Mahigpit ang panawagan ng veteran actress na si Isabel Rivas sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa hindi makatarungang pagdurusa na naranasan niya at ng ibang mga motorista at mga pasahero noong Biyernes, August 4, 2023.
"Mahiya sila! Probinsya pa naman ng Presidente 'yang Norte tapos ganyan!
"Pakitawagan nga ang mga dapat umayos dahil talagang kawawa ang mga taga-North sa non-service ng NLEX!" ang nagpupuyos sa galit na reklamo ni Isabel.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Isabel ngayong Sabado, August 5, 2023.
Naubos ang aniya'y mahabang pasensya niya dahil sa naranasang apat na oras na hindi pag-usad ng kanyang sasakyan. Epekto ito ng matinding trapik sa isang bahagi ng NLEX bago dumating sa San Simon exit.
Lahad ni Isabel: "Ang normal driving time ko kapag araw with traffic from Quezon City to my farm in Iba, Zambales is four hours, at three hours naman kung gabi dahil hindi marami ang mga sasakyan.
"Noong Friday, I went to NLEX [going to Iba] thinking na siguro naman, after a day or two, subsided na yung six hours na inubos ko sa NLEX noong Thursday nang magpunta ako sa Tagaytay from Iba to buy plants.
"To my super surprise last night, I left Manila at 9 p.m. to go back to Iba. And guess what? Yung kakarampot na tubig-baha before San Simon exit—na Thursday pa problema pero walang nag-aayos—tumagal kami ng apat na oras sa traffic.
"Walang effort to help motorists."
Read: 'Eat Bulaga!' trademark na pagmamay-ari ng TAPE Inc., ni-renew ng IPO
EIGHT-HOUR DRIVE FROM QC TO IBA, ZAMBALES
Hindi raw maintindihan ni Isabel kung bakit hindi agad nasolusyunan ang na-stuck na tubig-baha sa isang main highway.
"Can you imagine? Inabot ako ng three hours just to exit San Fernando dahil close ang SCTEX—na understandable, malaki talaga ang bridge na sira.
"Pero yung sa NLEX, hindi bridge ang sira as in may tubig-baha lang sa mababang part ng kalye.
"Hindi man lang naisip ng NLEX management na ipasipsip o i-dredge. Hindi yon mangyayari kung umaaksyon ang pamunuan ng NLEX!"
Naghihimutok na litanya pa ni Isabel: "Ako nga, hindi engineer pero alam ko kung paano aayusin ang problema para sa mga kababayan ko, ang NLEX walang gamit? Walang mga tao na tumutulong sa mga motorista!
"Bakit? Tulog na ba ang mga u…y na namamahala eh binabayaran naman natin ang kalye na ating ginagamit?
"Alas-nuwebe ng gabi ako umalis ng Manila, pero 5 a.m. [Saturday, August 5] na ako nakarating sa Iba!"
Read: Careless CEO Jeffrey Oh allegedly arrested, facing deportation
STANDSTILL AT NLEX FOR FOUR HOURS
Matinding perwisyo raw talaga ang naranasan niya at ng iba pang motorista.
Dire-diretsong pahayag pa rin ni Isabel. "Walang traffic all the way pag-exit ng San Fernando at my gosh, kinilabutan ako nang makita ko ang mga sasakyan sa NLEX na papuntang Manila.
"Kawawa ang mga pasahero at ang mga motorista from Angeles to San Simon exit dahil madaling-araw na pero super traffic pa rin!
"Nakalampas ako sa San Simon exit after four hours na nakatigil lang kami dahil walang galawan ang mga sasakyan. Ano ang tawag dun?"
Ang distansiya mula Angeles hanggang San Simon ay 29.4 kilometers, at ayon sa Google directions ay 32 minutes lang ang dapat itagal kapag binaybay ito.
Ang lalong ikinaasar ni Isabel ay hindi lang isa kundi dalawang beses siyang nagdusa sa pagbagtas ng trapiko sa kahabaan ng NLEX.
Mainit ang ulong sabi pa niya: "I am so disappointed! Hindi ako nagmamagaling pero karapatan ko na magsalita kasi wala silang ginagawa.
"I can attest to that because I was in the same spot last Thursday and up to Friday night, hindi pa rin nawawala ang small body of water na hindi man lang nila i-drain papunta sa mga rice field.
"Hindi hamak na mas maayos ang service sa SLEX kesa NLEX! Mahiya naman sila!”
Isa lamang si Isabel sa mga libu-libong Pilipino na naging biktima ng bangungot na trapik sa NLEX.
Dahil magkakasunod na araw ang walang tigil na pag-ulan, nagdulot ito ng pagbaha sa ilang bahagi ng Bulacan at Pampanga, kaya naman lima hanggang walong oras na hindi gumagalaw ang mga sasakyan sa mga naturang lugar.
Hindi lamang ang nakakaiyak sa galit na trapiko sa NLEX ang inirereklamo ng mga apektado dahil tila walang ginagawang paraan ang mga namamahala para malutas ang problema.
"Sobrang pahirap sa mga tao. Parang walang law and order na ginagawa ang NLEX management,” ang reaksyon ni Isabel.
Umaasa siyang makararating sa mga kinauukulan ang hinaing niya at ng mga biktima ng mapanlupig na sitwasyon ng trapiko sa NLEX.
Read: Isabel Rivas, higit isang taon nang hindi nadadalaw sa piitan si Dennis Roldan