Isa sa pinaka-importanteng lesson na natutunan ng Negosyo Goals host/entrepreneur na si Anna Magkawas pagdating sa pagnenegosyo ay ang huwag magtiwala agad-agad.
Sa isang Instagram post nitong July 28, 2023, binalikan ni Anna ang kanyang mga naging experience bilang isang online seller. Kabilang na nga dito ang ilang beses na siyang naloko sa kanyang business.
Nabalita noon sa TV Patrol si Anna na kabilang sa mga online sellers na hindi nabayaran ng halos PHP10 million na halaga ng products at services.

Bukod dito, nabiktima rin si Anna ng isang modus operandi sa mga luxury bag sellers.
Isang di kilalang buyer ng luxury bags ang pumitik ng Hermès Birkin na nagkakahalaga ng PHP390,000 sa mismong boutiqe ni Anna noong 2020.
Sa tulong ng mga pulis ay naibalik kay Anna ang bag na kanyang binebenta.
Read: Hermes Birkin bag reseller becomes victim of theft: "Naka-face mask sila"
Kahit na may mga ganitong karanasan, nagpapasalamat si Anna dahil patuloy pa rin ang blessings na dumadating sa kanya.
"Sabi nga, di ba, iba si Lord gumawa ng way," pahayag niyo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press sa second anniversary ng kanyang lifestyle business na Luxe Beauty and Wellness.
Ginanap ang event grand ballroom ng Grand Hyatt Hotel sa Bonifacio Global City nitong July 29, 2023.
Patuloy ni Anna, "Kasi tayo naman, though yes, madalas tayong ma-scam noon, naloloko, kasi masyado tayong mabait, e.
"Si Lord na rin yung gumawa ng paraan para ibalik sa atin, sobra-sobra pa, yung dapat na nasa atin."
Aminado si Anna na may naiwang bubog ang mga traumatic experience na ito sa kanya. Kaya naman hindi na rin ito madaling magtiwala, lalo sa mga bago nitong nakikilala.
Aniya, "Siguro naglalagay na ako ng barrier. Medyo hindi na akong masyadong nakikipag-close sa mga, alam mo... paano ko ba i-explain yun? Mahirap e...
"Kasi, of course ako, being a social media influencer as well, you have to be friendly, di ba? Pero lagyan na natin ng limitation kasi madali ako magtiwala talaga.
"So one problem yan sa akin, that is why mabilis kaming maloko, mapag-samantalahan ng ibang tao. So siguro yun, iniiwasan ko na ma-fall."
ANOTHER MILESTONE
Sa kasalukuyan, nakatuon si Anna sa pagpapalago ng kanyang negosyo.
Nang tanungin kung ano ang sikreto sa mabilis na paglago ng kanyang negosyo, ibinahagi niya na mayroong iba't ibang mga kadahilanan na sumusuporta sa kanyang tagumpay.
Pahayag nito, "Siguro kasi consistent, and may focus, e. Talagang naka-focus ako na palaguin yung negosyo.
"And consistent yung pag-release ng new products. Of course, we develop new products right now. We have the Beauty Talks Vita capsules, which is doing well sa market.
"Kahit wala pa tayong mga endorsers na lumalabas, but maganda yung takbo ng sales ng Beauty Talks natin. And good products, of course, siyempre.
"At yung mga tao mismo, sila mismo yung tool din. Aside sa mga influencers natin, nandyan din mismo yung mga users natin na nagsasabi kung gaano kaganda yung produkto natin."
Bagamat matagumpay na ang kanyang negosyo, patuloy pa ring nagla-live selling sa iba't ibang social media platform si Anna.
Paliwanag nito, "I'll make sure pa din na nakakapag-live ako during mga payday sale, mga 7-7, ganyan. Because ayokong tanggalin yun kasi tulong ko din yun sa mga distributors natin.
"Ang malaking bagay din yun na nakakapag-live ako. And doon ako nakilala ng tao.
"So siguro one thing na hindi ko din tatanggalin sa sarili ko yun, yung doing live selling. Kahit na ganito na yung estado natin yun."
Samantala, nagpasalamat din si Anna sa mga celebrities at iba pang kilalang personalities na dumalo sa kanilang second anniversary party.
Kabilang dito sina Jericho Rosales, Aubrey Miles, Deanna Wong, Pau Fajardo, Zeinab Haraket at boyfriend na si former PBA player Bobby Ray Parks Jr., Small Laude, Viy Cortez, content creators Christine Samson at Mika Salamanca, at socialites na sina Cat Arambulo at Vernice Enciso.
READ MORE:









