Halos limang taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw ang panganay na anak nina Tirso Cruz III at Lynn Ynchausti-Cruz na Teejay Cruz, pero hanggang ngayon ay hindi pa lubusang nakakapag-move on si Lyn..
Binawian ng buhay si Teejay noong November 21, 2018 dahil sa lymphatic cancer. Siya ay 37.
Dati siyang child actor na napanood sa mga pelikulang Roler Boys, Eskapo, Singsing Ni Lola, at Chavit.
Read: How Teejay Cruz lived the last years of his life
Lubhang ipinagluksa ng pamilya Cruz ang pagkawala ni Teejay, lalo't pat hindi lingid sa publiko kung gaano ka-close ang mag-asawang Lynn at Tirso sa kanilang mga anak.
"I cannot say na nag-move on ako," bungad ni Lynn sa eksklusibong panayam sa kanya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
Paliwanag niya, "I was telling my friend kanina, yung puso ko wounded, may sugat, pero parang nilagyan mo ng band-aid.
"Pag tinanggal mo yung band-aid, makikita mo na mayroon siyang sugat. Yung band-aid nandiyan lang yan, forever nandiyan yung sugat, forever may band-aid."
Ipinapasa-Diyos na lang daw ni Lynn ang sakit ng pagkawala ng anak.
"But sabi ko nga, sine-share ko, when the day comes that the Lord calls for me, and I go to heaven and I see my son, and, of course, I see the Lord, yang wound na yan, yung band-aid na yan, tanggal yan.
"Right now, kung tatanungin ninyo ako, yung pain, nalagpasan ng joy.
"There's joy in my heart dahil yung comfort ko nanggagaling sa Panginoon. Sabi ko nga, siguro ang dami kong ginagawa, busy ako masyado."
Read: Lynn Ynchausti grateful for 37 years with late son Teejay Cruz
Nais ni Lynn na palakasin ang loob ng mga magulang na tulad niya ay nawalan din ng anak.
Aniya, "Yung mga trials natin sa buhay, hindi natin maiiwasan yan, the sufferings, the trials. Always kapit tayo sa Panginoon and call on the Lord.
"Kasi kung wala ang Panginoon sa buhay natin, hindi tayo makakapag-move forward.
"Yung comfort ko, yung joy ko, and yung strength ko comes from the Lord."
Read: Lynn Ynchausti reveals premonition of son Teejay Cruz months before his passing
Sa pagkawala ni Teejay, mas pinahahalagahan daw nina Lynn at mister na si Tirso ang bawat oras na magkakasama ang kanilang pamilya.
"Even before he died, nung maliliit pa sila, sanay sila na mayroon kaming quality time. It's either out of town or out of the country.
"Mula nang mamatay ang eldest ko, we make it a point na we go out of the country, apat kami, bonding, we sleep in one room kahit malalaki na ang mga anak ko.
"We just enjoy yung quality time with them."
Noong Linggo, July 30, 2023, lumipad patungong Japan ang mag-asawa kasama ang mga anak na sina Bodie at Djanin.
Makikita sa posts ni Tirso sa Instagram na patuloy ang paggunita niya sa anak na si Teejay, na tiyak ay magugustuhan daw ang mga pinuntahan nilang lugar.
Read: Vilma Santos details how she keeps romance alive in her marriage
ON TIRSO'S HEALTH
Nabanggit din ni Lynn na na-diagnose si Tirso ng sakit na stage 2 lung cancer nung 2014.
Gumaling ang betaranong aktor sa kanyang sakit at ngayon ay aktibo pa rin sa pag-arte at bilang chairman ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Siniguro ni Lynn na maingat sila sa kalusugan ng asawa.
"In 2014, after his operation, praise God natanggal yung cancer and nagkaroon siya ng adjuvant therapy.
"Praise God and thank God the Lord healed him. Of course, di lang naman dahil nagkasakit siya kaya he has to take care of himself, it's also the age.
"May mga namamatay na bata pa, di ba? No matter what, we have to take care of ourselves. Yun ang ibinigay ng Panginoon."
Bilang asawa ni Tirso, proud si Lynn sa mga trabaho at responsiblidad na pinagkakatiwala kay Pip sa entertainment industry.
"Well, praise God na nabibigyan ng pagkakataon na to prove his self yung talent na ibinigay sa kanya ng Diyos nagagamit niya.
"Then sa FDCP, thankful din ako na na-appoint siya.
"Priority niya ang FDCP, so naayos namin niyang schedule na i-prioritize ang FDCP.
LYNN'S ROLE IN 'WHEN I MET U IN TOKYO'
Nakapanayam ng PEP.ph si Lynn sa pictorial ng pelikulang When I Met U In Tokyo na ginanap sa isang studio sa San Antonio, Makati, noong July 22, 2023.
Ito ang comeback movie ng tambalang Vilma Santos at Christopher de Leon.
Kasama si Lynn sa cast bilang matalik na kaibigan ni Azon, na ginagampanan ni Vilma.
Read: Vilma Santos, Christopher de Leon, nasa Japan nitong Holy Week
"Proud ako siyempre na maging part ng pelikula nila. Siyempre, sino ba ang hindi? Christopher de Leon and Vilma Santos. I just feel so blessed," ani Lynn.
Kasama rin ba si Tirso sa pelikula?
Sagot ni Lynn, "Yeah, mayroon siyang guest role. It's just a cameo role.
"Dito kasi, kami ni Ate Vi mag-best friend. May ilang mga eksena din ako.
"Kung ano kami in real life, best of friends, ganun din sa pelikula. It's just so easy kasi yun ang totoo sa totoong buhay."
Paano niya pinaghandaan ang role?
"Wala naman kasi bago ko tanggapin sinabi nila sa akin, 'Just be yourself.' Kasi, siyempre ang gagaling ng mga kasama ko, ang hirap umarte diyan."
Halos 90 percent ng pelikula ay kinunan sa Japan.
Aminado si Lynn na nakaranas sila ng ilang aberya, pero nagawan din daw ng paraan.
"May mga nangyaring di maganda like may mga kaunting delays, may mga problema, umuulan, yung ganun.
"Pero overall, ang saya-saya namin. Maganda yung Japan, pero at the same time yung friendship namin lumalim.
"Yung nangyari sa amin the Lord allowed all of these na ipagsama-sama kami for us to give glory to God.
"Because ang nangyari, pag lahat kami may problema, dasal. Umulan, nagdasal, tumigil ang ulan.
"Mayroong delay, 'Naku, Lord, tulungan niyo kami...' May solusyon.
"Yung nangyari sa pelikulang ito, makikita mo yung victory namin when we pray to Lord."
Sa huli, sinabi ni Lynn na umaasa silang mapili ang When I Met U para sa 2023 Metro Manila Film Festival.
