol's talent manager hours after posting cryptic messages
Sa kabila nito, nag-commit daw si Wilbert na patuloy siyang tutulungan nito. Indikasyong walang hidwaan sa pagitan nina Herlene at Wilbert.
Sabi ng Magandang Dilag star, “At base pa rin po sa pag-uusap namin, willing pa rin po niya akong tulungan at nandiyan pa rin naman po siya anytime, anywhere, one call away…”
Inisa-isa rin ni Herlene ang lahat ng tulong na naibigay sa kanya ni Wilbert bilang talent manager sa loob ng kalahating taon.
“Lahat ng nakikita niyo sa akin, head to foot, bahay at lupa, crown, YouTube, cellphone, alahas, endorsements…
“Lahat ng yan si Sir Wilbert ang nagbigay sa akin.”
Mensahe pa niya kay Wilbert: “I love so much, Mima.
"Kulang ang salitang salamat sa lahat ng effort, oras, at pagmamahal na binigay niyo sa akin.
“Walang hanggang pasasalamat at walang hanggang pagmamahal ang kaya kong ibalik.
“Utang na loob ko lahat ng meron ho ako. I love you. Never say goodbye.”
Nabalot ng kontrobersiya ang pagbibitiw ni Wilbert dahil bago ang kanyang announcement ay may mga makahulugan siyang social media posts.
Tungkol ito sa isa niyang talent wala raw utang na loob. Kaya ang inisip ng ibang netizens ay si Herlene ang tinutukoy niya.
Read: Pagkalas ni Wilbert Tolentino kay Herlene Budol, may mas malalim na dahilan?
Pero ang statement ni Herlene sa vlog ay tugma sa inilabas na statement ni Wilbert at ang mga rason ng kanyang pagbibitiw bilang manager.
HERLENE BUDOL QUITS PAGEANTRY
Samantala, naging emosyunal din si Herlene sa vlog at inanunsiyo ang pagbibitiw niya sa pageantry.
Si Herlene ay kinoronahang Miss Tourism Philippines 2023 sa katatapos lamang na Miss Grand Philippines 2023 pageant.
Hinirang din siyang Binibining Pilipinas 2022 first runner-up last year.
Matatandaang ipinadala si Herlene bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Planet International 2022 subalit hindi ito natuloy dahil nabalot ng kontrobersiya ang pageant.
Wala pang kumpirmasyon kung anong international pageant ang sasalihan ni Herlene bilang reigning Miss Tourism Philippines.
Ani Herlene, senyales sa kanya ito para itigil na ang pagsali sa beauty pageant.
“Nakakatatlong pageant na pero hindi pa rin po puwede. Ibig sabihin, huwag na natin ngang ipilit," sabi ng Kapuso star.
“Ibig sabihin po nun, ako po si Herlene Nicole Budol na nagsasabing, ‘Sorry, Pilipinas. This is my last pageant. Ba-bye. Herlene Nicole Budol, I’m signing off.’”
Dagdag pa ni Herlene na umiiyak, “Nasasaktan po ako kasi parang totoo po lahat ng sinasabi niyo na parang pinipilit ko lang po talaga na sumali.
“Na hindi ko po deserve. Nagsusubok lang po ako. Hindi ko po pala kaya. Hindi kayang i-represent ang Pilipinas.
“Titigil na po ako. Hindi ko na po ipipilit ang sarili ko.”
Binanggit ni Herlene na pinag-iisipan niyang ipagpatuloy ang pagiging modelo lalo't wala itong question-and-answer portion tulad sa pageant.
