JERRY OLEA:
Okupado ang halos lahat ng upuan sa orchestra at balcony ng PETA Theater Center nitong Agosto 5, 2023, Sabado ng gabi, sa pagtatanghal ng dulang The Reconciliation Dinner.
Masigabo ang palakpakan sa curtain call, at marami ang nagsitayuan.
Solid ang dula na isinulat ni Floy Quintos, at idinirek ni Dexter M. Santos. Nakakatawa, nakakaluha, sumusundot sa puso, tumutusok sa utak!
Sakdal-husay ang pitong nagsiganap. Napakaimportante ang chemistry sa pagitan ng matalik na magkaibigang Dina Medina (ginampanan ni Stella Cañete-Mendoza) at Susan Valderama (ginampanan ni Frances Makil-Ignacio).
Swak na swak ang pagganap nina Stella at Frances. Pag-entra pa lang nina Dina at Susan, ramdam mo na agad ang kanilang closeness… na unti-unting winasak ng magkaibang political conviction.
Maka-Leni si Susan, pati asawang si Fred (Jojo Cayabyab) at anak na si Norby (Phi Palmos). Maka-BBM si Dina, pati asawang si Bert (Randy Medel Villarama) at anak na si Mica (Mica Pineda).
Ang napangasawa ni Mica na si Ely (Nelsito Gomez), si Leni ang ibinoto pero itinago iyon sa asawa at in-laws.
Agaw-eksena si Phi bilang drag queen, at pakiwari ko’y siya ang nagkamit ng pinakamalakas na palakpakan nang gabing iyon — kahit halatang nagkamali siya sa eksenang nagkaharap sila for the first time ni Ely.
May mali ring teknikal sa pina-flash sa LED screen. Si Dina ang tumatawag sa cellphone ni Stella, pero ang na-flash ay “Susan Valderama calling.”
Pahayag ni Stella sa curtain call, “We would like to thank each and everyone of you for coming on the second show of our third and final run.
“It’s not marketing stint, we are on our final run. Yes, this is it.
“So, if you enjoyed the show, kung kayo po ay aming napatawa, napaiyak. If you were moved, if you were empowered by the show — please tell your friends about it.
“We have a Facebook page, an IG page, and moreso please tell your friends personally about the experience…
“Maraming-maraming salamat po!”
Opo! Nasa final run na ang The Reconciliation Dinner — Agosto 5-6, 12-13, 19-20, 2023, Sabado at Linggo ng 3:00 p.m. at 8:00 p.m. sa PETA Theater Center, 5 Eymard Drive, New Manila, Quezon City.
GORGY RULA:
Nakakatuwa ang partisipasyon ng ilang pulitiko sa napakagandang dulang ito.
Nung Sabado ay pinasalamatan ang Quezon City Mayor Joy Belmonte na noon pa man ay solid ang suporta niya sa entertainment and arts. Tumulong din ang kongresistang sina Cong. Rachel Arenas at Len Alonte.
Sana, masuportahan din ito ng ilan sa mga kabataang nasa pulitika na.
Nabanggit sa amin noon ni Alfred Vargas na gusto rin niyang subukan ang umarte sa entablado. Kaya ipinaalam ko rin sa kanya na may ganitong play ngayon sa PETA, na sana mapanood niya kasama ang kapatid niyang si Cong. PM Vargas.
Kudos sa direktor namin sa Startalk na si Direk Floy Quintos na nabanggit na niya sa amin noon na gusto na niyang mag-retire.
Pero nasa puso pa rin niya ang pagsusulat ng ganitong makabuluhang dula.
Sana, more and more pa!
Read: Robi Domingo fiancée diagnosed with rare autoimmune disease
NOEL FERRER:
Ito na ang last run ng sinasabing "Best Play of 2022" na kahit ilang beses ko na napapanood ay masaya, masakit, at nakakamulat pa rin.
Ito ang uri ng palabas na pagkatapos mong maaliw, may kung anong pagtatanong at disturbance sa loob natin na nagtatanong—masaya nga ba tayo sa nangyayari sa bansa natin ngayon?
