Malaki ang ipinagbago ng mindset ni JC de Vera ngayong pamilyado na siya, partikular sa attitude niya sa trabaho.
“Of course,” sambit ni JC sa storycon ng Apo Hapon noong Hulyo 27, 2023, Huwebes sa Max’s restaurant, Sct. Tuason St., Quezon City.
“Mas at peace ako this time. Mas at peace ako, mas happy ako with the way my life is treating me. And kung ano yung meron ako ngayon, na very contented and satisfied ako.
“Kung tatanungin nyo ako what’s the difference, siguro ahhmm... mas nag-iba lang yung outlook ko sa buhay.
“Mas napunta ako sa family, mas naging priority ko yung family ngayon kesa dun sa personal life ko.
“Well, personal life ko naman talaga yung family ko. Pero I guess, ahhmm... more than my work.”
Nakikialam ba ang wife niya sa kanyang trabaho? Nagseselos ba ito kung may ka-kissing scene siya?
“She’s my best supporter. And actually, isa siya sa mga taong nagga-guide sa akin sa career ko ngayon,” tugon ni JC.
“Tinutulungan niya ako kung magiging tama ba yung mga decisions ko. And then what kinds of projects to do, and what not to do.”
on doing daring scenes
Tinanghal si JC bilang best actor sa 4th QCinema International Film Festival (Oktubre 13-22, 2016) para sa pelikulang Best.Partee.Ever kung saan mapangahas ang kanyang papel.
Tatanggap pa ba siya ng sexy or daring project, o marami na siyang limitasyon?
“Well, sa pagtanggap naman talaga ng project, it really depends on the material and the content,” pagmamatwid ni JC.
“If I think na yung mga sexy scenes ay non-relevant sa story, then I wouldn’t do it.”
Puwede siya sa pelikulang mala-Brokeback Mountain?
Napabuntong-hininga si JC, “Again, depende sa script. I can’t tell right now, kasi hindi pa naman tayo napupunta sa ganung material.
“Pero I did Best.Partee.Ever. Basta what’s important for me is the content, and then kung ano yung magiging output ng project na yun.
“Sometimes kasi, the script is alam mo yun, written in a way na nagpapasok ng mga scenes na, alam mo yun, hindi naman talaga relevant dun sa story.
“So alam mo yun, over the years, natutunan ko na rin what’s relevant and what’s not.
“Kaya alam mo yun, nakakapagsabi din naman ako kung hindi ko kayang gawin ito, kasi, hindi ito yung gusto kong magiging output.”
May offer na ba sa kanya ang Vivamax?
“No, not yet. Not yet," sagot ni JC.
Pero if ever, OK lang sa kanyang mag-Vivamax?
Natigilan nang ilang sandali si JC bago sumagot, “Ahhmm... let’s just say na it’s not my genre.”
LOYALTY TO ABS-CBN ONLY
Isa si JC sa mga bida ng Kapamilya teleseryeng Nag-aapoy na Damdamin, kung saan tampok din sina Ria Atayde, Tony Labrusca, at Jane Oineza.
OK ba sa kanya ang mga proyektong ina-assign sa kanya ng ABS-CBN, o naghahanap siya ng mas mabibigat pang role?
“ABS-CBN is very generous pagdating sa pagbigay sa akin ng mga tamang projects,” sambit ni JC.
“And as long as they need my services and as long as they believe in me, I’m just gonna keep on rendering my services.
“Hindi naman ako demanding sa pagpili talaga ng mga characters, and for the longest time, they kept on molding me to be a versatile actor.
“Na kailangan I’m always ready kung ano yung mga challenges na ibibigay nila sa akin.
“Kasi I think I’m one of the actors dun sa industry na alam mo yun, hindi talaga mapili pagdating sa pagpili ng mga projects.
“Kasi alam ko and naniniwala ako dun sa network ko na they know kung ano talaga yung nababagay sa akin.”
Nag-collab na ang GMA at ABS-CBN sa primetime series na Unbreak My Heart. Payag ba siyang gumawa ng project na ka-collab ng ABS-CBN ang Kapuso Network?
“Alam mo, hindi ko sinasara ang pinto ko, pero my loyalty and faithfulness is with ABS-CBN,” saad ni JC.
“Kaya kung halimbawa, there will come a time na gumawa muli ang ABS-CBN ng isang content na in collaboration with GMA, bakit hindi, di ba?
“I would love to. Kasi siyempre, dun ako nagsimula. Kahit papa’no, marami akong natutunan din sa GMA.”
Ano kaya ang mararamdaman niya sakaling tumapak siyang muli sa GMA Network Center?
“I can’t tell. Ahhmm... as much as I can, I will stay with ABS-CBN.”
JC's latest movie
Huling napanood sa pelikula si JC de Vera sa Cinemalaya 2022 film na Bakit Di Mo Sabihin? opposite Janine Gutierrez. Tumakbo mula ng Agosto 5-14, 2022 ang 18th Cinemalaya filmfest, at sa CCP pa nag-gala premiere ang nabanggit na pelikula. Nag-theatrical release naman ito nung Pebrero 22, 2023.
Ang movie ni JC before that ay The Entitled, kung saan leading man siya ng title roler na si Alex Gonzaga. July 29, 2022, nag-umpisa itong mag-stream sa Netflix Philippines, kung saan ilang araw ring nanguna ito sa talaan ng Top 10 Movies in the Philippines Today.
Ang bagong movie ni JC ay ang Apo Hapon na pinamamahalaan ni Joel Lamangan at nag-umpisa na ng shooting ngayong araw.
Gaganap siya rito bilang historian, at leading man siya ng baguhang aktres na si Sakura Akiyoshi who is pure Japanese.
Ilang beses nang naidirek si JC ni Direk Joel, at marami siyang natutunan dito. Looking forward siyang maidirek muli nito.
Maliban kina JC at Sakura, nasa cast din ng Apo Hapon sina Lianne Valentin, Fumiya Sankai, Nella Dizon, Jim Pebanco, Perla Bautista, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Yoshiko Hara, at Prince Clemente.
