Namataan ang actor-director na si David Chua na namimigay ng mga pagkain, kumot, unan, payong, at kapote sa mga homeless person sa Tondo, Maynila, habang bumubuhos ang malakas na ulan noong Martes ng gabi, August 1, 2023.
Ginawa raw ni David dahil ibinabalik lamang niya sa mga kapus-palad at mga nangangailangan ang kabutihang ipinakita sa kanya ng mga taong tinulungan siya nang magkasakit ng pneumonia ang kanyang ina na si Lucy Uy.
Read: David Chua no plans of entering politics; enjoys being single at the moment
Matagal na naratay sa ICU ng isang ospital si Lucy, pero pumanaw ito noong January 2019, sa kabila ng pagpupursige ng aktor na ginawa ang lahat para madugtungan ang buhay ng kanyang ina.
Umabot sa pitong milyong piso ang utang ni David sa ospital, pero nabayaran niya dahil sa mga taong may mabubuting kalooban na hindi siya pinagkaitan ng tulong.
“In fairness, tumulong din sa akin ang gobyerno noong 2019. Malaking bagay yon sa akin.
“Yung mga government agency, tinulungan nila ako na makabayad sa hospital bills ng aking nanay dahil matagal siyang na-confine sa ICU.
“Marami ang tumulong sa akin kaya, in return, gusto ko rin makatulong sa mga nangangailangan,” pahayag ni David sa panayam sa kanya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
Hindi raw naramdaman ni David na nag-iisa siya nang magkaroon ng sakit ang kanyang ina.
Saad niya, “Hindi ko naramdaman na nag-iisa ako dahil alam ko, ginagabayan ako ng Panginoong Diyos. Numero uno yan, alam kong nandiyan Siya.
“Pangalawa, hindi ako pababayaan ng nanay ko.
"So, nung dumaan ako sa pagsubok na yon, dalawa lang, e. Either, malunod or tumayo ka at manindigan para makagawa ng solusyon.”
Nagkaroon ng dilemma noon si David nang sabihin ng doktor na brain dead na ang kanyang ina at higit na malaki ang magagastos kapag nanatili ito sa life-support system.
Lahad niya, “Nung time na ma-comatose ang mommy ko, sabi ng doktor, ‘Brain dead na yung mommy mo.’
“So, kailangan kong mag-decide, kasi kung itutuloy ang confinement, malaki ang perang magagastos.
“Ang ginawa ko, umuwi muna ako ng bahay, mga ala-una ng hapon yon. Humingi ako ng tulong, nagdasal ako sa harap ng imahe ng Virgin Mary.
"Then, after thirty minutes, tumawag sa akin ang doktor. Sabi niya ‘David, yung mommy mo, nagpahinga na…’”
Nalungkot man, nagpasalamat si David sa Diyos dahil nakaligtas siya mula sa paggawa ng isang mabigat na pagpapasya.
“Pagbalik ko sa ospital, nakabalot na siya ng kumot, pero tiningnan ko pa rin. Kinausap ko na lang na hindi ko kaya ang nangyari, pero wala akong choice.
"Ang ipinangako ko na lang, habambuhay kong aalagaan yung kapatid ko,” malungkot na lahad ni David tungkol sa isang bahagi ng kanyang buhay na hinding-hindi niya malilimutan.
PAY IT FORWARD
Ang pagtulong ni David sa mga kababayan nito sa Tondo ang "pay it forward" na ginagawa niya bilang pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob sa mga taong dumamay noong siya ang nangangailangan ng tulong dahil sa kanyang inang maysakit.
At para kay David, walang katumbas na salapi ang kaligayahang kanyang naramdaman habang pinagmamasdan ang mga batang pinakain niya ng fried chicken.
“Yung joy na hatid ng chicken, ibang klase,” napangiting sabi ni David.
“Sabay-sabay silang kumakain na nakakamay tapos pasasalamatan ka nila ng ‘Salamat po, Kuya!’
"Ibang saya ang ibinibigay nila. Parang bida ang saya. Yung puso ko, talagang nag-uumapaw sa kaligayahan.
“Hindi ko maatim na nakahiga akong komportable sa bahay tapos may mga tao at bata na natutulog sa kalsada. Malamig, umuulan.
“Di ba, kapag may nakasalubong na mga homeless o pulubi, minsan matatakot ka? Pero once na makausap mo sila, napakabait nila.
“Makita mo lang yung ningning sa mga mata nila at ngiti, mababasag talaga ang puso mo kaya gustung-gusto kong tumutulong,” pahayag ni David.