Salamat sa mga nanood na mga nasa talent ko na sina Iza Calzado, Atom Araullo, Rico Hizon, Adrian Louis Alandy, Victor Neri, Sheila Francisco, Hidilyn Diaz, Arman Ferrer, Toma Cayabyab, pati si Mommy Carol Santos, Pen Medina, at si Aiko Melendez na kasama ni Mayor Joy Belmonte na dinala ang kanyang mga councilor at kasama sa QC communities sa PETA.
Ngayong Linggo, tatlong National Artists ang pupunta at susuporta—sina Sir Virgilio Almario, Sir Jimmy Abad at Sir Ricky Lee kasama ang grupo nina Ma’am Annette Gozon-Valdes ng GMA-7. Maging ang ating PEP Boss na si Ma’am JoAnn Maglipon ay nakatakdang manood mamaya.
Sapul sa puso ang The Reconciliation Dinner. Salamat din kina Ma’am Rachel Arenas at Len Alonte na kasama natin sa pagtataguyod ng makabuluhang mga gawain sa sining at kultura!
Read: Melai Cantiveros to bashers of daughter, Mela: "Bata lang ang anak ko, guys."
JERRY OLEA:
Kasama si Frances Makil-Ignacio sa cast ng pelikulang Ang Duyan ng Magiting, na nag-gala nitong Agosto 5, Sabado ng 6:15 p.m. sa Cinema Rizal ng PICC.
Idinirek iyon ni Dustin Celestino, at tampok din sa cast sina Dolly de Leon, Bituin Escalante, Agot Isidro, Miggy Jimenez, Jojit Lorenzo, Paolo O’Hara, Joel Saracho, at Dylan Ray Talon.
Facebook post ni Direk Jose Javier Reyes nitong Sabado ng gabi, "CONGRATULATIONS to Direk Dustin Celestino for setting the bar for Cinemalaya 2023 with the film he wrote and directed based on his Palanca Award winning play.
"This is the first gala screening that warranted a standing ovation from the audience at Cinema Rizal, PICC tonight. Super ensemble performances from Dolly de Leon, Paolo O Hara, Bituin Escalante, Agot Isidro, Miggy Jimenez, Joel Saracho, Jojit Lorenzo and EVERYONE in the cast.
"Filipino cinema is not dead: it is just waiting to be rediscovered for all the right reasons. And this is why there is CINEMALAYA."
Dalawang palabas ni Frances ang umani ng masigabong palakpakan nitong Sabado night—The Reconciliation Dinner at Ang Duyan ng Magiting.
Mula sa PETA Theater Center ay nagtungo kami nina Gorgy Rula at Direk Arman Reyes sa huling gabi ng lamay ng young actor na si JM Canlas sa St. Peter’s Chapel, Quezon Avenue, Quezon.
Si JM ay bunsong kapatid ng mga aktor din na sina Jerom at Elijah Canlas. Pasado 10:00 p.m. na ay puno pa ng tao sa kuwarto kung saan naroon ang urn ng cremains ni JM. Patapos pa lang noon ang eulogies.
Nasa labas si Ogie Diaz at ang mag-inang Angel Aquino at Iana Bernardez.
Gusto ni Angel na mapanood ang The Reconciliation Dinner dahil tagahanga raw siya ni Direk Floy Quintos.
Maya-maya ay namataan na rin namin sa lamay ang co-stars ni Frances sa Ang Duyan ng Magiting na sina Dolly de Leon, Miggy Jimenez, at Joel Saracho.
Lumabas si Elijah Canlas ng room at niyakap ang mga kaibigan sa lobby na nakikiramay.
Sabi ni Elijah kay Miggy na nakatrabaho sa Gameboys series, “Congratulations!”
Nakapanood na kaya ng The Reconciliation Dinner ang co-stars ni Frances sa Ang Duyan ng Magiting? Kung hindi pa, sana’y manood sila!
- Lea Salonga addresses dressing-room incident with Pinoy fans in Broadway
- Everything you need to know about Ang Huling El Bimbo The Musical: story, casting, review, ticket prices
- Alexa Ilacad, KD Estrada deliver kilig as Julia and Tenyong in Walang Aray
